Raymond Manalo, pinagmumura si Palparan sa pagdinig ng CHR


Tumayo at pinagmumura ni Raymond Manalo, biktima diumano ng pagdukot at tortyur sa kamay ng 7th Infantry Battalion ng Philippine Army, si dating heneral at Rep. Jovito Palparan, habang nagsasalita ang huli sa pagdinig ng Commission on Human Rights (CHR). Nagsasalita si Palparan hinggil sa “pagpatay” umano ng mga rebeldeng komunista habang inaakusahan siyang pumapatay […]

Tumayo at pinagmumura ni Raymond Manalo, biktima diumano ng pagdukot at tortyur sa kamay ng 7th Infantry Battalion ng Philippine Army, si dating heneral at Rep. Jovito Palparan, habang nagsasalita ang huli sa pagdinig ng Commission on Human Rights (CHR).

Nagsasalita si Palparan hinggil sa “pagpatay” umano ng mga rebeldeng komunista habang inaakusahan siyang pumapatay nang tumayo si Manalo. Nagmura ang naturang biktima at sinabing “Tinortyur mo ako!” bago pinaupo ng mga kasamahan at tahimik na lumabas ng conference room ng CHR.

“Walang gagalaw sa kanya, walang gagalaw kay Raymond Manalo,” sabi ni CHR Chair Leila de Lima matapos maghiyawan ng “Ilabas iyan!” ang mga tagasuporta ni Palparan at ng anti-komunistang si ANAD Rep. Pastor Alcover Jr.

Dagliang tinapos ni De Lima ang pagdinig, na unang nagtalakay hinggil sa kaso ng pagtortyur diumano kay Melissa Roxas.

Si Manalo ang isa sa magkapatid na Manalo na dinukot diumano ng Pebrero 14, 2006 ng mga tauhan ni Palparan noong commanding general pa siya ng 7th ID ng Army sa Central Luzon.

Nakatakas si Manalo at ang kapatid niyang si Reynaldo noong 2007. Sa mga pagdinig sa CHR at sa writ of amparo hearing sa Court of Appeals, sinabi nilang nakita nila si Palparan noong nasa piling ng mga militar. Nakita rin umano nila ang nawawalang aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.

Pumunta sa pagdinig ni Roxas sina Palparan at Alcover para iprinsinta ang bidyo na ebidensiya umano na miyembro ng New People’s Army (NPA) si Roxas.

Sa naturang pagdinig, inakusahan ni Palparan si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na siyang may kinalaman umano sa pagdukot kay Roxas. Muling inakusahan nina Palparan at Alcover si Ocampo na miyembro at lider pa nga ng NPA.

Ngunit matapos ang pagtatanong sa dalawa ni De Lima, sinabi ng tagapangulo ng CHR na “wala kayong ebidensiya” sa akusasyon laban kay Ocampo.