Pinoy Weekly

Katrina Halili at iba pang biktima ng sex videos nagtagpo

Nakipagkaisa ang aktres na si Katrina Halili sa iba pang babaing biktima ng sex videos sa isang counseling session  na inisponsor ng grupong pangkababaihan na Gabriela kamakailan.

“Nahikayat ang iba pang mga biktima ng sex videos na lumantad dahil sa katapangan ni Ms. Halili. Kumuha sila ng lakas mula sa isa’t isa at nagplano ng sama-samang pagkilos para labanan ang eksploytasyon at pang-aabuso sa kababaihan sa pamamagitan ng sex videos,” sabi ni Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Noong Hunyo 5, tatlo pang babaing biktima ng sex videos ang nagbahagi kay Halili ng kanilang mga karanasan at kung papaano sila umaagapay sa sitwasyon.

Sa counseling session, sinabi ni Halili na lumalaban siya hindi lamang para sa kanyang sarili kundi maging para sa iba pang mga babaing biktima ng pang-aabuso. Umaasa siyang magsisilbing babala ang nangyari sa kanya para sa iba pang kababaihan.

“Ang session ay bahagi ng pagpoproseso ng mga babaing nakaligtas sa karahasan; para malaman nilang hindi sila nag-iisa at higit na mahalaga, para makabangon sila mula sa pagiging biktima at lumaban,” sabi ni de Jesus.

Nakikipagtulungan ang grupo kina Gabriela Women’s Party Rep.  Liza Maza at Luz Ilagan para makriminalisa ang produksiyon at distribusyon ng sex videos.

Ani de Jesus, ipinapakita lamang ng pagpapakalat ng sex videos ang mababang pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan. “Sa panahon ng matinding krisis, lumalala ang komodipikasyon sa babae bilang sex obejct. Napapabilis at napapalawak pa ng information technology ang ganitong pang-aabuso sa kababaihan.”

Bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng grupo, pinangungunahan ng Gabriela ang  iVow to Fight VAW (Violence Against Women), isang public information at awareness-raising campaign tungkol sa karahasan sa kababaihan. Ang paglaganap ng sex videos ang isyung kasalukuyang tinututukan ng kampanya.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1821

Posted by on Jun 7 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes