Pinoy Weekly

Chavit pinasisibak ng Gabriela

Hindi sapat na hilingin ng Malakanyang kay Luis “Chavit” Singson na pansamantalang lumiban bilang Deputy National Security Adviser, ayon sa militanteng grupong pangkababaihan na Gabriela.

“Kung may natitira pang katinuan sa gobyernong Arroyo, sisibakin nito si Chavit,” ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Ito ay bilang reaksiyon sa pahayag ni Lorelei Fajardo, deputy presidential spokesperson ng Malakanyang, na dapat mag-leave si Singson sa kanyang puwesto sa gitna ng kinasasangkutang kaso ng pambubugbog sa dating live-in partner na si Raquel Tiongson.

Kasalukuyang dinidinig ng Quezon City Regional Trial Court ang hiling ni Tiongson para sa temporary protection order laban kay Singson dahil sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act (VAWC).

Pero ayon kay de Jesus, hindi na kailangang hintayin pa ni Pangulong Arroyo ang desisyon ng korte. “Inamin ni Chavit na binugbog niya si Tiongson. Sapat na itong dahilan para sibakin siya ng Malakanyang.”

Tinuligsa pa ng grupo ang pahayag ni Fajardo na “naaalarma” at “nababahala” diumano si Arroyo bilang pangulo at isang babae.

“Hindi lang siya dapat mabahala o maalarma. Dapat siyang magalit at kagyat na parusahan si Chavit para sa kanyang krimen,” ani de Jesus.

Sumama ang Gabriela sa pagdinig ng kaso ni Tiongson sa korte kaninang umaga, at nangako na patuloy na susuporta sa kanyang laban para sa hustisya.

Maliban kay Tiongson, marami pang kababaihan at kabataan ang bitima ng karahasan, ayon sa grupo. Simula ang implementasyon ng Anti-VAWC Act nong 2005, humawak ang Gabriela ng 1,400 kaso ng domestic violence. Sa bilang na ito, 122 lamang (o walo hanggang siyam na porsiyento) ang umabot sa korte.

Sa 122 nagsampa ng kaso, mayorya ang hindi alam na maaaring kumuha ng mga protection order. Sa mga nakakaalam, mababa pa sa 10 porsiyento ang kumuha ng temporary protection order habang apat na porsiyento ang kumuha ng barangay protection order. Dalawa lamang ang nakakuha ng permanent protection order, na umano’y nilabag pa ng mga may-sala.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3871

Posted by on Sep 9 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes