Importasyon ng bigas: korupsiyon at krisis

Habang diumano'y tiba-tiba sa kupit ang iilan sa gobyerno, patuloy na naghihirap ang mga magsasaka sa mababang presyo ng palay. (Karl Castro / PW File)
Noong nakaraang taon, muling pinatunayan ng bansa na ito ang numero unong taga-angkat ng bigas sa daigdig. May 2.3 milyong metro tonelada (MT) ang inangkat ng National Food Authority (NFA), sa kabuuang halagang $1.5-Bilyon. Ito umano ay para maibsan ang epekto ng krisis sa suplay ng bigas na dinanas ng daigdig at nagtulak pataas ng presyo ng bigas sa lokal na pamilihan.
Enero ngayong taon, muling bumili ang NFA ng 1.5 milyong MT mula sa bansang Vietnam. Napansin lamang ang nasabing pag-angkat nang maibulgar sa isang ulat ng Reuters na overpriced ang bigas na binili ng gobyerno mula sa Vietnam Southern Food Corp.
Balon ng korapsiyon
Binili ng NFA sa halagang $550 kada MT ang bigas na may gradong 5 per cent, 15 per cent, and 25 per cent. Pero ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan noong Enero hanggang Pebrero 2009, nasa $380-460 lamang para sa bigas na may gradong 5 per cent at $330-400 naman para sa bigas na may gradong 5 per cent. Lumalabas na 45% ang ibinayad ng gobyerno nang labis, sa pakikipagkasundo nito sa kompanyang Vietnamese.
Nang lumabas ang ulat, agad na naging depensibo ang mga opisyal ng Department of Agriculture. Ayon kay Arthur Yap, kalihim ng DA, nakabatay ang presyo sa halaga ng Vietnam rice noong Disyembre 2008 na $456-459 at sinaklaw ng iba pang mga bayarin ang dagdag na presyo.
Ayon kay Senador Chiz Escudero, maaaring umabot ng P5.7 hanggang P13.1 Bilyon ang kickback mula sa nasabing transaksiyon ng matataas na opisyal ng NFA at DA na malapit kay Pangulong Arroyo.
Matatandaan na mismong si Pangulong Arroyo ang kumausap kay Vietnamese Prime Minister Nguyen Than Dung noong Enero para masiguro ang importasyon ng bigas para sa taong ito.
“Patunay ang pagkakasangkot ni Arroyo sa kasunduang gobyerno-sa-gobyerno na ito na may hindi pangkaraniwang naganap,” sabi naman ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano.
Hudyat ng krisis?
Bukod sa pagiging diumano’y balon ng korapsiyon, dapat din umanong istriktong bantayan ang malakihang importasyon ng bigas ng Pilipinas dahil sa dulot nitong pagdestabilisa sa pandaigdigang presyo ng bigas.
Noong nakaraang taon, ang pagbili ng gobyerno sa 2.3 milyong MT ng bigas ay nagdulot ng pagsirit ng presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan sa $1,080 kada MT—ang pinakamataas sa kasaysayan. Umani ito ng kritisismo mula sa United Nations Food and Agriculture Organization.
“Baka pagsamantalahan ng iba pang mga bansang nag-aangkat ng bigas ang importasyon ng Pilipinas para makapagtaas ng presyo,” babala ni Mariano.
Pangamba pa ng mambabatas, maaaring magresulta ang 45% overprice sa inangkat na bigas mula Vietnam sa ganoon ding kalaking pagtaas sa presyo ng komersiyal na bigas.
Sa lokal na merkado, nananatiling mataas sa P40 ang presyo ng komersiyal na bigas. Kaya naman mahaba pa rin ang pila para sa NFA rice o bigas na sinusubsidyuhan ng gobyerno, na binebenta mula P18.25 hanggang P32.
Noong nakaraang buwan, inihayag ni NFA Deputy Administrator Ludivico Jarina na maaaring umabot sa 2.4 milyong MT ang aangkating bigas ng bansa ngayong taon. Mababa lang ito nang bahagya sa dami nang inangkat noong 2008.
Pero binatikos ni Mariano ang diumano’y panic buying ng gobyerno. “Bago inangkat ang bigas mula Vietnam, dapat inalam muna ang inventory stocks noong Enero, ang tinatayang ani para sa unang kalahati ng taon, at ang tinatayang inventory stocks pagkatapos ng anihan sa Hulyo,” aniya.
Mismong si Yap, inihayag noong Marso na walang tinatayang kakulangan sa suplay ng bigas, dahil aakyat ang lokal na produkisyon sa 7.4 milyong MT sa kalagitnaan ng taon, mas mataas kaysa sa 7.1 milyong MT noong 2008.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2730













