Balita

Panukalang training center para sa Asian Games sa Hacienda Luisita binatikos

Mga magsasaka ng palay sa Hacienda Luisita. (KR Guda / PW File Photo)

Mga magsasaka ng palay sa Hacienda Luisita. (KR Guda / PW File Photo)

Binatikos ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang panukala ni Jose “Peping” Cojuangco Jr., presidente ng Philippine Olympic Committee, na gawing training center ang isang bahagi ng Hacienda Luisita para sa bid ng bansa na idaos dito ang 2014 Asian Games.

“Malinaw na ilegal ang hakbang na ito ng mga Cojuangco. Nakatuon ito sa pananatili ng lupain (sa mga Cojuangco) at takasan ang pananagutan na ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga magsasaka,” ayon kay Mariano.

Inihayag ni Cojuangco ang plano ng kanyang pamilya na “i-donate” ang limang ektarya ng 6,400 ektarya ng Luisita para sa pagtatayo ng bilyong pisong training center para sa mga atleta. “Makikipagpulong na ako sa arkitekto ngayong linggo para ipinal ang mga detalye ng training center,” pahayag ni Cojuangco sa midya.

Hiniling ni Mariano sa Department of Agrarian Reform na huwag pahintulutan ang anumang aplikasyon ng mga Cojuangco para sa kumbersiyon ng Hacienda Luisita.

Sinabi pa ng kongresistang lider-magsasaka na hindi naman kaila sa mga Cojuangco na may nakasampa pang kaso sa Korte Suprema hinggil sa Hacienda Luisita.

Samantala, napagtagumpayan diumano ng mga magsasaka sa Luisita ang itinakdang deadline ng mga Cojuangco na itigil ang kanilang pagtatanim sa mga lupain ng asyenda, ayon kay Randall Echanis, deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

“Hindi madidisarmahan ng ng mga Cojuangco ang mga magsasaka ng Luisita. Mananatiling mapagmatyag sila para depensahan ang mga karapatan nila at protektahan ang mga tagumpay ng kanilang pakikibaka,” sabi ni Echanis.

Binatikos naman ni Echanis ang pahayag ni Senador at presidential aspirant Benigno “Noynoy” Aquino III na hindi niya alam ang itinakdang Oktubre 30 na dedlayn para sa mga magsasaka na itigil ang pagtatanim.

“Mahirap paniwalaang hindi alam ni Noynoy ang plano ng Luisita management. Inisyu ng manedsment ang memorandum na ito noong Disyembre noong nakaraang taon, lumabas sa mga headline, at (naging laman ng) House Resolution 1129 sa Kongreso magmula Abril ngayong taon,” ayon pa kay Echanis.

Inanunsiyo ni Echanis na magsasagawa ng mga kilos-protesta ang mga magsasaka magmula Nobyembre 6 hanggang sa ikalimang anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita sa Nobyembre 16.

Iniusog ng manedsment ng asyenda sa Nobyembre 15 mula sa Oktubre 30 ang dedlayn sa mga magsasaka na itigil ang pagtatanim. Pero determinado umano ang mga magsasaka ng Luisita na panindigan ang kanilang karapatang magtanim.

  • Share/Bookmark

Related posts:

  1. Tuloy ang pagtatanim ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita
  2. Mga Larawan: Misa para sa magsasaka ng Hacienda Luisita, idinaos
  3. Magsasaka ng Hacienda Luisita nahaharap sa pagpapalayas; Noynoy hinamon na makialam
  4. Hacienda Luisita ngayon
  5. Panukalang dagdag-pasahe binatikos

Discussion

No comments for “Panukalang training center para sa Asian Games sa Hacienda Luisita binatikos”

Post a comment

Opinyon

Alex Remollino: Makata mula sa Malayo

(1) Hindi kami personal na magkakilala ni Alexander Martin Remollino, makabayang manunulat at makata. Hindi ko alam, bagamat may ilang pagkakataong nagkasama kami sa pulong o aktibidad, hindi kami personal na naipakilala sa isa’t isa. Pero kilala ko siya, syempre, dahil nakikita ko ang pangalan niya sa mga tula at sanaysay na umiikot sa mga sirkulong aktibista. Tapos nakikita ko siya – matangkad, mahaba ang buhok, parang laging may gustong sabihin – sa maraming pagkakataon. Syempre pa, mataba siya noon. Nitong huli’y pumayat siya nang napakabilis. At dahil hindi naman ako taong mapanghusga, naisip ko lang na siguro’y nagdodroga siya. Iyun pala, iba na.

Read on