Ang makabuluhang tungkulin ni Randy Echanis


Matapos ang mahigit isang taong pagkakabilanggo, nakalaya na si Randall Echanis para gampanan ang papel na pilit na ipinagkakait sa kanya ng Estado.

Si Echanis, matapos mapalaya. (Kodao Productions)

Sa kabila ng kanyang pagkabilanggo, optimistiko pa rin ang bagong layang si Randall “Ka Randy” Echanis.

Optimistiko siya sa gawain niya bilang konsultant sa usapang pangkapayapaan. “Sa ngayon, wala namang masyadong malaking problema. Medyo tumutungo naman sa pagpapatuloy ng pagbubukas ng pormal na usapan,” ani Echanis. Pero kung anuman ang mangyayari sa pag-uusap doon pa natin talaga malalaman.”

Nanggagaling ito sa isang taong mahigit isang taong ikinulong ng gobyernong Arroyo, at ilang beses pa ngang ikinulong ng nagdaang mga rehimen sa kanyang paninindigan. Nanggagaling ito sa isang taong ang pansamantalang paglaya ay nakakabit sa pagpapatuloy lamang ng usapang pangkapayapaan. Anumang oras, maaari siyang paarestuhin ng gobyernong Arroyo.

Binatikos na ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang tila kawalan ng interes ng gobyernong Arroyo na palayain nang walang kondisyon ang konsultant ng NDFP na si Echanis. Paglabag umano ito sa kasunduan para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

Pero nang makapanayam ng Pinoy Weekly si Echanis, nasa gitna siya ng masigasig na paghahanda para sa sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Arroyo at NDFP. Inaasahang tatalakayin dito ang socio-economic reforms, kung saan konsultant si Echanis. Nauna nang napag-usapan ng dalawang panig ang usapin ng human rights at international humanitarian law na siyang nagluwal sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o Carhrihl.

“Sabihin na nating ito ‘yung pinakalaman, pinakamahalaga sa mga agenda ng usapang pangkapayapaan. Ito yung magsisikap na magbigay ng solusyon sa mga problema ng mga mamamayan, lalo na sa pangkabuhayan: reporma sa lupa sa mga magsasaka, usapin ng mga manggagawa at iba pang sektor, na siya namang pinag-uugatan ng labanan, ng civil war sa kasalukuyan sa ating bansa,”paliwanag ni Echanis.

Bilang paghahanda, nakikipagkonsulta na si Echanis sa mga grupong katulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Ugnayan ng mga Manggagawa sa Agrikultura, Anakpawis at iba pa tungkol sa usapin ng repormang pang-agraryo at iba.

Masigasig ang pagkokonsulta ni Echanis sa nasabing mga grupo, sa kabila ng sariwa pa niyang karanasan ng pagkakapiit.

Gawa-gawang kaso

Enero 28, 2008, inaresto ng mga elemento ng militar at pulis na nakadamit sibilyan at may takip sa kanilang mukha si Randall Echanis sa Bago City, Negros Occidental. Nandoon si Echanis para sa isang konsultasyon sa mga magsasaka at manggagawang-bukid na kasapi ng National Federation of Sugar Workers and Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA)  hinggil sa Genuine Agrarian Reform Bill (House Bill 3059) at paghahanda na rin para sa National Rural Congress na pangungunahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Inakusahan siyang kasapi ng komite sentral ng Communist Party of the Philippines (CPP) kasama nina Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna party-list at Jose Maria Sison, tagapagtatag ng CPP at kinasuhan ng multiple murder kaugnay ng nahukay umanong mass grave sa Hilongos, Leyte. Isa umano siya sa mga nag-utos para isagawa ang ‘paglikida’ sa pinaghihinalaang ahente ng militar sa loob ng CPP noong 1985.

“Malinaw na gawang-gawang kaso ‘yan. Kasi ‘yung kasong isinampa laban sa akin, nakakulong ako nung panahong iyon, 1983-86. Wala ako sa kalagayan na maging isa sa mga nagplano raw,” paliwanag ni Echanis.

