Tubo ng tatlong kompanya ng langis, higit pa sa pinagsamang kita ng mahihirap sa Pinas – Ibon
US$20.1-B noong 2010. Umabot ng US$192-B ang kabuuang tubo ng naturang kompanya mula 2001-2010> Higit pa ito sa halaga sa gross domestic product (GDP) ng Pilipinas noong 2010 sa US$189.0-B.

Hindi bababa sa Php141.7 Bilyon ang naging tubo ng tatlong pinaka-malalaking kompanya ng langis sa nakaraaang dekada. Higit pa ito sa pinagsamang kita ng pinakamahihirap na 2.36 milyong pamilya sa bansa, na may kita ng Php114.3-B noong 2009, ayon sa Ibon Foundation, isang institusyon ng pananaliksik.
Taliwas ito sa mga pahayag ng tinaguriang “Big Three” na kailangan ang mga lokal na pagtaas ng presyo upang mabawi nila ang “lugi sa paggalaw ng presyo ng langis sa daigdig.”
Nanawagan ang Ibon ng “tunay na transparency sa lokal na industriya ng langis” para matiyak na hindi tumutubo sa kapinsalaan ng publiko ang Big Three.
“Ang lokal na presyo ng diesel ay tumaas mula P13.96 kada litro noong 2001, rumurok sa P44.31 noong 2008 bago bumagsak nang bahagya sa P41.26 noong 2010. Ang presyo ng regular na gasolina naman ay tumaas mula P16.58 noong 2001 papuntang P45.92 noong 2008 at ibayo pa sa P48.73 noong 2010,” pahayag ng Ibon.
Tumaas ang net profit ng Pilipinas Shell nang anim na beses mula P3.1-B noong 2001 papuntang P19-B noong 2008 at P16-B noong 2009 sa pangkabuuang net profit sa loob ng siyam na taon na umabot ng P73.0-BA.
Samantala, lumaki rin ang kita ang Chevron nang 11 beses mula P1-B noong 2001 papuntang P10.7-B noong 2007 at P8.6-B noong 2008, bago bumaba sa P8.3-B noong 2009. Sa kabubuan, mula 2001-2009, umabot ng P40.2-B ang kita ng Chevron.
Sinabi pa ng Ibon na hindi kumpleto ang dato sa tubo ng Petron, ngunit napag-alaman nilang tumaas ang tubo ng naturang kompanya mula P1.2-B noong 2001 patungong P6.1-B noong 2007. Sa pitong taon, umabot ang kita ng Petron sa P28.6-B. May ilang ulat na nagsasabing umabot na sa P1.9-B ang kita ng naturang kompanya sa unang kuwarto ng 2010 lamang.
Sa buong daigdig, malaki ang itinutubo ng Big Three dahil sa pagtaas ng presyo ng langis. “Ang presyo ng krudong Dubai ay tumaas mula sa taunang average na US$22.70 kada bariles noong 2001 at rumurok sa US$94.80 noong 2008 bago bumagsak sa US$78.10 noong 2010. Ang presyo ng krudong Dubai ay nagsimula na muling mabilis na tumaas at nasa US$120 kada bariles na,” ayon pa sa Ibon.
Higit sa dumoble ang tubo ng Royal Dutch Shell mula US$10.9-B noong 2001 tungong sa US$26.3-B noong 2008 bago bumaba sa US$20.1-B noong 2010. Umabot ng US$192-B ang kabuuang tubo ng naturang kompanya mula 2001-2010. Higit pa ito sa halaga sa gross domestic product (GDP) ng Pilipinas noong 2010 na US$189.0-B.
“Ipinakikita ng mga datos na ito na ang mga pagtaas sa presyo ay pinakinabangan nang husto ng monopolyo sa langis. Sa lokal, ang deregulasyon at ang prinsipyo nito ng awtomatikong pagbabago sa presyo ay nagpahintulot sa Big Three na makahakot ng dambuhalang tubo habang ibayong pinatatatag ang kartel sa industriya,” sabi pa ng Ibon.
Sinabi ng Ibon na kailangang wakasan ng administrasyong Aquino ang patakaran nitong deregulasyon sa industriya ng langis “dahil hinihikayat nito ang gayong walang-pakundangang pagtubo sa kapinsalaan ng mga konsiyumer na Pilipino.”