Pulong ng grupong party-list sa Cagayan sinalakay


Isang pulong ng mga grupo ng party-list na kinabibilangan ng Anakpawis, Bayan Muna, Gabriela, at Kabataan ang sinalakay ng pinaghihinalaang mga elemento ng militar sa Cagayan Valley noong madaling-araw ng Hunyo 11. Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, tinatayang 30 armadong lalaki na nakaunipormeng militar ang sumalakay at tumangay sa […]

Isang pulong ng mga grupo ng party-list na kinabibilangan ng Anakpawis, Bayan Muna, Gabriela, at Kabataan ang sinalakay ng pinaghihinalaang mga elemento ng militar sa Cagayan Valley noong madaling-araw ng Hunyo 11.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, tinatayang 30 armadong lalaki na nakaunipormeng militar ang sumalakay at tumangay sa tatlong laptop computer, cellphone, pera at iba pang kagamitan ng mga lider ng naturang mga party-list.

Ayon pa sa ulat, puwersahang pumasok ang mga armadong lalaki habang natutulog ang 19 na lider sa MassCoop resort sa Masitsit, Sanchezmira, Cagayan.

“Ang ilan sa kanila ay nakasuot pa ng bonnet, ulat ni Isabelo Adviento, regional coordinator ng Anakpawis – Cagayan Valley.

Tatlong lider, kabilang na ang isang babae ang umano’y sinaktan ng mga sumalakay. Tinukoy ang mga ito bilang sina Noben Concepcion, tagapag-ugnay ng Anakpawis – Isabela at Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela; Vino Abrojena, tagapag-ugnay ng Anakpawis – Cagayan at tagapangulo ng Danggayan Cagayan Valley; at Rubilyn Alabo ng Bagong Alyansang Makabayan – Isabela.

Agad umanong tumalilis ang mga unipormadong lalaki matapos makuha ang mga gamit ng mga lider.

Kinondena naman ni Mariano ang insidente at sinabing maaaring kaugnay ito ng pagmamanman ng militar sa mga aktibistang tumututol sa constituent assembly.

Agad na nanawagan si Mariano sa House Committee on human rights na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng naturang insidente.