Pinoy Weekly

Malinaw ang naging paningin ni Nanay Perlita sa dapat na landas ng kababaihang manggagawa

Si Nanay Perlita Serrano, lider-manggagawa

Si Nanay Perlita Serrano, lider-manggagawa

Sumakabilang-buhay noong Hunyo 21 si Perlita Serrano, isa sa mga tagapagtaguyod ng militanteng kilusan ng kababaihang manggagawa.

Tumagal ng halos tatlong dekada ang kanyang paglilingkod para sa kapakanan ng mga kababaihan sa loob ng pagawaan bago siya tuluyang iginupo ng sakit na diabetes.

Maraming unyon, alyansa at organisasyon ng kababaihan ang kanyang pinamunuan. Gayundin, makailang ulit siyang nakarating sa ibayong dagat para dumalo at katawanin sa iba’t ibang kumperensiya ang mga kababaihang manggagawa sa bansa.

Sa mga kapwa manggagawa, kasama sa organisasyon at kapamilya, kilala siya bilang Nanay Perlita.

Buhay

Lumaki si Nanay Perlita sa lungsod ng Makati noong dekada ’50. Di kalaunan, sapilitang giniba ang mga bahay sa kanilang lugar para magbigay-daan sa pagtatayo ng isang expressway.

Matapos ito’y nakahanap sila ng malilipatan sa Muntinlupa. Nang makatapos siya sa mataas na paaralan, kumuha siya ng secretarial course, at saka nag-enroll sa Philippine College of Commerce (na ngayon ay Polytechnic University of the Philippines). Sa kasamaang palad, hindi niya naipagpatuloy ang pag-aaral dahil sa kahirapan ng buhay.

Patuloy siyang nagsumikap at noong 1997, nakatanggap siya ng diploma mula sa isang taong apprentice program. Matapos ito, pumasok siya bilang mananahi sa Sarmiento Knitting sa Parañaque. Sa loob ng pagawaang ito, kung saan hinawakan niya ang isang high-speed sewing machine, naranasan niya, sa unang pagkakataon, ang paghihirap ng mga manggagawa.

Sa kabila ng bigat ng trabaho sa loob ng pagawaan, P2.00 lamang ang kinikita ni Nanay Perlita sa bawat dalawang dosena ng ginantsilyong sweatshirt na kanyang natatapos. Kuwento niya, pilit pinagmamadali ang mga manggagawa para mapabilis ang produksiyon at maabot ng bawat isa ang kanyang quota. Ibinabalik sa mga manggagawa ang kanilang ginawa kung hindi ito maayos. Ikinukulong din umano sila habang nagtatrabaho.

Lalo pang nagpalala sa kalagayan ni Nanay Perlita ang kanyang oras ng paggawa: alas-otso ng gabi hanggang alas-kuwatro ng madaling araw.

Tiniis ni Nanay Perlita ang ganitong kalagayan para makatulong sa pamilya at maitaguyod ang kanyang anak na si Edith, na tinuturing niyang inspirasyon sa buhay.

Pakikibaka

Matapos ang anim na buwan, umalis si Nanay Perlita sa Sarmiento Knitting. Pumasok siya sa Alpha RTW sa FTI Complex. Sa pagawaang ito, una siyang sumabak sa kilos-protesta. Nagwelga ang mga manggagawa nang tanggalin ng manedsment sa trabaho ang 500 manggagawa noong 1981. Dinahas ng mga guwardiya ng pagawaan ang kanilang piket. Maraming naitalang mga kaso ng pananakit at harasment, lalu na sa mga babaing manggagawa.

Sa pagkakataong ito, namulat si Nanay Perlita sa dahas na ginagamit ng Estado laban sa mga mamamayang payapang nagpapahayag ng karaingan.

Nalaman din niya kung paano nagsasamantala ang mga kapitalista. Una nang nag-alok ang manedment ng separation pay, re-hiring ng mga natanggal bilang kontraktuwal, at iba pang pamamaraan upang mabawasan ang bilang ng mga regular. At bagamat ibinalik sila sa trabaho, may mga pagkakataong hindi sila sumasahod.

Ginamit ding paraan ng Alpha ang kunwang pagsasara ng kompanya at paggamit ng bagong pangalan. Mula Alpha, napalitan ito ng Interfashion, North American Garments hanggang naging North Atlantic Garments ito sa kalaunan.

Sa mga panahong ito, lumalim ang pagkaunawa ni Nanay Perlita sistemang kapitalista at kung paanong inaayudahan pa umano ito ng pamahalaan.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2303

Posted by on Jun 29 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes