Midya, di nakaligtas sa pandarahas ng PSG


Hindi nakaligtas ang mga miyembro ng midya sa pandarahas ng Presidential Group (PSG) nang buwagin nito ang lightning rally ng mga kabataang estudyante sa Gate 7 ng Malakanyang noong Agosto 19. Sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), sinabi nito na batay sa kuwento ni Rem Zamora, photojournalist ng Philippine Daily […]

Hindi nakaligtas ang mga miyembro ng midya sa pandarahas ng Presidential Group (PSG) nang buwagin nito ang lightning rally ng mga kabataang estudyante sa Gate 7 ng Malakanyang noong Agosto 19.

Sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), sinabi nito na batay sa kuwento ni Rem Zamora, photojournalist ng Philippine Daily Inquirer, sinadya ng PSG ang panghaharas  sa mga miyembro ng midya na nagkober sa pangyayari.

Dalawang beses umanong nahulog ang isa pang photojournalist nang itulak ng mga miyembro ng PSG. Nagdulot ito ng pagkasira ng lente ng kanyang kamera.

Sinabi pa ni Zamora na nang mag-umpisa niyang kuhanan ng litrato ang pambubugbog ng PSG sa mga demonstrador, sinubukan ng mga ito na takpan ang lente ng kanyang kamera.

Nang pumiglas ni Zamora, hinarang siya ng isang miyembro ng PSG na sinubukang hatakin ang kanyang press ID, kahit pa pinakikilala ni Zamora ang kanyang sarili bilang miyembro ng midya. Hinaltak umano ang kanyang braso at pinaratangang kasamahan ng mga raliyista.

Itinulak din umano si Zamora at si Luis Liwanag, isa pang photojournalist, patungo sa tarangkahan ng Malakanyang.

Pagkatapos nito, humingi pa ang parehong miyembro ng PSG sa mga photojournalist mga litrato ng mga nagprotesta. Ito ay matapos agawin ng mga nagrali ang kamera ng PSG at burahin ang mga litrato nila rito na kinuha ng PSG.

“Ito ay isang nakababahalang rebelasyon kung paano tinitingnan ng PSG, at posible ng iba pang mga awtoridad, ang mga miyembro ng midya. Pero hindi na nakapagtataka ito kung iisipin kung gaano kaliit ang pagpapahalaga ng administrasyong ito sa kalayaan sa pamamahayag,” sabi ni Nestor Burgos, tagapangulo ng NUJP.

Nakakabahala rin, ayon kay Burgos, ang paghingi ng PSG sa mga litrato ng mga raliyista mula sa midya. Aniya, “nariyan ang midya para isadokumento ang mga pangyayari, hindi para maging intelligence gathering arm ng sinuman, lalo kung magdudulot ito ng higit pang mga paglabag sa karapatang pantao.”

Sinabi ng NUJP na dapat managot ang mga miyembro ng PSG na nagmaltrato sa mga miyembro ng midya at nanawagan sa mga awtoridad sa sumailalim sa kampanyang edukasyon hinggil sa papel ng midya sa lipunan.