Konteksto

Pagkatapos ng luha


Marami nang naisulat tungkol kay Corazon Cojuangco Aquino (1933-2009), ang ika-11 Pangulo ng ating bansa. Makasaysayan ang kanyang pagkakaluklok sa puwesto noong 1986 dahil ito ay sa pamamagitan hindi ng balota, kundi ng pagkilos ng mamamayan. Nasa kanya rin ang karangalan ng pagiging unang babaeng Pangulo ng Pilipinas. Sa okasyon ng kanyang libing na sinubaybayan […]

Marami nang naisulat tungkol kay Corazon Cojuangco Aquino (1933-2009), ang ika-11 Pangulo ng ating bansa. Makasaysayan ang kanyang pagkakaluklok sa puwesto noong 1986 dahil ito ay sa pamamagitan hindi ng balota, kundi ng pagkilos ng mamamayan. Nasa kanya rin ang karangalan ng pagiging unang babaeng Pangulo ng Pilipinas.

Sa okasyon ng kanyang libing na sinubaybayan ng buong bayan noong Agosto 5, hayaan n’yo po sanang aminin ko ang ilang tila nakakagulat na bagay: Hindi ko po iniyakan ang pagkamatay niya noong Agosto 1. Hindi ako nagpunta sa La Salle Greenhills at Manila Cathedral para makita ang kanyang mga labi, at lalong hindi ako nakipaglibing kasama ng libo-libong taong lumabas ng bahay na hindi inalintana ang lakas ng ulan para lang makita si Pangulong Aquino sa huling pagkakataon.

Huwag n’yo po sanang isiping may kinikimkim akong galit kay Pangulong Aquino. Kahit na parati kong naaalala ang total war policy tuwing nababanggit ang pangalang Cory Aquino (isang produkto ng pagiging peryodistang pangkampus noong Pangulo pa siya), alam kong kapuri-puri ang kanyang desisyong basagin ang kanyang katahimikan sa ilalim ng mga administrasyon nina Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo nang manawagan siya sa kanilang pagbaba sa puwesto dahil sa mga iskandalong kinasangkutan nila.

Nagkaroon ng susing alyado ang mga mamamayang nagnanais ng kanilang pagpapatalsik (ouster). Kahit na si Pangulong Aquino ay hanggang sa antas lang ng pagbaba sa puwesto (resignation) ang panawagan, mahalaga pa rin ang kanyang mga pahayag para makumbinsi ang marami pang mamamayan kung bakit dapat magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa lipunan.

Hanggang ngayon, ang pangunahing salik sa kawalan ng popularidad ni Macapagal-Arroyo ay ang kawalan ng suporta mula kay Aquino (na paninindigan ng huli hanggang sa kanyang pagkamatay). Kahit na sabihing ang dalawang nabubuhay na Pangulo – sina Estrada at Fidel Ramos – ay binabatikos din ang maraming polisiya’t programa ni Macapagal-Arroyo, sadyang iba pa rin ang tinatawag na Cory magic sa usapin ng pagpapahalaga ng mamamayan sa mga sinabi’t ginawa ni Aquino.

At hindi masisisi ang maraming Pilipino kung mahalin siya’t pahalagahan – pinili niyang bumaba sa puwesto nang matapos ang kanyang termino bilang Pangulo noong 1992 pero patuloy siyang nagsilbi sa mga nangangailangan sa kanyang personal na kapasidad. Batay sa maraming naisulat tungkol sa kanya, ginugol ni Citizen Cory ang panahon sa piling ng kanyang mga anak at apo.

Pansining hindi gaanong umani ng papuri si Ramos nang bumaba siya sa puwesto noong 1998. May simpleng paliwanag dito. Una, pinagbabawalan ng Konstitusyon ang kanyang muling pagtakbo bilang Pangulo. Ikalawa, alam ng mamamayan ang naunsyaming planong baguhin ang Saligang Batas para pahabain pa ang kanyang termino.

Sa kaso ni Aquino, may legal na batayan ang kanyang pagtakbo bilang Pangulo dahil hindi naman siya nahalal sa puwesto. Tulad ng maraming nagsulat tungkol sa kanya, pinili ni Aquino ang sa tingin niya’y tama.

Hindi katulad ngayon, wala sa mapaglarong imahinasyon ng mga pulitiko noon ang sitwasyong ang isang Pangulo ay tatakbo para sa mas mababang posisyon sa House of Representatives. Dahil sa mapait na karanasang dulot ng Batas Militar mula 1972 hanggang 1986, alam ng mga nasa kapangyarihan na hindi magiging katanggap-tanggap ang pagpapahaba ng termino ng sinumang nanunungkulan, gaano man ito mapanlikha.

Ito ang dahilan kung bakit hindi na pinagpilitan pa ng administrasyong Ramos ang pagpapalit sa sistema ng gobyerno nang mapansin ang malawak na pagtutol ng mamamayan, isang bagay na kapansin-pansin sa malawak na mobilisasyon noong Setyembre 21, 1997, ang ika-25 taon ng deklarasyon ng Batas Militar.

Pero sadyang kakaiba si Macapagal-Arroyo! Dinala niya ang posisyon ng Pangulo sa sobrang napakababang antas kaya nagmumukhang busilak ang ginawa nina Aquino at Ramos na bumaba sa puwesto. Kung naging normal lang ang palakad sa mga administrasyong nagdaan pagkatapos ni Aquino, duda ako kung magkakaroon ng panawagan para gawin siyang ”Santa.”

Kung ikukumpara kasi sa mga nagdaang Pangulo, lalo na si Macapagal-Arroyo, mas napapatingkad ang kabutihang ginawa ni Aquino kahit na maraming kakulangan ang kanyang administrasyon at mayroon din itong paglabag sa karapatang pantao.