Istorya ng Linggo

Baha’t trahedya sa Marikina, naiwasan sana?


Sabi nila, gawa ng kalikasan ang bagyo, pero gawa ng tao ang kalamidad. Totoo nga, maaaring nabawasan sana ang bilang ng mga namatay at nasira sa nakaraang baha sa Kamaynilaan, partikular sa Marikina, kung pinaghandaan sana ng pamahalaan ang mga bagay na matagal nang inaasahan.

SM Marikina matapos ang baha noong Setyembre 26. (Angelica Carballo)
SM Marikina matapos ang baha noong Setyembre 26. (Angelica Carballo)

Sinorpresa ng bagyong Ondoy at Pepeng ang mga mamamayan. Pero mas mukhang nasorpresa ang gobyerno sa mabilisang pagsaklolo sa mga nasalanta.

Noong nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo, ipinagmalaki niyang nakahanda ang gobyerno sa anumang krisis, anumang oras. Idinagdag pa niya na pinaunlad na ng gobyerno ang hawak nitong teknolohiya para maagap na mapaghandaan ang anumang paparating na bagyo, at ang kapasidad nito na tugunan ang anumang sakuna.

Pero dalawang linggo matapos ang pagragasa ni Ondoy sa Kamaynilaan – at habang niraragasa pa rin ni Pepeng ang Northern Luzon – nasa isip marahil ngayon ng lahat ng nakarinig ng sinabi ni Arroyo noong SONA: Nasaan ang sinasabing kahandaang iyan?

Baha, naiwasan sana

Wala nang iba pang mas malakas na ebidensiya ng kawalan ng paghahanda ng gobyerno kundi ang kasalukuyang urban planning ng Kamaynilaan.

Sa Marikina lamang, makikita na ang problema. Sa pag-aaral ng mga eksperto sa hydraulics (isang disiplinang pinag-aaralan ang ng kilos ng tubig sa iba’t ibang sitwasyon), lumalabas na may napakamali sa puwesto ng mga kabahayan at imprastraktura na malapit sa mga floodway at ilog sa Marikina. Itong mga lugar na ito ang napinsala nang pinakamatindi nang bumaha noong Setyembre 26.

Sa pag-aaral na ginawa ni Prop. Guillermo Q. Tabios III ng Institute of Civil Engineering and National Hydraulic Research Center ng Unibersidad ng Pilipinas, lumalabas na maling mali ang sistema ng flood control sa Ilog ng Marikina at Manggahan Floodway.

Una rito ang pagharang sa daloy ng tubig. Tampok dito ang main channel ng floodway na dapat umano’y may sukat na 260 metro subalit naging 220 metro na lamang ito dahil sinaklaw na ng mga kabahayan. Karamihan sa mga nakatira rito ay mga maralitang tagalungsod na walang ibang matirhan. Marami sa kanila ang nagsabing tumira sila roon dahil wala naman silang ibang mapupuntahan.

Mapa ng daloy ng Marikina River, at puwesto ng SM Marikina at Provident Village. (Mula sa presentasyon ni Dr. Tabios)
Mapa ng daloy ng Marikina River, at puwesto ng SM Marikina at Provident Village. (Mula sa presentasyon ni Dr. Tabios)

Subalit hindi lamang ang mga maralita ang nagtayo ng mga istruktura na nakasasagabal din sa malayang daloy ng tubig sa ilog. Tinukoy rin ni Tabios ang pagtatayo ng mga subdibisyon at ng isang mall (SM Marikina) sa meander belt (tingnan ang mapa sa itaas) ng ilog ng Marikina. Isa rito ang Provident Village, isa sa mga ekslusibong subdibisyon na nakaranas ng pinakamaraming napinsala at binawian ng buhay noong kasagsagan ng baha.

Anim na beses ng lawak ng ilog ang dapat na saklaw ng meander belt para sa maayos na pagdaloy ng tubig. Kaya tiyak na nakaapekto rito ang pagtatayo ng naturang mall at mga subdibisyon.