Pinaiimbestigahan ni Kabataan Rep. Raymond Palatino ang marahas na dispersal at pag-aresto sa mga kabataang nagprotesta sa Gate 7 ng Malakanyang kahapon para kondenahin ang mamahaling mga dinner ni Pangulong Arroyo sa Estados Unidos.
“Hindi natin puwedeng palagpasin ito. Hindi na nga makapagpaliwanag ng maayos ang pangulo sa publiko, ngayon naman halos patayin sa suntok, bugbog st sipa ang mga kabataang nagpoprotesta. Kung dati’y mga mamahaling dinner lang ang hindi natin masikmura, ngayon nadagdagan pa ang dahilan para lalo tayong masuklam sa administrasyong ito,” sabi ni Palatino.
Magsasampa ang kongresista ng resolusyon sa House Committee on Human Rights para imbestigahan ang pangyayari. Gayundin, pinag-aaralan ang pagsasampa ng kaso laban sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na gumamit umano ng “excessive force” laban sa mga nagprotesta, na maipapakita ng mga litrato at video footage.
Bandang alas-11 ng umaga nang magmartsa mula sa San Sebastian College ang mahigit-kumulang 200 miyembro ng League of Filipino Students, Anakbayan, at Student Christian Movement of the Philippines. Nang makalapit sa Gate 7 ng Malakanyang, inatake ang mga demonstrador ng PSG gamit ang mga batuta.
Patuloy na sinipa at pinalo ng PSG ang mga kabataan kahit nang umatras na ang mga ito.
Dalawampung estudyante ng Polytechnic University of the Philippines at University of the Philippines Diliman, at ilang estudyante ng hayskul, ang dinetine ng PSG nang isang oras sa loob ng compound ng Malakanyang, bago dinala sa Ospital ng Manila para sa eksameng medikal. Dinala sila pagkatapos sa himpilan ng Manila Police District kung saan kinsauhan sila ng illegal assembly.
Bukod sa 20 na arestado, 17 kabataan pa ang sugatan.
Samantala, suportado ng Anakbayan-New York/New Jersey ang resolusyon ni Palatino.
“Kung may kapasidad ang mga awtoridad na gawin ang ganoong brutalidad sa harap ng midya, ano pa kaya ang kaya nitong gawin kapag walang nakatingin?” sabi ni Bea Sabino, isang miyembro ng grupo.
Magsasagawa bukas ng indignation rally ang Anakbayan-NY/NJ at Bagong Alyansang Makabayan sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa New York para kondenahin pa rin ang mamahaling mga dinner ni Arroyo at ang marahas na dispersal sa mga kabataang nagprotesta sa Malakanyang.
Related posts:
Discussion
No comments for “Pandarahas sa kabataang nagprotesta sa Malakanyang, pinaiimbestigahan”
Post a comment