Paalam, Ka Wilson


Hinatid na sa kanyang huling hantungan si Wilson Fronda Baldonaza o mas kilala bilang Ka Wilson. Lider at edukador ng obrero, pumanaw siyang nasa unahan ng laban ng manggagawa at sambayanan para sa demokrasya at lipunang malaya.

Si Ka Wilson Baldonaza (Video grab mula sa May Day Productions)
Si Ka Wilson Baldonaza (Video grab mula sa May Day Productions)

Inihatid na sa huling hantungan noong Linggo, ika-5 ng Hulyo, si Wilson Fronda Baldonaza. Kilala bilang Ka Wilson, masigasig siyang lider at edukador ng obrero, hanggang sa huling mga sandali ng kanyang buhay.

Hindi lubos akalain ng mga kaanak at kasamahan niya sa organisasyon na biglaan itong igugupo ng karamdaman. Paano’y isa pa siya sa mga punong-abala sa mahahalagang kaganapan sa kilusang paggawa nito lamang Mayo: ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa at ang taunang pagtitipon ng mga manggagawa sa buong mundo, ang International Solidarity Affair.

Pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) bago pumanaw, kilala si Baldonaza bilang masinsin, masipag at matalinong lider obrero.

Noong ika-5 ng Hunyo, sinugod siya sa ospital dahil sa matinding atake. Bunga ito ng kumplikasyon ng kanyang sakit sa puso, baga, bato at atay. Ilang linggo matapos ito, tuluyan nang iginupo ng kanyang karamdaman si Baldonaza.

Buhay at pakikibaka

Tubong Victoria, Tarlac, pinanganak si Baldonaza noong Agosto 26, 1953. Pangalawa siya sa limang magkakapatid. Magsasaka ang kanyang mga magulang na madalas niyang tulungan sa mga gawaing bukid.

Nag-aral siya sa mababa at mataas na paaralan ng Victoria. Nagtapos siya ng hayskul noong 1970 ng may karangalan. Pumasok siya sa University of the East (UE) sa kursong civil engineering. Sa kasamaang-palad, natigil siya pag-aaral dahil na rin sa kahirapan ng buhay.

Unang sumabak si Baldonaza sa aktibismo noong siya ay mag-aaral sa EU. Naging bahagi siya ng Samahan ng Demokratikong Kabataan na masugid na kumikilos laban sa pamahalaang Marcos. Nang ipataw ang batas militar noong 1972, nagpasya siyang bumalik sa Tarlac at doon magtrabaho at ituloy ang pagkilos.

Taong 1975 nang bumalik siya sa Maynila. Nagtrabaho siya bilang guwardiya sa Manila Domestic Airport upang maipagpatuloy ang pag-aaral. Nagawang makapag-aral muli ni Baldonaza pero matapos ang ilang taon ay tumigil din dahil sa hirap ng pagsasabay nito sa trabaho.

Noon namang 1977, pumasok siya bilang quality control personnel sa Mabuhay Textile Mills sa Valenzuela. Bahagi siya ng pagbubuo ng unyon sa pagawaang ito. Ayon kay Elmer Labog, “Nahubog si Ka Wilson sa pagdalo sa mga pag-aaral, pulong, welga, rali at iba pampulitikang gawain ng unyon.”

Naging pangulo siya nito noong 1985.

Pinamunuan naman niya ang welga ng mga manggagawa noong 1986 dahil sa mga paglabag ng manedsment sa collective bargaining agreement. Dinahas ang kanilang piket ng mga guwardiya ng pagawaan pero hindi natinag ang kanilang hanay.

Sa mga panahong ding ito, mas lumawak ang gawaing tinatanganan ni Baldonaza. Mula 1987 hanggang 1990, tumayo siya bilang pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan sa balangay nito sa Valenzuela.

Siyam na taon naman siyang naging “pangunahing instruktor” ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research mula 1991. Isa siya sa mga masusugid na nagpalaganap ng Kurso sa Tunay, Palaban at Militanteng Unyonismo sa mga manggagagawa sa buong bansa. Nakibahagi siya sa pagbubuo ng mga kursong pang-manggagawa at iba pang mga sulatin. Tumulong din siya sa pagpapaunlad ng iba pang katulad na institusyon sa edukasyon ng mga manggagawa.

Bilang lider-obrero

Taong 1997 nang maging bahagi si Baldonaza ng pamunuan ng Association of Nationalist and Genuine Labor Organization-KMU. Naging tagapangulo siya nito noong 2002.

Samantala, sa ika-9 na kongreso ng KMU noong Abril 2007, hinalal siya bilang pangkalahatang kalihim ng organisasyon. Kuwento ni Rep. Joel Maglunsod ng Anakpawis—na siyang pinalitan ni Baldonaza—nag-atubuli pa umano ito noong una pero nauna pa rin ang kahandaan niyang tumanggap ng anumang gawaing inatang.