Pinoy Weekly

OFW, tuloy ang pagdamay sa mga nasalanta sa Pilipinas

Pamamahagi ng mga miyembro ng Migrante International sa mga biktima ng kalamidad. (Soliman A. Santos)

Pamamahagi ng mga miyembro ng Migrante International sa mga biktima ng kalamidad. (Soliman A. Santos)

Isa si Jieck Villanueva, coordinator ng Quezon City Federation of OFW Families sa Novaliches, sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy. Kuwento niya, lubog ang kanilang bahay dahil sa umapaw ang kalapit na sapa. Kasama ang kanyang bahay sa sa daan-daang kabahayan sa Sitio Cola, Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City na pinasok ng rumaragasang tubig-baha.

Pananahi ng mga uniporme para sa ilang kompanya ang karaniwang trabaho ng mga taga-Sitio Cola. Ang ilan sa kanila, nagtatanim ng mga gulay sa bakuran, ang iba nama’y may munting tindahan. Pero dahil sa bagyo, napinsalang lahat ang kanilang kabuhayan. Ang mga tela, hindi na nila pinakinabangan. Panibagong puhunan ang kailangan.

Kaya nang makipag-ugnayan kay Jieck ang Migrante International matapos ang bagyo para tumulong sa mga nasalanta sa ibang lugar, nagmungkahi siyang baka puwedeng sila muna sa Sitio Cola ang tulungan.

“Kailangang-kailangan namin talaga ang anumang tulong dito dahil hindi pa kami nararating ng anumang relief operation. May mga dumating na dito kaya lang dahil sa layo ng Sitio Cola sa barangay hall, ubos na ang relief goods bago pa kami makarating doon,” paliwanag ni Jieck.

Kaya laking pasalamat ng mga ka-sityo ni Jieck nang dumating ang mga taga-Migrante para magsagawa ng relief operation noong Oktubre 14. Naisagawa ito sa pakikipagtulungan Quezon City Federation of OFW Families at ng mga opisyal ng barangay at ilang mga volunteer.

Sa taya ng Migrante, halos 200 kabahayan ang nabigyan ng kagyat na tulong. Pero ayon kay Lian Santos, tagapagsalita ng Migrante Sectoral Party, tugon lamang ito ng kanilang grupo sa limitado at mabagal na pagkilos ng gobyerno sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo.

“Layunin ng Migrante na makatulong kahit paano sa mga kababayan nating hindi inaabot ng tulong ng gobyerno,” sabi ni Santos. Nilinaw din niya na hindi ito ang solusyon sa tuwing magkakaroon ng ganitong mga kalamidad, kundi pantawid-gutom lamang.

“Ang kailangan ng ating mga kababayan ay tunay na programa sa trabaho, maayos na kabahayan at kapaligiran,” dagdag ni Santos.

Binatikos ni Santos ang gobyernong Arroyo dahil sa kawalan nito ng kahandaan at malinaw na programa sa pagtulong sa mga nasalanta.

Kinuwestiyon pa niya ang paghawak ng gobyerno sa pondo mula sa ibang bansa na nakalaan sa kalamidad. Nangangamba si Santos na maraming ayuda mula sa ibang bansa ang maaaring magamit sa ibang kapakinabangan sa halip na makarating sa mga biktima.

email

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4609

Soliman A. Santos Posted by on Oct 20 2009. Filed under Features. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Features (759 of 884 articles)