Pinoy Weekly

Magsasaka ng Hacienda Luisita nahaharap sa pagpapalayas; Noynoy hinamon na makialam

Nanawagan si Anakpawis Rep. Rafael Mariano kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III, standard bearer ng Liberal Party para sa pagkapangulo, na makialam para maiwasan ang umano’y isang “nakaambang komprontasyon” sa Hacienda Luisita sa Tarlac City.

Ito ay matapos mangako ang mga magsasaka at manggagawang-bukid ng asyenda na susuwayin ang dedlayn ng manedsment Hacienda Luisita, Inc. (HLI) para lisanin ang kanilang mga lupain bukas, Nobyembre 30.

Sa isang memorandum na inilabas noong December 18, 2008 ni Hernan Gregorio Jr., Assistant Estate Manager ng HLI, inabisuhan ang mga magsasaka na lisanin ang mga lupain. (“This memorandum will serve as Formal Notice for you to discontinue and desist from using, cultivating, planting or possessing said parcel/s of land on or before October 30, 2009.”)

Nangangamba si Mariano na muling ipatatawag ng pamilya Cojuangco ang militar at pulisya para piliting palayasin ang mga magsasaka. Posible umanong maulit ang Hacienda Luisita Massacre.

Noong Nobyembre 16, 2004, pitong manggagawang-bukid ang namatay at 33 naman ang nasugatan nang komprontahin ng mga guwardiya ng HLI at pulisya ang nakawelgang mga manggagawa ng Cental Azucarera de Tarlac at kanilang mga tagasuporta.

Nagsagawa ngayong araw ng kilos-protesta ang mga magsasaka sa harap ng Provincial Agrarian Reform Office sa Tarlac. Iginiit nila ang pananatili sa lupa na nabigong ipamahagi ng pamilya Cojuangco sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

“Haharapin ng mga magsasaka ng Luisita ang dedlayn bukas sa pamamagitan ng mga kilos-protesta sa loob ng asyenda,” sabi ni Mariano.

Susuportahan umano ang mga magsasaka ng mga grupong simbahan at pangkarapatang pantao sa Gitnang Luzon.

“May kabayaran sa ambisyon na maging pangulo ni  Sen. Aquino ang patuloy niyang katahimikan at kawalang-aksiyon sa dedlayn ng HLI,” ayon naman kay Randall Echanis, deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Hindi umano uubra ang pagdadahilan ng senador na nasa minorya na lamang ang mga sapi (shares) ng kanyang pamilya sa asyenda.

“Kung ngayon pa lamang, hindi magiging mapagpasya si Noynoy sa korporasyong pagmamay-ari ng kanyang pamilya, paano pa kaya kapag naging pangulo siya? Maaasahan ba natin ang pagbabalik ng Kamag-Anak Inc.?” sabi ni Echanis.

Kamag-Anak Inc. ang itinawag ng mga kritiko sa umano’y gawi ni dating pangulong Corazon Aquino na bigyan ng pabor ang mga kamag-anak sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Samantala, dismayado rin si Elmer Labog, tagapangulo ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno (KMU), sa kawalan ng pahayag ng senador hinggil sa nakaambang dedlayn ng manedsment ng HLI, “gayung kung saan-saan naman siya nakikita, aktibong nangangampanya.”

“Ngayon na ang panahon para umaksiyon si Noynoy. Hindi niya gugustuhing multuhin siya ng isyung ito sa buong panahon ng pagkakampanya,” panghahamon ni Labog.

Nakabinbin sa Korte Suprema ang usapin ng pagmamay-ari ng lupa, matapos maglabas noong 2006 ng Temporary Restraining Order sa desisyon ng Department of Agrarian Reform na kanselahin ang Stock Distribution Option at ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka.

Inokupahan at tinatamnan naman ng mahigit 500 pamilyang magsasaka ang 2,000 ektarya sa loob ng asyenda.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4765

Posted by on Oct 29 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes