Panukalang dagdag-pasahe binatikos
Tinuligsa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang panukala ngĀ Alliance of Concerned Transport Organizations o Acto na 50-sentimong pansamantalang dagdag-pasahe at P1 dagdag-pasahe sa gitna ng muling pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Magiging negatibo ang epekto ng dagdag-pasahe ngayon sa mga manggagawa at mga mananakay sa pangkalahatan…Insensitibo ito sa lagay ng mga manggagawa at mamamayang hirap pa rin dahil sa mga bagyong Ondoy at Pepeng. Papatong lang ang dagdag-pasahe ngayon sa mga pasanin namin,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Itinaas noong Oktubre 20 ngĀ Pilipinas Shell, Petron, Chevron (dating Caltex) at Seaoil Philippines ng P2 kada litro ang presyo ng diesel at P1.50 kada litro ang presyo ng premium gasoline.
“Papabor ang dagdag-pasahe sa puntong ito sa rehimeng Arroyo at sa Big 3. Makokolekta pa rin ng rehimeng Arroyo ang 12% ‘tongpats’ nito sa presyo ng langis sa pamamagitan ng E-VAT, habang makakahamig pa rin ng supertubo ang Big 3,” dagdag ni Labog.
Sa halip na itulak ang umano’y “panakip-butas” sa solusyon sa pagtaas ng presyo ng langis, nanawagan ang grupo sa sektor-transportasyon at iba pang mamamayan na magkaisa para tugunan ang sentral na isyu ng sobrang tubo ng malalaking kompanya ng langis at deregulasyon ng industriya ng langis.
Itinutulak ng KMU ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law at paghahanap ng alternatibo sa deregularisadong industriya ng langis. Anila, ang maaaring pag-aralan ng gobyerno ang sumusunod na mga hakbang:
(1) Gawing tanging importer ang gobyerno ng krudong langis at mga produktong petrolyo. Sa ganito, mapupuwersa itong maghanap ng iba at mas murang pagkukunan ng langis.
(2) Magkaroon ng espesyal na kasunduan sa mga kumpanya ng langis na pag-aari ng mga gobyerno ng ibang bansa. Pwedeng magkaroon ng palitan ng kalakal at iba pang klase ng palitan.
(3) Magkaroon ng buffer fund na manggagaling sa kita at natipid ng gobyerno sa papalaking pagpasok nito sa downstream oil industry.
(4) Papasukin ang gobyerno sa pag-iimbak, pagpapahusay at pagbebenta ng mga produktong petrolyo. Ang kikitain at matitipid sa pagsisikap na ito ay pwede ring ilagay sa buffer fund.
(5) Singilin sa Big 3 ang mga obligasyong pampinansya, kasama na ang P21 bilyong hindi nababayarang singilin sa pag-aangkat ng Shell.
Tinuligsa nina House Speaker Prospero Nograles at Rep. Mikey Arroyo ang pinakahuling pagtaas ng presyo ng langis.
Pero ayon kay Labog, “Bakit ba tinutuligsa lang nina Speaker Nograles at Cong. Mikey Arroyo ang Big 3 sa langis gayung may pwede naman talaga silang gawin sa isyu? Ang hinala namin, gusto lang nilang umani ng ‘pogi points‘ sa publiko at pagtakpan ang kawalang-aksyon nila.”
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4654