Iginiit niya rin na legal ang ginagawa niyang konsultasyon sa mga magsasaka. “Isa pa, protektado ako ng Jasig (Joint Agreement on Security and Immunity Guarantee) dapat,”dagdag niya.

Simula pa noong 2002, tumutulong na sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) si Echanis bilang kasapi ng Reciprocal Working Committee for Social and Economic Reforms ng NDFP kaya malinaw na kasama siya sa mga dapat na pinoprotektahan ng Jasig na napagkasunduan noon pang 1995.

Paglabag sa prosesong legal

Napakarami umanong paglabag ang awtoridad kaugnay ng kanyang pagkakaaresto, ayon kay Echanis.

“Hindi kami ng binigyan ng pagkakataon na makapagsampa ng counter affidavit sa panahon ng preliminary investigation. Hindi kami inabisuhan. Nalaman na lang namin na nakasampa na yung kaso at may warrant of arrest na. Andaming lapses o violation sa due process,” aniya pa.

Naniniwala si Echanis na pulitikal na panggigipit pa rin ng administrasyong Arroyo ang ginawa sa kanya at iba pa niyang kasama. Itinuturo niyang salarin ang kontra-insurhensiyang kampanya ng gobyerno, ang Oplan Bantay Laya 2.

“Maliban sa mga ekstra-hudisyal na pagpatay, pagdukot sa mga aktibista at iba pa, bahagi din ng OBL ang panggigipit sa mga kilalang aktibista. Sa balangkas ng OBL2, nariyan ang IALAG (Inter-Agency Legal Assistance Group ). Ang trabaho nito, magsampa ng gawa-gawang mga kaso sa mga lider-aktibista. Bahagi ito ng pagpapahina sa kilusan,” paliwanag ni Echanis.

Ito rin ang itinuturong may kagagawan sa pagsasampa ng kasong rebelyon sa mahigit 50 aktibista noong 2006 matapos magdeklara ng state of emergency si Pangulong Arroyo. Di kalaunan, ibinasura ito ng Korte Suprema ang kasong rebelyon.

“Pero ilang buwan lang ang lumipas, itong mass grave naman ang ikinaso sa amin. At yung mga taong kinasuhan ng rebelyon, sila din yung kinasuhan sa umano’y mass grave na ito,” ani Echanis. Kaya makikita mo na gawa-gawa lang talaga ang mga ito para gipitin ang mga pinaghihinalaang kasapi o tagasuporta ng CPP, dagdag niya.

Bahagi rin umano ng mga pakana ang IALAG ang panggigipit sa Batasan 6, ST 72, Tagaytay 5 at iba pa. “Ang target, arestuhin ka at ikulong. O kung hindi mahuhuli, magtatago ka naman. Talagang itutulak ka nitong IALAG,” sabi ni Echanis.

Noong Mayo 15, 2009, binuwag ni Pangulong Arroyo ang IALAG. Ayon kay Echanis, isa ito sa hinihiling ng NDFP pero binuwag umano ito dahil sa malawakang batikos dito. Matatandaang inirekomenda rin ni United Nations Special Rapporteur on extrajudicial, summary or arbitrary executions Philip Alston ang pagbuwag sa naturang ahensiya.

“Makatwiran lang na palayain nila ako, batay sa merito ng aking kaso at isa pa, nagkataon pa na ito’y naganap sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Gustuhin man nilang bulukin ako sa kulungan, naobliga silang palayain ako,” sabi ni Echanis.

Noong Hunyo 15, 2009, napagkasunduan ng GRP at NDFP na palayain ang mga konsultant ng NDFP kabilang si Echanis, ang kalalaya lang din na si Elizabeth Principe at ilan pang negosyador ng NDFP. Kasama rin sa kasunduan ang pagwawalang-bisa sa warrant of arrest kina Vicente Ladlad at Rafael Baylosis na kabilang sa mga kinasuhan ng gobyerno kaugnay ng umano’y mass grave.

Karanasan sa bilangguan

Sa ikatlong beses na pagkakulong, inamin ni Echanis na ngayon lamang siya naisama sa bilangguan ng mga karaniwang kriminal.

“Noon kasi, nung panahon ng batas militar at noong 1990, political detainee ako. Kaya ikinulong ako sa Camp Aguinaldo at Camp Crame. Sa Leyte, mahigit 700 kami, at baka ako lang politikal detainee doon,” ika ni Echanis.

Pero ipinakita ni Echanis ang pagiging organisado sa loob ng bilangguan. Naging bahagi siya ng kampanya sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga bilanggo. Halimbawa na lamang sa pagkain na karaniwan umanong problema sa loob. Nakapagbigay din siya ng ilang mga payo o opinyon tungkol sa kanilang mga kaso.

“Karamihan naman ng mga nakakulong diyan, mga magsasaka, mga karaniwang tao. May napagbintangang nagnakaw, awayan sa lupa, kaya medyo nakatulong din tayo kahit paano. May positibo naman,” kuwento pa ni Echanis. Inabot siya ng ilang buwan sa bilangguan sa Leyte hanggang panandalian siyang inilipat sa Crame, tapos sa Manila City Jail at balik ulit sa Crame.

“Sa Maynila, mahigit isang taon ako diyan. Mas grabe kasi mahigit 4,000 kami. Mainit, masikip, walang kuryente, mahirap ang tubig,” ani Echanis.

Inireklamo rin ni Echanis ang masamang pagkain sa naturang bilangguan. “Sa Leyte, makakain mo pa, pero dito talagang mahihirpan kang lunukin.”

Mahirap din umano sa gamot lalo na nang abutan siya ng kasagsagan ng pananalasa ng Influenza A H1N1 sa loob ng kulungan.

Dito rin niya lalong napatunayan ang kabulukan ng sistemang pangkatarungan sa bansa. Napakaraming kaso umano ang tumatagal dahil lamang walang pambayad sa abugado. ‘Pag mahirap ka, mabubulok ka sa bilangguan,” pansin niya.

Binatikos rin niya ang korapsiyon sa pamamahala ng mga bilangguan. “May pondo naman sa pagkain, kaya lang kinukurakot. Sa pagkain, P40 ang nakalaan para sa isang bilanggo, pero ang tantya ko, P20 lang ang ginagamit, saan napupunta yung kalahati?” aniya.

Nang muli siyang ilipat sa Crame, mga political detainee na ang mga kasama niya. Aniya, “mas mahusay, mas organisado kami (political detainees) kumpara sa Leyte o Maynila. Nagtutulungan kami sa loob.

“Ang problema, inihiwalay ako sa ibang bilanggo. Pero nakagagawa naman kami ng paraan para makapagugnayan,” aniya. Mahusay rin aniya ang ugnayan nila sa iba pang bilanggo tulad ng mga Magdalo at ilang rebeldeng Muslim.

Sa loob ng bilangguan, naging libangan ni Echanis at kanyang mga kasama ang pagtatanim ng ilang gulay. Bukod sa salitang telebisyon, nakipaglaro rin umano siya ng football sa ibang bilanggo. May mga libro din na pwedeng mabasa pero ang isa sa mga naging libangan niya ay ang pagsusulat ng tula at ng entri sa kanyang diary.

“Sa loob, kailangang libangin ang sarili. Hindi dapat magpatalo sa buryong. Kaya ang ginagawa ko ay nagsusulat para maibahagi na rin ang aking karanasan,” sabi pa ni Echanis.

Pero ngayong lumaya na, kakaunti na ang panahon niya para sa pagsusulat, paglaro ng football, at iba pang gawain. Abala kasi siya sa gawain ng pakikipagnegosasyon para sa pangmatagalan at makabuluhang kapayapaan sa ating bansa.