Ekstensiyon ng CARP, ‘hindi regalo kay Cory’
“Hindi regalo” kay yumaong dating pangulong Corazon Cojuangco-Aquino ang pagratipika ng Senado sa ekstensiyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), paglilinaw ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), militanteng grupo ng mga magsasaka.
“Nagbibigay-pugay kami kay Aquino dahil pinangunahan niya ang mga mamamayan sa pagpapabagsak ng diktaduryang Marcos at nagpatuloy na lumaban sa korupsiyon sa gobyerno,” sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP.
Aniya, “Hindi dapat ikonekta sa kanya sa puntong ito ang CARP, partikular ang probisyon para sa stock distribution option, na isang mayor na kritisismo sa kanyang gobyerno dahil hindi naipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga manggagawang-bukid na nagpaunlad sa lupa.”
Niratipika ng Senado noong Agosto 3, tatlong araw nang pagkamatay ni Aquino, ang bicameral conference committee report para sa limang-taong ekstensiyon ng CARP na may badyet na P150-Bilyon.
Isa umano itong “regalo” kay Aquino, na isinabatas ang programa sa kanyang administrasyon para matugunan ang kahilingan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Pagmamay-ari ng pamilya Cojuangco ang Hacienda Luisita sa Tarlac.
Tinututulan ng KMP ang CARP dahil ginamit umano ito ng mga panginoong-maylupa para manatili ang kanilang kontrol sa lupa. Pito sa 10 magsasaka ang nananatiling walang sariling lupa, 20 taon matapos ipatupad ang CARP.
Aminado man ang KMP na isa ang CARP sa mga “sensitibong isyu” para kay Aquino, sinabi ni Ramos na “nais ng grupo na bigyang-diin ang mga ambag niya na pinakinabangan ng taumbayan, gaya ng partisipasyon niya sa pagpapatalsik (kina dating pangulong Ferdinand) Marcos at (Joseph) Estrada, at sa protesta niya sa pandaraya at pangungurakot ni Pangulong Arroyo.”
Kaugnay nito, sang-ayon ang KMP sa pagkuwestiyon ni Sen. Joker Arroyo sa pag-alis sa bicameral conference committee report ng probisyon na dapat munang mapanagutan ng Department of Agrarian Reform ang P160-B na ginastos nito sa 20-taong implementasyon ng CARP.
“Alam na natin kung saan mapupunta ang P150-B na panibagong badyet. Mapupunta ito sa mga panginoong-maylupa na ino-overvalue ang kanilang lupa, at sa mga kurakot na opisyal ng DAR. Mapupunta rin ito sa mga nagbo-broker ng pamimigay ng lupa sa ilehitimong mga benepisyaryo,” sabi ni Ramos.
Idiniin ni Ramos na kinokondena ng mga magsasaka ang ekstensiyon ng CARP, habang iginiit na hindi na dapat pang iugnay ang programa kay Aquino, na “ngayo’y karakter ng demokrasya laban sa diktaduryang Arroyo.”
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3190













