Istorya ng Linggo

Makabuluhang tanong kay Noynoy


Sa pagdeklara ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng kandidatura sa pagkapangulo, isang tanong ang gustong ibato sa kanya ng mga magsasaka: Ipaglalaban ba niya ang kanilang mga karapatan?

Kuha ni Keith Bacongco / AKP Images
Kuha ni Keith Bacongco / AKP Images

Sa pagdeklara ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng kandidatura sa pagkapangulo, isang tanong ang gustong ibato sa kanya ng mga magsasaka:

Ipaglalaban ba niya ang kanilang mga karapatan?

Makabuluhang tanong ito, dahil isa sa itinuturong mabibigat na kahinaan ng panunungkulan ng kanyang inang si Corazon Aquino ay ang pagpapatupad ng “bogus” na repormang agraryo. Walang gagandang ehemplo pa sa kapalpakan ng Comprehensive Agrarian Reform Program na mamahagi ng lupa sa mga magsasaka kundi ang pananatili ng 6,453 ektaryang Hacienda Luisita sa kamay ng pamilya Cojuangco (isa sa direktang may-ari ng asyenda si Cory).

Ipinatupad ang stock distribution option ng CARP sa mga magsasaka ng tubo sa halip na ipamahagi ang lupa sa kanila. Sa pamamagitan nito, naging manggagawang bukid sila, pero sobrang nabarat sa suweldo hanggang umabot sa P9 na lamang kada linggo ang suweldo ng marami sa kanila.

Noong Nobyembre 2004, naglunsad ng welga ang mga manggagawang bukid sa ilalim ng United Luisita Workers’ Union. Noong Nob. 16, 2004, sa piketlayn nila, pinaputukan ng mga tauhan ng mga Cojuangco at mga sundalong nakadestino roon ang mga welgista. Pito ang patay, daan-daan ang sugatan at inaresto pa ng mga pulis. Sa sumunod na mga buwan, tatlo pa ang pinatay ng pinaghihinalaang mga tauhan ng asyenda at ng militar. Pero sa kabila nito, nagpunyagi ang mga manggagawang bukid.

Noong 2005, pumabor ang Presidential Agrarian Reform Council sa mga manggagawang bukid ng asyenda: Ilegal ang stock distribution option at kailangang ipamahagi na sa kanila ang lupa. Pero noong 2006, naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa desisyon ng PARC. Hinihintay pa ang desisyon ng korte. Nitong Disyembre 2008, naglabas ng liham ang HLI sa mga magsasaka ng asyenda na “umuutos” sa kanilang itigil na ang mga pagtatanim pagsapit ng Oktubre 30. (Basahin ang naturang liham ng HLI.) Siyempre, walang balak ang mga magsasaka na sundin ito.

Samantala, may mga naghihinala na aktibong itinutulak ng pamilya Cojuangco ang pagtakbo ni Noynoy. Sa kanyang talumpati ng deklarasyon ng pagtakbo, sinabi ni Noynoy na “ipagpapatuloy (niya) ang laban” ng kanyang mga magulang.

Nananatiling makabuluhan ang tanong ng mga magsasaka kay Noynoy.

Sa kainitan ng pagtakbo ni Sen. Noynoy Aquino, isang bidyo ang ginawa ng Pinoy Weekly hinggil sa kalagayan ngayon ng mga manggagawang-bukid-na-naging-magsasaka sa Hacienda Luisita.



Tunghayan din ang aming photo essay hinggil sa Hacienda Luisita:

https://pinoyweekly.org/new/hacienda-luisita-ngayon/