Nasalanta ng Ondoy sa Novaliches: Gulod ang isa’t isa

Ang Brgy. Gulod sa Novaliches, Quezon City at ang pagkawasak ng mga tahanan dito. (Ilang-Ilang Quijano)
Mahigit isang linggo makaraan ang pananalasa ng bagyong Ondoy, pinipilit ng mahigit 400 maralitang pamilya sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City na makabangon mula sa sakuna—kahit halos walang ahensiya ng gobyerno o malaking pribadong organisasyon ang sa kanila’y umaayuda.
Mga damit, sofa, laruan ng bata, librong pang-eskuwela, sapatos, at iba pang kagamitang may bahid pa ng putik ang nakabilad sa araw na sumisilip noong tanghali ng Oktubre 6. Sa harap ng kani-kanilang bahay na noong Setyembre 26 ay nilampasan ng tubig-baha, naglalaba ang mga kababaihan, habang ang mga kalalakihan nama’y nagkukumpuni ng mga sirang aplayans.
Pero sa tabing-ilog makikita ang pinakamarahas na bakas ng bagyong nagdaan. Nawasak at inanod ang halos 100 kabayahan na nakatirik dito, maliliit na kubol man ng tagpi-tagping yero o mga katamtamang-laking bahay na bato. Umaaligid na lamang ang mga dating naninirahan sa anumang pundasyong natira, sinasariwa ang mga eksena noong sakuna.
Itinuro ng 42-anyos na si Teddy Esguerra ang isang mataas na puno ng mangga, kung saan halos bente sa kanila ang kumapit sa mga sanga ng halos walong oras bago naisalba. Itinuro rin niya ang isang plastik na drum kung saan inilagay daw nila ang isang bata at inilubid nang hindi matangay ng rumaragsang tubig-bahay.
Napapasasalamat siya na kahit patung-patong na mga tablang kahoy na lamang ang natira sa kanyang bahay, ligtas siya at ang lahat ng mga pamilya sa barangay. “Kami-kami lang din ang nagtutulungan,” aniya.
Namuno sa pagliligtas ng mga residente ng Brgy. Gulod ang lokal na tsapter ng Anakpawis Party-list. Karamihan sa mga miyembro nito ang mga manggagawa sa construction at sa mga kalapit na pabrika. Karaniwang nagsasama-sama sa mga kilos-protesta para igiit ang dagdag-na-sahod at iba pang karapatan. Sa pagkakataong ito, mabilis din silang nagsama-sama para ang buhay ay maisalba.
“Noong tumataas na ang tubig, naghanap kami ng sasakyang pwedeng magsundo sa mga naistranded. Nakahiram kami ng dalawang malaking salbabida mula sa isang kilalang may-ari ng trak. Binomba namin ito at tinalian ng mahabang lubid,” kuwento ni Manny Senorin, tagapangulo ng tsapter ng Anakpawis sa naturang lugar.
Ang grupo rin ang nangasiwa sa pagtatayo ng temporaryong evacuation center sa basketball court, at pag-aasikaso sa mga residenteng nasalanta.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4456














[...] Nasalanta ng Ondoy sa Novaliches: Gulod ang isa’t isa [...]