Pinoy Weekly

Kabuhayang nakataya: Pabrika ng Triumph binabantayan ng manggagawa

Die-in ng mga manggagawa ng Triumph International Philippines Inc. sa Taguig City para iprotesta ang pagbuwag sa kanilang piket. (Tudla Productions)

Die-in ng mga manggagawa ng Triumph International Philippines Inc. sa Taguig City para iprotesta ang pagbuwag sa kanilang piket. (Tudla Productions)

Hindi nawawalan ng “bantay” ang pabrika ng Triumph International Philippines Inc. (TIPI) sa FTI Complex, Taguig City. Mula umaga hanggang gabi, umulan man o umaraw, mahigit-kumulang 60 manggagawa ang matatagpuan sa isang panahon sa piket. Hindi sila nakawelga. Nais lamang nilang pigilan ang posibleng pagsasara ng pabrika.

Umano’y patunay ang nagaganap sa TIPI, lokal na pagawaan ng kilalang international brand ng women’s underwear, na lubhang apektado ang bansa ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya. Patunay din ito na sa gitna ng krisis, higit na mahalaga ang pagkakaisa ng mga manggagawa.

Labanan sa tarangkahan

Noong Marso 31, nakatanggap ang mga manggagawa ng kakaibang abiso. Sa sulat ng Managing Director ng TIPI na si Dieter Streicher, inamin nitong kritikal ang negosyo ng kompanya dahil sa pagbagsak ng demand dulot ng malawakang resesyon. Marami umanong nagkansela ng order at malaki ang hawak nilang surplus na mga materyales. Kaya’t kailangan, ayon sa manedsment, na iluwas muli (re-export) ang mga materyales sa ibang bansa gaya ng Vietnam at Japan.

Agad naman itong kinuwestiyon ng Bagong Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Triumph International (BPMTI). Umaabot ng 1,200 ang mga manggagawa sa TIPI–karamiha’y kababaihan—at 900 dito ang kasapi ng unyon.

“Walang materyales, walang gawa. Sa kongkreto, magreresulta ito ng malawakang tanggalan sa trabaho at pagkawasak ng mga puwersa sa produksiyon sa Triumph International,” sabi ni Isabelita dela Cruz, tagapangulo ng BPMTI.

Sa kabila ng pagtutol ng mga manggagawa, tinangka ng manedsment noong Mayo 28 na ilabas sa pabrika ang hilaw na mga materyales. Napansin ito ng mga opisyal ng unyon at nagpiket sila sa harap ng tarangkahan, para pigilan ito. Agad namang ipinulong ng manedsment ang mga opisyal ng BPMTI at nangakong hindi muna nila ilalabas ang mga materyales.

Gayunpaman, naging mapagmatiyag ang mga manggagawa. Alas-sais ng umaga kinabukasan, sinubukan nilang itayo ang piket na pinangalanang “Bantay Pabrika! Tanggol Kabuhayan!” Pero pinigilan sila ng mga guwardiya, alinsunod umano sa utos ng manedsment.

Susunod na araw, daan-daang manggagawa na ang umayuda sa pagtatayo ng piket. Muli, hinaras sila ng mga guwardiya—umano’y kasama na ang ilang elemento ng Philippine National Police.

Noong Hunyo 1, bandang 1:15 ng madaling araw, puwersahang giniba ng 10 guwardiya ng FTI ang piket. Tinangay nila ang mga tent, streamer, at iba pang kagamitan ng mga manggagawa, ayon sa BPMTI.

Noong araw ding iyon, muling itinayo ng ang piket ng mga manggagawa. Bandang 2:30 ng hapon, muling sinubukan ng mga guwardiya na buwagin ang piket, pero ipinagtanggol ito ng mga manggagawa.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2103

Posted by on Jun 18 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Kabuhayang nakataya: Pabrika ng Triumph binabantayan ng manggagawa”

  1. internasyonalista

    Ang kailangan ngayon ay malawakang pagkakaisa at pakikibaka ng mga manggagawa para labanan ang mga atake ng kapitalismo at esatdo na nasa matinding krisis.

    Iwasan ang pagkanya-kanya ng laban. Sa halip dapat magtulungan para lalakas ang pwersa ng uri. Hindi ito magagawa ng mga unyon na hati-hati at punung-puno ng sektaryanismo at tunggalian, na siya dahilan upang mahati-hati ang laban ng mga manggagawa.

    Ang pagkakaisa ay dapat sa mga ASEMBLIYA kung saan maaring lalahok sa diskusyon at debate ang LAHAT ng manggagawa.

    Kumukulo din ang laban ng mga manggagawsa sa Cebu laluna sa Export Processing Zone. Wildcat strikes o “illegal” strikes ang inilunsad ng mga manggagawa dun, isang tradisyon na ginagawa ng uri noong 1970s at 1980s hindi lang sa Pilipinas kundi kahit sa Uropa. Maging ngayon, widlcat strikes ang sandata ng uring nagkakaisa sa Uropa — Britain, France, Greece, etc.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes