SONAng gerilya


Nabubuwag na raw ni Duterte ang NPA. Pero kumusta na ang rebolusyonaryong kilusan sa harap ng todo-gera ng rehimen nitong limang taon?

Ibinida ni Pangulong Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ang tagumpay daw ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa pagsugpo sa armadong rebolusyon ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF).

Ani Duterte, kumpiyansa siyang mawawalan ng suporta ang kilusang komunista sa susunod na mga buwan. Gaya raw ng rebelyon ng mga Moro sa Mindanao, mawawakasan din niya ang CPP-NPA-NDFP.

Nanguna sa prayoridad ni Duterte ang marumi, madugo, magastos at maanomalyang giyera kontra-insurhensiya sa nakalipas na limang taon. Halos sumentro na nga rito ang mga programa, patakaran at pondo ng kanyang administrasyon. Maging ang pagtugon sa pandemya ng Covid-19 ay ginamit para supilin ang rebolusyonaryong kilusan.

Pero sa limang taon ng atake ni Duterte, totoo bang napahina o nadurog na ang NPA?

Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Marco Valbuena, chief information officer ng CPP, para sagutin ang tanong na ito at para kamustahin ang kalagayan ng armadong rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.

“Masasabi natin na bigo ang pasistang rehimen sa deklarado nitong layunin na tapusin ang NPA,” ani Valbuena.

Minaliit niya ang pahayag ni Duterte na nabuwag na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang 15 larangang gerilya ng NPA. Napakalayo umano nito sa kasalukuyang 110 larangang gerilya ng NPA. Buo rin ang 14 na panrehiyong kumand nito na naglulunsad ng pakikidigmang gerilya sa buong bansa.

Pakikidigmang gerilya

Sa nakalipas na mga taon, nakapagtala pa nga raw ito ng matatagumpay at malalakihang taktikal na opensiba laban sa armadong puwersa ng Estado.

“Matutukoy ang taktikal na opensiba ng NPA nitong Marso 19 sa Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte bilang isa sa pinakamatagumpay sa usapin ng dami ng sandatang nasamsam na walong HPR (high-powered rifle),” ani Valbuena.

Kabilang din daw sa pinakamatagumpay na opensiba ng NPA ang reyd sa estasyon ng Philippine Coast Guard sa Barobo, Surigao del Sur. Nakakuha raw sila ang limang HPR at iba pang armas nang hindi man lang kinailangang magpaputok ng baril noong Oktubre 12, 2020.

Ibinida rin niya ang mga pananambang ng NPA sa Sultan Kudarat noong 2020, dalawa sa Guihulngan City nitong Enero 2021 at Agosto 2020 at isa bayan ng Ilog noong Hulyo 2020 sa Negros, sa Abra nitong Enero 2021, at sa Bukidnon noong Nobyembre 2020.

“Sa maraming pagkakataon, hindi isinasapubliko ng AFP ang kanilang pagkatalo sa battlefield, lalo na sa focused military operations (FMO) at gitgitang labanan. Mas madalas na ang daan-daang milyong pisong ginagastos nila sa mga FMO ay nauuwi sa wala, at sila pa ang dumaranas ng pinsala,” ani Valbuena.

Pinakahuling halimbawa raw nito ang operasyon ng AFP sa Abra at Ilocos mula Disyembre 2020 hanggang Enero 2021. Wala man lang umanong pinsala sa NPA sa kabila ng isang buwang “panghahalihaw, panggigipit sa masa, pagdo-drone at paghuhulog ng bomba.”

Kuwento ni Valbuena, sa panahong ito’y umiwas lang ang mga yunit ng NPA sa malalaking konsentrasyon ng AFP, hinintay na umuwi ang malaking puwersa, at tinarget sa ambush ang ilang naiwang maliit na tropang naiwan.

Pero hindi laging banayad ang operasyon ng NPA sa nakalipas na mga taon. Inamin ni Valbuena na may panahong ininda nito ang mga operasyong militar ng rehimen.

“[Bandang 2019,] kinailangang umangkop o mag-adjust ang mga yunit ng NPA sa harap ng large-scale military operations ng AFP at PNP. Ang mga FMO na ito’y nagtatagal nang dalawang linggo hanggang isang buwan, gumagamit ng medium-altitude at long-endurance surveillance drones, may suporta ng aerial bombing, rockets at artillery shelling at walang patumanggang pag-atake sa masang magsasaka gamit ang mga paraang brutal at terorista,” kuwento niya.

Napangibabawan daw ito ng NPA at mabilis na naka-angkop sa operasyon ng militar gamit ang “taktikang gerilya ng dispersal, paglilipatlipat at konsentrasyon, para makaiwas sa pagkubkob o encirclement ng kaaway.”

“Kahit gaano kalaki ang operasyon ng kaaway, dahil sa mastery sa terrain, laging makatutuklas ang NPA ng corridor para lumusot sa pagitan ng operating units ng kaaway, at sa proseso, maglunsad ng mga ambush o reyd para patamaan ang mga tactical outposts o mahihinang bahagi nito mula sa gilid o likuran,” ani Valbuena.

Pero para kay Valbuena, ang susi sa pagpapanatili ng lakas ng NPA ay ang “pagpapalakas ng gawaing masa at pagsusulong ng mga anti-piyudal at anti-pasistang mga pakikibaka, at pagpapalakas at pagpapalawak ng baseng masa.”

Dahil dito, may mga bago pa ngang larangang gerilya ang NPA.

Pormasyon ng mga gerilya. Kontribusyon

Pagsuko

Ibinida ni Duterte sa SONA na sa pamamagitan ng NTF-Elcac, may malalaking igpaw ito sa pagtugon sa ugat ng armadong tunggalian.

Pagpapagawa raw ito ng farm-to-market roads, eskuwelahan, patubig at sistemang pangkalinisan, estasyong pangkalusugan, at iba pang proyektong pangkabuhayan. Dahil umano sa mga ito, mahigit 17,000 na dating rebeldeng komunista na ang sumuko sa gobyerno. “Nagbalik-loob na sila sa batas at masayang pumapaloob sa lipunan,” sabi ni Duterte sa kanyang SONA.

Pinasinungalingan ito ni Valbuena. Aniya, lagpas ito sa paulit-ulit na sinasabi ng gobyerno na 4,000-5,000 na lang ang bilang ng NPA sa nagdaang mga taon. Taliwas din ito kahit sa sinasabi ni Hermogenes Esperon ng NTF-Elcac na dumami pa ang NPA mula 3,700 noong 2020 tungong 4,000 ngayong Hunyo 2021.

“Totoong may sumumuko o nagpahinga. Natural ito sa takbo ng giyera. Pero karamihan sa ipinagyayabang ni Duterte na mga ‘sumurender’ ay mga sibilyan o karaniwang magsasaka at masang minorya na tinakot, pinilit o niloko na ‘sumumpa’ o sumama sa mga parada o palabas,” aniya.

Dagdag pa ni Valbuena, marami sa ipinaradang “sumuko” ay lumalapit daw sa rebolusyonaryong kilusan para humingi ng payo, tulong at proteksiyon mula sa paninindak at panggigipit umano ng AFP at PNP.

“May mga ‘surenderee’ na ginagamit ngayon ng AFP na attack-dog sa kanilang red-tagging. Pero dahil hawak sila ng military at nananatili silang virtual prisoners, ‘malaya’ lang sila habang nagko-cooperate sila, o puppets ng AFP, tainted at walang credibility ang lahat ng sasabihin nila,” ani Valbuena.

Ibinulgar din niya na malaking “raket” ng korupsiyon ang kampanyang pagpapasuko ng NTF-Elcac na pinagkakakitaan umano ng bilyun-bilyon ng mga heneral ng AFP.

“Kaliwa’t kanan ang natatanggap nating ulat kung paanong ang mga ‘surrenderee’ na dapat ay nakatanggap ng P65,000 sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Livelihood Integration Program (E-Clip) ay nakatanggap lang ng ilang kilong bigas at mga delata,” ani Valbuena.

Pagsulong

Imbes na mapahina, lalong lumakas daw ang NPA.

“Counter-productive ang pagbaling ng pasistang rehimeng Duterte sa ibayong pagpapalaki ng AFP at PNP at pagkahumaling nito sa paggamit ng modernong armas at aerial assets, sa halip na harapin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa larangan ng usapang pangkapayapaan. Lalo nitong inuubos ang rekurso sa giyerang hindi nila kayang ipagwagi at naglalantad ng bulok na kaibuturan ng naghaharing sistema,” ani Valbuena.

Samantala, lumalakas at lumalapad ang kilusang masa sa mga sentrong lungsod at bayan para ipanawagan ang pagwawakas sa rehimeng Duterte dahil sa nakikitang kapalpakan, kapabayaan, karahasan at pagpapakatuta nito. Iba’t ibang porma ng protesta at pagpapakita ng galit ang nailunsad kahit may pandemya at paghihigpit at panunupil ng Estado.

Dahil nagiging banta kay Duterte ang lumalawak na kilusang masa, nakatuon ang mga atake ng rehimen sa pagsupil dito.

“Sa pagsusulong ng masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya, nagagawa ng NPA na idispers o batakin ang puwersa ng AFP at PNP para pigilan silang gamitin ang kanilang buong puwersa sa pagsupil sa mga pakikibakang masa,” ani Valbuena.

Dagdag pa niya, nakatutulong ang mga opensiba ng NPA sa pagpapalakas ng loob sa masa at sa pagkamit ng katarungan sa mga “kriminal sa likod ng mga pasistang paninibasib sa kanila.”

Sa kabila ng mga atake ni Duterte, sinabi ni Valbuena na mataas ang moral at determinasyon ng NPA na labanan ang rehimeng Duterte.

“Nasa posisyon ang NPA para sumulong nang malaki sa darating na mga taon kahit pa, o lalo na, kung makapanatili si Duterte sa poder at ipagpatuloy niya ang kanyang tiraniko at teroristang paghahari. Lalong nagiging malinaw sa taumbayan na wala silang ibang masusulingan sa paglaban sa pasistang paghahari kundi ang mag-armas at sumapi sa NPA,” ani Valbuena.