Pinoy Weekly

‘Maanomalyang’ proyekto sa E-Passport pinatitigil

Dumagsa ngayon sa Manila Regional Trial Court ang mga miyembro ng Anakpawis party-list para hilingin ang pagpapatigil ng diumano’y maanomalyang P859.7 Milyong proyekto sa pag-iimprenta ng mga E-passport.

Noong Marso 30, nagsampa ng Temporary Restraining Order ang grupo laban sa pagbibigay ng kontrata ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Francois-Charles Oberthur Fiduciar, kompanyang nasangkot din sa pag-iimprenta ng kontrobersiyal na mga P100 bill na may lagdang “Arrovo” o maling ispeling ng huling pangalan ni Pangulong Arroyo.

Ibinigay ng BSP at DFA ang 2nd phase ng kontrata para sa build-operate-transfer sa kompanyang naka-base sa France, at binawi ito mula sa Pilipinong kompanyang BCA International.

Ayon kay Anakpawis Rep. Joel Maglunsod, “Pinopondohan ba ng mga mamamayan ang mga ehekutibo ng DFA at BSP? Hahayaan ba nating matangay ng mga Pranses ang pinaghirapan nating pera?”

Sinabi ng Anakpawis na noong 2004, nasangkot din ang nasabing kompanya sa isang maanomalyang pag-iimprenta ng pasaporte sa Kenya.

“Tila pinatatakbo ang ating bansa ng mga sindikato na nagpapanggap na mga opisyal sa Malakanyang at mga departamento nito. Ipagpapatuloy ng Anakpawis ang kampanya nito para sa malinis na pamumuno sa pamamamagitan ng paglaban sa lahat ng porma ng korupsiyon,” sabi ni Maglunsod.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2253

Posted by on Jun 26 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes