Uncategorized

Imelda Marcos, bibigyan ng tribute ng CCP


Hala nang hala. Bigyan nang bigyan ng parangal ang kung sinu-sino. Pati nga ang Cultural Center of the Philippines ay babahaginan kundi man kumpletong pararangalan ang asawa ng diktador at nagpahirap sa bayan na si Imelda Romualdez Marcos. E, ano ngayon? E, di hatagan ng kung anuman—tropeyo, plake, sertipikasyon atbp.—si Imelda. Paki ko at may […]

Hala nang hala.

Bigyan nang bigyan ng parangal ang kung sinu-sino.

Pati nga ang Cultural Center of the Philippines ay babahaginan kundi man kumpletong pararangalan ang asawa ng diktador at nagpahirap sa bayan na si Imelda Romualdez Marcos.

E, ano ngayon?

E, di hatagan ng kung anuman—tropeyo, plake, sertipikasyon atbp.—si Imelda.

Paki ko at may paki ako.

Basta ang mahalaga ay patuloy na usigin ang mga Marcos sa pagpapahirap sa mga tunay na artista ng bayan na kasamang nagpalaya sa sambayanan noong EDSA Revolution dahil maraming mga alagad ng sining na pinahirapan at tinortyur,  lalo na ang mga walang pangalan at walang malakas na kapit sa kapangyarihan, o kaya ay ang mga mapangahas na aktibista o nagpoprotesta para sa mga karapatan ng isang artista at sa kalayaan sa pamamahayag.

***

Hindi naman masamang bigyan ng parangal si Imelda basta’t ito ay nakatuon lang sa pagtatatag niya ng Cultural Center of the Philippines dahil nang lalangin niya ito ay napasailalim ng iisang bubong ang higit na maraming alagad ng sining bagamat may mga nanatili sa laylayan at ayaw talagang makibahagi o makisama sa mga programang pangkultura ng mga Marcos.

Sa aming palagay ay hindi lang naman si Imelda ang unang ginang na nakaisip na magtayo ng isang edipisyo na tulad ng CCP, nagkataon lang na masigasig siya para sa kanyang mga artistikong motibo at ito ay hindi naman talaga masasabing puro o makamasa o makabayan o sumasakay lang siya noon sa ihip ng hangin dahil ang sining ay itinuturing na pangunahin at matayog kaya ang pagyakap dito ay isang bagay na makapagbibigay ng lehitimasyon sa kanyang pagrereyna sa gobyerno.

Ang kaisipang ito ay impluwensiya ng isa sa mga miyembro ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon na nagsabing ang kategorya ng National Artist for Film ay hindi agad ibinigay ng pamahalaang Marcos sa kung sinuman kahit na sa mga nauna nang dakila at panginoon sa sining tulad nina Gerry de Leon at Lamberto Avellana o maging sa mga mas nauna pa sa kanilang karapat-dapat din tulad nina Jose Nepomuceno, Vicente Salumbides, Ramon Estela, Gregorio Fernandez, Carmen Concha, Manuel Silos, Carlos Vander Tolosa at iba.

Ito ay dahil mababa ang tingin ng lipunan sa showbiz, sa pelikula, sa telebisyon, sa bidyo at hindi ito makakatulong sa pagpanday ng isang tinitingalang rehimen kundi kailangang bigyan muna ng pansin ang mga sining na mas inihahanay sa klasiko at respetado noong unang panahon tulad ng pagpinta, sayaw, musika, panitikan at arkitektura. Kaya mas nauna nang iprinoklamang National Artist ang mga tulad nina Jose Garcia Villa sa literature, Hernando Ocampo sa painting, Honorata “Atang” de la Rama para sa musika at ang iba pang mga nauna.

Saka lang ipinagkaloob ng mga Marcos sa mga taga-showbiz ang parangal na ito.

***

Hindi nga ba’t ang mga first lady noon ay nakikipagtalamitam pa rin sa mga alagad ng sining sa kanilang panahon at nakikipagsosyalan ang mga ito sa bawat tagumpay at pagtatanghal na ihain ng mga ito?

Kaya hindi lang si Imelda ang may pagtingin sa arte at kultura.

Kaya lang nga ay malaki at malakas ang kanyang dating ng ipatayo niya ang CCP dahil tahanan anya ito ng magaganda at matatayog na sining na kailangang ipagmalaki sa buong daigdig.

Mahalaga ang kultura sa pag-unlad ng isang nasyon kaya naman dapat lang papurihan si Imelda sa kanyang inisiyatibo pero talaga namang katungkulan ng isang lider o asawa ng lider—sa kaso niya’y pagiging misis ng diktador—na bigyan ng maganda at makasining na buhay ang kanyang mga mamamayan.

Katungkulan ng sinumang lider—kabilang pa ang rehimen ng mga Marcos at ng mga sumunod at susunod rito na bigyan ng magandang serbisyo sa sining at kultura ang mga mamamayan dahil nakasaad ‘yan sa batas at may kaukulang pondo para r’yan.

May utang na loob din ang sambayanang Filipino kay Imelda sa pagtingin niya sa sining at arte at kalinangan ng lahi pero hindi ibig sabihin noon ay ligtas na siya sa mga kritisismo.

Hindi ibig sabihin na may utang na loob ang isang tao sa kanyang kapwa ay hindi na ito puwedeng punahin lalo na kung may pagkakamali at ang kasalanan ay may kaugnayan sa interest ng higit na nakararami.

***

Kung ang sining at kultura ay iprineserba lang ni Imelda para sa kanyang sariling kapakanan—halimbawa’y para pagtakpan ang pangungurakot ng administrasyon ng kanyang asawa o ang kaluhuan ng kanyang pamilya na nanggagaling sa kaban ng bayan, pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag at pananalita, paglalandi lang sa mga tipo niyang lalaki o kaya ay malaswang pakikipagkaibigan lang sa mga may kaya at kapangyarihan sa loob at labas ng bansa na nang-aapi ng maliliit na tao at iba pang kawirwairan—‘yan ay karumal-dumal at kailangang kastiguhin ang isang nilalang na nagpapatron-patronan ng sining at kultura.

Pero madaling makikita na ipinagkaloob ng matriyrak na Marcos ang kanyang sarili sa sining pero ano nga ba ang kanyang motibo?

May palakasan pa rin ba noon sa kanyang dispensasyon o may nakakaligtaang polisiya para sa pagmumulat sa mga mamamayan kung ano nga ba ang tunay na ibig sabihin ng buhay—ang lumaya sa pagkakagupiling sa malalakas at mapang-aping puwersa ng lipunan?

Dapat nating itanong ito kung ang paksa ay si Imelda at sa mga sumunod pang lider ng kultura pagkatapos ng kanilang pamamayagpag sa kultura ng Pilipinas.

***

Sa ika-11 ng Setyembre, 2009 ay itatanghal ang “Seven Arts, One Imelda” sa Main Theater ng CCP, handog kay Meldy bilang Founding Chair ng institusyon.

Ang gala, na tatampukan ng mahuhusay na artistang Filipino ay mula sa direksyon ni Alexander Cortez, isang alagad ng sining ng teatro at artista sa pelikula mula sa konsepto at iskrip ni Floy Quintos na siya namang direktor ng “Startalk” nina Lolit Solis, Butch Francisco, Ricky F. Lo at Joey de Leon at mula sa musical direction nina Josefino Chino Toledo at Ryan Cayabyab.

O, di ba, pop na pop ang dating?

Kaya ang CCP ay popular din.

Hindi dapat mangimi ang mga mamamayang Filipino sa parang sosyal na hitsura at kapaligiran nito o kaya ay sa di-ordinaryong pagtanggap nito sa mga bisita.

Ang CCP ay hindi para sa elitista lang kundi ito ay para sa lahat.

Kung si Carlo J. Caparas nga—na inirereklamo ng mga umano’y elitistang artista ang National Artist Award for Film and Visual Arts ay naniniwala na naniniwala sa kanya ang CCP at National Commission for Culture and the Arts sa pagbibigay sa kanya ng parangal—ay niyayakap ang desisyon ng CCP samantalang dinudusta niya ang mga umano’y elitista sa hanay ng mga artista.

O, di ba, maka-CCP din si Carlo J.?

Kaya go na sa CCP at huwag manliit na maliliit lang tayo kundi ipagmalaki ang artistang Filipino.

***

May konsyerto rin si Cecil Licad, ang sikat na sikat na Filipinang piyanista sa buong mundo na pinsang-buo ni Kris Lacaba, anak nina Marra PL. Lanot at Jose F. Lacaba dahil si Marra ay kapatid ng ina ni Cecil.

Magaganap ang pagtatanghal ni Cecil sa ika-15 ng Setyembre.

At sa ika-24 naman ng buwan ding ‘yon ay ang pagsasama-sama ng lahat ng mga naglingkod sa CCP para sa isang natatanging pagwawakas ng ika-40 na taon ng sentro.

Kaya inaasahan na ang mga kasalukuyan at nakalipas na mga empleyado ng ahensiya tulad nina Nicanor G. Tiongson, Fernando Josef, Madeliene Nocolas at napakarami pang iba ay dadalo sa pagdiriwang.

Marami pang nakalaan sa mga tao para manood sa CCP hanggang sa susunod na buwan bago magwakas ang selebrasyon ng ika-40 na taon nito.

Babu!