Ekstensiyon ng CARP: barikada ng panginoong maylupa

Mga magsasakang nagtatanim ng palay sa Hacienda Luisita: kinailangan pang magbuwis ng buhay para kilalanin ng gobyerno ang kanilang mga karapatan. Ngayon, muling banta sa kanila ang ekstensiyon ng CARP. (Pamela Avila / Contributed Photo)
Sa gitna ng malalaking isyu – tulad ng pagkamatay ni dating pangulong Corazon Aquino at pagkatapos ng maluhong hapunan ni Pangulong Arroyo sa US – pinirmahan na ng huli ang Republic Act 9700, ang batas na nagpapalawig ng limang taon pa sa pagpapatupad ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program).
Naglaan ang naturang batas ng P150 Bilyon para sa ekstensiyon, 60% ang mapupunta sa pagbili at pamamahagi ng lupa, habang ang natitira ay para sa serbisyong pansuporta.
Pinirmahan ni Pangulong Arroyo ang batas noong Agosto 7, 2009 sa Plaridel, Bulacan. Ayon sa Malakanyang, pinili ni Pangulong Arroyo na pirmahan ang batas sa Bulacan, dahil dito rin pinirmahan ng kanyang ama, si dating pangulong Diosdado Macapagal, ang unang repormang pang-agraryo, 46 taon na ang nakaraan.
Dahil dito, limang taon pa ang itatagal ng 20-taong-gulang na CARP – isang bagay na hindi ikinatutuwa ng mga magsasaka – lalo na’t sa mahabang panahon nang pag-iral nito, nananatiling walang sariling lupa ang mayorya ng mga magsasaka sa Pilipinas.
Unang pinirmahan ni Aquino ang CARP noong 1988. Sampung taon ang ibinigay na palugit dito pero pinalawig ito nang ilang beses dahil hindi pa umano nakukumpleto ang layunin ng programa – ang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka – dahil sa mga ‘butas’ ng naturang batas.
Parangal kay Cory?
Kaya nga inaprubahan ng Senado ang RA 9700 bilang parangal umano kay Pangulong Aquino. Hindi naman sang-ayon dito ang KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas).
“Nagbibigay-pugay kami kay Pangulong Aquino dahil sa pangunguna niya sa people power laban sa diktadurang Marcos at patuloy na paglaban sa korupsiyon sa gobyerno pero hindi dapat ikonekta ang CARP sa kanya sa panahong ito,”ayon kay Danilo Ramos, ang pangkalahatang kalihim ng grupo.
Paliwanag pa ni Ramos, isa ang CARP, partikular ang stock distribution option nito, sa mga mayor na kritisismo sa administrasyong Aquino dahil nailigtas nito ang Hacienda Luisita na ipamahagi sa mga manggagawang-bukid.
Iginiit ni Ramos na hindi nagawa ng CARP ang tunay na reporma sa lupa at pinanatili nitong walang lupa ang magsasakang Pilipino. Ang 20-taong implementasyon nito, aniya, ay naging ‘gatasan’ lamang kung saan ang P160-B pondo ay direktang napunta sa mga panginoong maylupa, kurakot na opisyal ng gobyerno at pekeng grupo ng mga magsasaka.
Pulitikal na reinkarnasyon
Ayon naman kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, pinatibay lamang ng RA 9700 ang depensa ng mga panginoong maylupa sa kanilang mga lupain dahil sa maraming harang sa akwisisyon at paglimita sa mga benepisyaryo.
Tinawag pa niya itong “pulitikal na reinkarnasyon” ng repormang pang-agraryo ng ama ni Pangulong Arroyo dahil sa pagbuhay sa mga probisyon ng RA 3844 na may kaugnayan sa mga magsasakang benepisyaryo. Ang RA 8344 o ang Agricultural Land Reform Code ang programa ng yumaong pangulong Diosdado Macapagal na isinabatas noong Agosto 8, 1963.
Tinukoy ng mambabatas ang Sec. 5 ng RA 9700 na tulad ng RA 8344, ang mga tenants o lessees at regular na manggagawang-bukid lamang ang kuwalipikadong benepisyaryo.
“Naisantabi na ang milyun-milyong walang lupa at mga panahunang manggagawang-bukid,” ani Mariano.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3497













