Pinoy Weekly

Sa kabila ng SOMO at SOMA: Bakwit di makauwi

Datu Piang, Maguindanao- Pinili ng mga bakwit na manatili sa mga evacuation center sa kabila ng deklarasyon ng suspension of offensive military operations (SOMO) ng gobyerno at ng suspension of military actions (SOMA) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

“Mas mabuti nang makasiguro kaysa umuwi kami na walang katiyakan sa siguradad namin,” ayon kay Kabiba Mohammad, isang lider ng mga bakwit sa Datu Gumbay Piang Elementary School. Sa kabila ng SOMO at SOMA, nananatili ang mga tropang militar sa kanilang mga komunidad, aniya.

Inihayag naman ni Ghazali Jaafar, MILF Chairman for Political Affairs sa lokal na telebisyon sa Cotabato City, na hindi nila mairerekomenda sa mga bawkit na bumalik sa kani-kanilang mga tahanan sa kabila ng SOMO ng gobyerno. Ito’y dahil hindi umano saklaw ng SOMO ang mga operasyon laban sa binabansagang “rogue commanders” o tiwaling mga kumander ng MILF.

Nagsimula sa Agosto noong nakaaraang taon ang operasyon ng Armed Forces of the Philippines laban sa mga kumander ng MILF na sina Abdullah Macapaar alyas Kumander Bravo sa Lanao del Norte at Ustadz Ameril Umbra Kato at Ustadz Solaiman Pangalian sa Maguindanao.

Iniuulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may 52,300 pamilya ang naninirahan sa mga evacuation center sa Maguindanao, at may 62,010 pamilya ang nagsilikas sa buong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Pero inirereklamo ng mga bakwit sa Datu Piang na maliit pa ang bilang na ito. Ang ilan sa kanila, umano’y hindi kabilang sa listahan ng DSWD-ARMM.

Hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga bakwit simula noong Hulyo 2008, nang umigting ang sagupaan sa pagitan ng gobyerno at rebeldeng bunsod ng naunsyaming Memorandum of Agreement on Ancestral Domain. Pangalawang beses na silang dinatnan ng Ramadan sa loob ng evacuation center.

Nagsimula noong Agosto 22 ang Ramadan ngayong taon.

Marami sa mga pamilya, ilang beses nang kinumpuni ang mga temporaryong kubol, na gawa sa asul na trapal at dahon ng niyog, para maiwasan ang baha, malalakas na ulan at hangin, at matinding sikat ng araw.

Sinabi ni Sammy Duma, isa sa mga bakwit na naninirahan katabi ng aklatan ng Datu Piang, “uuwi lang kami kapag talagang sigurado ng walang gulo.”

Noong Setyembre 3, sinabihan siya ng gobyerno ng munisipyo na ililipat sila ng evacuation center. Lumikas si Duma at ang kanyang pamilya mula sa kanilang komunidad sa Brgy. Damatulan, Midsayap noong Agosto 22, 2008.

Aniya, gusto man nilang bumalik sa kanilang tahanan, hindi sila makauwi dahil sa patuloy na presensiyang militar. Nasira rin umano sa giyera ang kanilang mga tahanan at kabuhayan

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3854

Posted by on Sep 7 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes