Dinukot na kabataang aktibista, ilitaw –Anakbayan
Nanawagan ang Anakbayan sa gobyernong Arroyo na kagyat na ilitaw si Noriel Rodriguez, isang kabataang aktibista na isang linggo nang nawawala matapos dukutin ng pinaghihinalaang mga miyembro ng 17th Infantry Brigade sa probinsiya ng Cagayan.
Ayon sa ulat ng Karapatan-Cagayan, dinukot si Rodriguez, 26, ng apat na di pa nakikilalang mga armadong kalalakihan bandang 5:00 ng hapon noong Setyembre 7 sa Sitio Sta. Isabel, Barangay Tapel, Gonzaga, Cagayan.
Si Rodriguez ay aktibong miyembro ng Anakbayan- National Capital Region at regular na sumasama sa programa ng grupo para sa integrasyon sa mga magsasakang komunidad. Nagtungo siya sa Cagayan para tumulong sa samahang magsasaka na Kagimungan, ayon sa Anakbayan.
“Habang tumatagal na walang impormasyon sa kinalalagyan ni Noriel, mas lalong nalalagay sa panganib ang kanyang buhay, at gayundin ang iba pa namin kasamahan,” sabi ng Anakbayan sa isang pahayag.
Hinala ng grupo, militar ang nasa likod ng pagdukot kay Rodriguez, gaya ng nangyari sa pagdukot noong 2006 ng mga nawawala pa ring mga estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan.
Samantala, hinamon ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang 17th IB ng Philippine Army na payagang inspeksiyunin ang kanilang mga kampo para patunayang wala sa kanilang kustodiya si Rodriguez.
“Nakakalungkot na ang mga kabataan na nagbubuhos ng kanilang panahon at lakas sa serbisyo sa mahihirap na komunidad ang nagiging biktima ng karahasan ng Estado,” dagdag ni Cristina Guevarra, tagapangulo ng SCMP.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3937













