Tagumpay ng mga bida ng lansangan

Lumabas ng kalsada ang mga drayber ng jeepney at mga tagasuporta nila sa Davao City para iprotesta ang di makatarungan umanong mga pagtaas ng presyo ng langis kamakailan. (Keith Bacongco / AKP Images)
Isang linggo bago ang isang pambansang tigil-pasada, ibinaba ng Petron, Shell at Chevron o tinaguriang “Big Three” sa mga kompanya ng langis, nang P1.50 ang presyo ng mga produktong petrolyo nito. Giit ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide), “maniobra” ito para masabing “hindi makatwiran” ang tigil-pasada.
Itinuloy ng Piston ang sama-samang aksiyon noong Hulyo 13. “Ano ba naman ang P1.50 na rollback kumpara sa P8.00 kada litro na ‘tompats’ o labis na kita ng mga kompanyang ito?” sabi ni George San Mateo, pangakalahatang kalihim ng grupo.
Paralisadong transportasyon
Batay sa mga ulat, nagtagumpay ang mga tsuper.
Sa National Capital Region (NCR), na tinakdang sentro ng kilos-protesta, naparalisa ang 70 hanggang 80 porsiyento ng mga ruta ng pampublikong mga sasakyan. Umabot sa 80 hanggang 100 porsiyento ang paralisasyon ng biyahe sa mga lugar gaya ng Navotas, Novaliches, Balintawak, Litex, Sucat, Muntinlupa at Alabang.
Ayon mismo sa Philippine National Police, naparalisa ang 90 porsiyento ng transportasyon sa Iligan City at 80 porsiyento naman sa rehiyon ng Bicol.
Sa ulat naman ng InPeace Mindanao, naparalisa ang 90 porsiyento ng transportasyon sa Cagayan de Oro City; habang sumuporta sa tigil-pasada ang mga tsuper sa mahigit kalahati ng ruta ng dyip sa Davao City. Nagsuspindi din ng klase ang ilang pribadong paaralan sa huli “bilang tugon” sa pagkilos.
Noong araw ding iyon, nagbaba ng presyo ang independiyenteng kompanya ng langis na UniOil ng P4.75 sa gasolina, P3.50 sa diesel at P1.50 sa kerosene. Ayon kay San Mateo, malinaw na bunga ito ng tigil-pasada. Hindi umano sila titigil hangga’t di sumusunod ang Big Three sa pricing trend ng UniOil.
Sobrang singil sa langis
Nitong nakaraang mga linggo, sunod-sunod ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), kakatwa ito dahil relatibong mababa ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan kumpara noong nakaraang taon. Matapos magtaas ng presyo ang Dubai Crude Oil (DCO) noong 2008, bumababa ito nang tuluy-tuloy ngayong taon. Nang magtaas ito ng presyo, sumirit din ang presyo ng produktong petrolyo ng Big Three. “Pero nang magbaba ng presyo ang DCO, “pakitaang-tao” lamang ang halagang binawas ng Big Three,” ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng grupo.
Batay sa pag-aaral ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ganito kalaki ang overpricing ng mga produktong petrolyo:
| Unleaded gasoline | P3.09 kada litro |
| Diesel | P9.08 kada litro |
| Kerosene | P12.12 kada litro |
| LPG o liquefied petroleum gas | P51.36 kada tangke na may bigat na 11 kilos |
Ayon pa rin sa Bayan, umaabot ng P167.03 Milyon kada araw ang kinikita ng malalaking kompanya ng langis dahil sa overpricing. Narito ang breakdown ng arawang kita ng malalaking kompanya ng langis:
| Petron Corporation | P64.64 Milyon |
| Pilipinas Shell | P49.94 Milyon |
| Chevron Philippines | P23.55 Milyon |
| Total Philippines | P7.52 Milyon |
| Pinagsama-samang kita ng iba pang kompanya | P21.38 Milyon |
“Sintomas” ng pandaigdigang krisis pampinansiya ang overpricing ng mga produktong petrolyo, dagdag ni Labog. Sa pagbaba umano ng benta ng mga behikulo, tinitiyak ng mga kartel sa langis na tuloy ang kanilang kita.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2747













