Balita: Magsasakang nasalanta, nanawagan ng solusyon sa krisis sa kanayunan


Nagmartsa ang daan-daang magsasaka mula sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan na apektado ng bagyong Ondoy at Pepeng para igiit sa Malakanyang ang isang 10-puntong programa na umano’y maglulutas sa matagal nang problema sa kanayunan. Mula sa isang camp-out sa opisina ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City, natungo sa Mendiola Bridge sa Maynila ang […]

Nagsunog ang mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan ng 1,000 litrato ni Pangulong Arroyo bilang protesta sa diumano'y kainutilan ni Arroyo sa pagtugon sa krisis sa kanayunan. (Angelica Carballo)
Nagsunog ang mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan ng 1,000 litrato ni Pangulong Arroyo bilang protesta sa diumano'y kainutilan ng gobyernong Arroyo sa pagtugon sa kalamidad at krisis sa kanayunan. (Angelica Carballo)

Nagmartsa ang daan-daang magsasaka mula sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan na apektado ng bagyong Ondoy at Pepeng para igiit sa Malakanyang ang isang 10-puntong programa na umano’y maglulutas sa matagal nang problema sa kanayunan.

Mula sa isang camp-out sa opisina ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City, natungo sa Mendiola Bridge sa Maynila ang mga miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), at Anakpawis Party-list noong Oktubre 21.

Iginiit ng mga magsasakang nasalanta ng bagyo ang pagpapagawa ng mga tahanang nasira; rehabilitasyon ng mga pananim at pagbibigay ng libreng binhi; financial grant na P10,000 hanggang P15,000 kada ektarya; pagbigay ng mga gamit pangsaka; malinis na suplay ng tubig; moratoryo sa irrigation fee; kabuhayan para sa mga taga-kanayunan; at pagkansela o moratoryo sa utang ng mga magsasaka sa mga panginoong-maylupa at iba pang mga institusyong pampinansiya.

Ayon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC), umaabot na sa P11.68 Bilyon ang kabuuang halaga ng kawalan sa lokal na agrikultura dahil sa bagyong Ondoy at Pepeng.

“Hindi sapat ang ginawang relief efforts ng gobyernong Arroyo sa kanayunan. Sa halip, ginagagamit pa nga ng Pangulo ang kalamidad para pabanguhin ang imahe niya sa publiko,” ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Sinunog ng mga magsasaka ang 1,000 litrato ni Pangulong Arroyo habang nagsu-surfing sa Argao Island sa Mindanao, para ipakita ang kanilang galit.

Samantala, tutol din ang mga magsasaka sa Comprehensive Agrarian Reform Program na umano’y nagdudulot ng kahirapan at kawalang-lupa ng mga magsasaka na siyang pinakabulnerable sa mga kalamidad.

Iginiit ng mga grupo ang libreng pamamahagi ng lupa sa ilang bahagi ng Gitnang Luzon, gaya ng 375-ektarya sa San Miguel, Bulacan na umano’y kinamkam ni Rep. Luis Villafuerte; 3,100-ektarya ng lupaing agrikultural sa Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; at 6,453-ektaryang Hacienda Luisita sa Tarlac na pagmamay-ari ng pamilya Aquino.

Samantala, iginiit naman ng mga magsasaka sa Timog Katagalugan ang pagtigil ng mga proyekto sa rehiyon ng Calabarzon na umano’y naging sanhi ng malawakang pagbaha, partikular sa probinsya ng Laguna.