Istorya ng Linggo Lathalain

Pinay sa kamay ng dayuhang amo

Pages: 1 2 Next page »

Aliyah: Biktima ng isang Saudi harem (Soliman A. Santos)

Aliyah: Biktima ng tangkang panggagahasa sa Saudi Arabia (Soliman A. Santos)

Umiiyak na nagkuwento si Aliyah (di niya tunay na pangalan) sa mga miyembro ng media noong Hunyo 27 sa isang press conference. Habang may takip na belo sa mukha, isinalaysay niya ang dalawang beses na pangtatangka ni Abu Khalid, ang may-ari ng Maqpoon Belahodood General Service Company na pansamantala niyang tinutuluyan kasama ng 20 pang ibang Filipina.

Hindi ito ang unang pangingibang-bayan ng 29 na taong gulang na Muslim. Una na siyang nanilbihan sa Hong Kong at saka sa Dubai. Pero dahil sa hirap ng buhay, kinailangan ulit niyang mangibang-bayan. Hindi niya akalaing mangyayari ang sinapit niya sa kamay pa man din ng kapwa niya Muslim

Dumating sa Damman, Saudi Arabia noong Mayo 20, 2009 si Aliyah at magtatrabaho sana bilang babysitter at tutor. Iyon kasi ang inaplayan niya pero naging domestic helper ang kanyang trabaho pagdating doon.

Limang araw lamang nakapagtrabaho si Aliyah sa bahay ng kanyang amo. Aniya, hindi siya pinakain ng dalawang araw.

“Doon sa dalawang araw na ’yun, naospital na ako dahil hindi ko na kaya yung hirap. Mula sa ospital, pagkaraan ng limang oras dinala na ako sa agency,” dagdag niya.

Sa agency na nagsimula ang malagim niyang karanasan.

Ani Aliyah, nang una siyang ipinatawag ni Khalid sa kuwarto nito, ikinuwento nito sa kanya ang kanyang “sex life.” Pinaghihipuan umano siya at gusto nang hubaran pero nakapanlaban siya. Hindi natuloy ang masamang balak ni Khalid pero nagbanta ito na hindi siya titigil hangga’t hindi niya natitikman si Aliyah.

Bago pa man siya ipinatawag ni Khalid, nag-usap-usap na sila ng mga kapwa niya Pinay na nandoon din sa naturang ahensiya. Doon niya nalaman na halos lahat ng kasama niya ay nagahasa na ni Khalid. Ang ilan sa kanila, paulit-ulit. May mga pagkakataon pa umanong ipinagagahasa sila sa anak at ilang kaibigan ni Khalid.

“Wala silang kakayahang manlaban doon. Pinabababayaan na lamang nila dahil sa takot,” sabi ni Aliyah.

Bilang proteksiyon, tatlong patong na damit ang kanilang isinusuot. Para kahit paano’y maantala ang kahayupan ng kanilang amo.

Nang sumunod na ipatawag si Aliyah, ganoon pa rin ang ginawa ni Khalid. Pero nanlabang muli si Aliyah. Nakadampot siya ng bolpen at binantaang sasaksakin si Khalid kaya napatigil ito sa kanyang balak.

“Sinabihan ko siya na Muslim ka rin at alam mong hindi tama ang ginagawa mo,” sabi pa ni Aliyah.

Humingi ng ayuda

Noong Hunyo 7, 2009, ipinatawag siya ng sekretarya ng kanyang amo at pinauwi na sa Pilipinas. Pero hindi doon tinapos ni Aliyah ang laban. Kung tutuusi’y ligtas na siya sa kamay ng among tinawag nilang “halimaw.” Pero hindi siya mapalagay dahil sa kalagayan ng 20 pang naiwan doon.

Lumapit siya sa Migrante International para tulungan ang mga naiwan pang OFW sa kustodiya ni Khalid.

Sa pakikipag-ugnayan sa Migrante-Middle East, opisyal ng embahada at lokal na pulis sa Saudi Arabia, dalawang Pinay pa ang nasagip noong Hunyo 23.

Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, nakausap niya si Khalid sa telepono at sinabihan siyang “itigil na ang paggawa ng gulo.”

“Kami pa ang sinabihan niyang gumagawa ng gulo, samantalang gusto lang naming mailigtas ang mga kapwa natin Filipino. Nung sabihin ko sa kanyang kasama namin dito si Aliyah, hindi na kumibo si Khalid,” ani Martinez.

Pages: 1 2 Next page »

No related posts.

Discussion

No comments for “Pinay sa kamay ng dayuhang amo”

Post a comment