Pinoy Weekly

Pilipinas, pinakadelikadong bansa sa obrero – ITUC

Idineklara kamakailan ng International Trade Union Center (ITUC) ang Pilipinas bilang pinakadelikadong bansa para sa mga obrero sa buong Asya. Ito’y matapos makapagtala sa bansa ng pinakamaraming bilang ng napaslang na mga manggagawa sa nakaraang mga taon. Samantala, pumapangatlo naman ang bansa sa buong mundo sa nasabi pa ring listahan, at naungusan lamang ng Columbia at Guatemala.

Ayon pa sa Kilusang Mayo Uno (KMU), patuloy ang pangunguna ng Pilipinas sa listahang ito sa nakaraang mga taon.

Sa datos na nakalap ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), umaabot na ng 91 ang napaslang na mga manggagawa matapos maupo si pangulong Gloria Arroyo noong 2001. Noong 2006, taon nang unang magsampa ng reklamo ang KMU sa International Labor Organization (ILO), 64 na umano ang napapaslang na mga mangagagawa. Gayundin, mayroon dalawang manggagawa na biktima ng sapilitang pagkawala.

Sa lahat ng kasong ito, maaaring sabihing may direktang kinalaman ang militar, ayon sa CTUHR.

Ayon kay Guy Ryder, secretary general ng ITUC, ang taun-taong pangunguna ng Pilipinas sa nabanggit na listahan ay nagpapatunay lamang na ang gobyerno ay “walang kakayahang tiyakin ang kaligtasan” ng mga manggagawa at sa ilang mga pagkakataon ay sila ring nasa likod ng mga kaso.

Samantala, patuloy na nananawagan ang KMU sa kagyat na pagtigil ng pamamaslang, pandurukot, harasment at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao ng mga manggagawa.

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, “pinapatunayan lamang ng pahayag ng ITUC na talamak at hindi na maitatanggi ng rehimeng Arroyo ang mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa.”

Samantala, magsasagawa naman ng (ILO) ng “high-level fact finding mission” upang mag-imbestiga sa nagaganap na mga paglabag sa mga karapatang pantao at panunupil sa mga manggagawa.

Kinastigo ng KMU ang gobyernong Arrroyo at Department of Labor and Employement na una nang nagpahayag ng pagtutol sa pagbisita ng ILO sa bansa para mag-imbestiga. “Pamumostura” lamang umano ng gobyerno ang pagsuporta nito sa misyon sa kasalukuyan.

Umaasa ni Labog na “kagyat na maitutuloy ang misyon ng ILO upang maipakita ang tunay na represibong kalagayan sa bansa sa ilalim ng rehimeng Arroyo.”

Bukod sa mga kaso ng pamamaslang, umaasa ang KMU na maiimbestigahan rin ang mga paglabag sa ILO Convention na ipinapatupad sa bansa. “Sa mga nakaraang taon, hinarap namin ang iba’t ibang opensiba na ang layon ay mawalis ang unyon, magpatupad ng kontraktuwalisasyon at flexible work arrangement at iparalisa ang lahat ng porma ng paglaban ng mga manggagawa para itaguyod ang kanilang mga karapatan,” pahayag ni Labog.

Ito umano ang mga patakarang pinapatupad ng pamahalaan sa halip na gawing regular at dagdagan ang sahod ng mga manggagawa.

Nag-resulta ito sa pagbaba ng bilang unyonisadong mga manggagawa, batay sa pag-aaral ng CTUHR. Ayon sa grupo, bumaba sa 1.85 milyon ang dating 3.85 milyon na unyonisadong mga manggagawa. Dahil sa pagbaba na ito, nahihirapan ang mga manggagawa na mag-organisa ng kanilang hanay, maggiit para sa collective bargaining agreement at kumilos para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, dagdag ng grupo.

Binanggit din ng KMU ang “pang-aabuso ng gobyernong Arroyo sa sistemang hudisyal ng bansa.” Halimbawa umano nito ay ang pagsasampa ng “gawa-gawang mga kaso” gaya ng nangyari kay Atty. Remigio Saladero, chief legal counsel ng grupo. Matatandaang sinampahan ang abogado ng iba’t ibang kasong kriminal kasama ng 66 pang manggagawa’t aktibista sa Timog Katagalugan.

Ayon kay Labog, “mahalaga ang resulta ng pag-aaral ng ITUC at ang misyong isasagawa ng ILO.” “Ito’y magiging malaking hakbang sa mahabang paglalakbay tungong katarungan na matagal nang ipinagkakait sa mga manggagawa.”

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2125

Posted by on Jun 20 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes