Kailan pa hindi sa kanila ang Malapad na Parang?

Mahirap mang ang buhay-magsasaka, walang ibang pag-aari ang mga taga-Sityo Malapad na Parang kundi ang lupaing tatlong henerasyon na nilang binubungkal. (Soliman A. Santos)
Nang hagurin ng paningin ang malawak na kalupaan ng Sitio Malapad na Parang, naiwan ang impresyon ng payapa at napakagandang tanawin. Parang naibsan ang inip at pagod sa loob ng sinakyang dyip mula sa Maynila, gayundin sa mahaba-habang pagtawid sa ilog at pagbaybay sa daang lupa na patungo rito.
Kasing-aliwalas ng panahon ang pagsalubong ng mga magsasaka sa mga dumayo para sa Fact Finding and Solidarity Mission na pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Pero nang sinimulan nang talakayin ang kanilang problema, hindi na sila gaanong masaya. Napalitan ng lungkot at galit ang kanilang mga mukha. Ang dahilan: inaagaw ng isang malapit na alyado ni Pangulong Arroyo ang lupang matagal na nilang binubungkal.
Kasama ng tatlo pang sityo sa Brgy. Sibul, San Miguel, Bulacan, bahagi ang Sityo Malapad na Parang ng 375 na ektaryang lupaing inaangkin ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte. May tinatayang 200 pamilya o mahigit sanlibong katao na naninirahan dito.
Dokumentong hawak
Kumpleto ang mga magsasaka sa mga dokumentong mismong gobyerno ang nagbigay bilang patunay ng pag-aari nila sa lupa. May hawak silang Emancipation Patent (EP) at Certificate of Land Transfer (CLT) sa ilalim ng Presidential Decree 27, ang programa sa repormang agraryo ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Habang ang bulubunduking bahagi ng sityo, saklaw naman ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) kaya may hawak ding Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) ang mga magsasaka.
Kaya naman hindi makapaniwala ang mga magsasaka, na pinangungunahan ng lokal na mga organisasyong Lingap Magsasaka at Upland Farmers Association, Inc., na bigla na lamang silang paalisin sa lupang tatlong henerasyon na nilang pinaghirapang bungkalin.
“Hindi namin matatanggap na kuhanin niya (Villafuerte) ang lupain. Hindi iyan makatarungan,” ayon kay Juan Estremadora, 79.
Taong 1963 nang magsimulang magsaka si Mang Juan. Mahigit dalawang ektarya ang kanyang tinatamnan ng palay at iba’t ibang gulay. Umaani siya ng halos 150 kaban ng palay kada anihan.
Dati nang tinangkang palayasin sa lupa si Mang Juan ng kinagisnan niyang may-ari ng lupa. Noong 1973, nagreklamo siya sa rehiyunal na tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) nang ayaw nang ipasaka sa kanya ang lupa. Nagdesisyon ang DAR na gawing buwisan na lamang ang kanilang sistema, at kinilala ang karapatan ni Mang Juan na magsaka.
Katulad ni Mang Juan, tumanda na sa pagsasaka sa kanilang lugar si Brigido de Jesus. Nakapagbayad na sa Landbank of the Philippines para sa kanyang isang ektaryang lupang sinasaka, may hawak naman na CLOA si Mang Brigido.
Sa matagal na panahon, kumpiyansa sila sa kanilang pag-aari ng lupa at mapayapang pagsasaka. Hanggang noong Abril 7, 2009, nang biglang dumating si Villafuerte at ipinasusukat ang lupa. Nabili na raw ang lupain noon pang 1972 ng kanyang ama na si Mariano Villafuerte, isang dati ring kongresista at gobernador.
Iniikutan ang CARP?
Nakatuntong ang pang-aangkin ng pamilya Villafuerte sa exemption order na ipinalabas ng DAR Region III noong Marso 2, 2009. Ayon sa DAR, hindi angkop sa pagtatanim ng palay o iba pang butil ang Sityo Malapad na Parang. Higit umano itong angkop na gamitin sa ‘agro-forestry and development’ at bagkus ay lusot sa CARP.

Humingi si Rep. Luis Villafuerte ng kopya ng mga dokumentong hawak ng mga magsasaka, na ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ay posibleng madulot ng kanselasyon ng kanilang Certificate of Land Ownership Awards. (Soliman A. Santos)
“Malinaw na iniikutan ni Villafuerte ang CARP para makamkam ang lupa,” ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP.
Tinututulan ng grupo ang anila’y huwad na programa sa repormang agraryo dahil ginagamit umano ng mga panginoong-maylupa ang mga butas nito para makapangamkam ng lupa. Isinabatas kamakailan ni Arroyo ang limang-taong ekstensiyon ng CARP.
“Hindi totoong hindi produktibo ang lupain. Sa katunayan, umaaani sila ng palay, mga gulay at mga bungang-kahoy,” dagdag ni Ramos.
Pinatunayan ito ng Agham, grupo ng mga siyentista, nang suriin nila ang lupa sa sityo. Kabilang din ang Agham, Rural Missionaries of the Philippines, Anakpawis Party-list, Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura, at Nnarra-Youth sa mga organisasyong sumama sa misyon.
Ayon sa mga ulat na nakarating sa KMP, balak ni Villafuerte na magtayo sa sityo ng mga palaisdaan, taniman ng mangga, at pabahay para sa mga proyektong eko-turismo at agri-business.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3839













