Istorya ng Linggo

Si Clinton at ang pakay ng US sa Pilipinas


Hindi lamang nasa Pilipinas si US State Secretary Hillary Clinton para sa isang humanitarian visit, kundi para siguruhin ang pangmilitar at pang-ekonomiyang interes ng Estados Unidos sa bansa. Umano’y napapansin na din ng US ang pagtutol sa kanilang mga imposisyon.

Dumagsa sa lansangan ang iba't ibang grupo para tutulan ang bisita ni US State Secretary Hillary Clinton. (Ilang-Ilang Quijano)
Dumagsa sa lansangan ang iba't ibang grupo para tutulan ang bisita ni US State Secretary Hillary Clinton. (Ilang-Ilang Quijano)

Hindi lamang nasa Pilipinas si US State Secretary Hillary Clinton para sa isang humanitarian visit, kundi para siguruhin ang pangmilitar at pang-ekonomiyang interes ng Estados Unidos sa bansa.

Ito ang inihayag ng militanteng mga grupo na nagsagawa ng magkakasunod na mga kilos-protesta para igiit ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) at kondenahin ang di-pantay na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa. Panoorin ang video

Sa kabila ng lumalawak na oposisyon sa VFA, pinagtibay naman ni Clinton ang komitment ng US sa nasabing kasunduang militar, gaya ng inasahan ng mga grupo.

“The Visiting Forces Agreement is an important expression of our partnership that is based on mutual respect and mutual interest,” sabi ni Clinton sa isang press conference kasama si Kal. Alberto Romulo ng Department of Foreign Affairs sa Malakanyang.

Isang pag-aaral ng Center for Strategic and International Studies (CSIS) na naka-base sa Washington D.C. ang ibinunyag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) bilang patunay umano na ginagamit lamang ng US ang sosyo-sibiko at humanitarian na mga misyon para makapagpalawak ng presensiya ng mga tropang Kano sa bansa.

Hinarang sa Kalaw Ave. ang mga raliyista na papunta sana sa US embassy. May 5,000 pulis ang dineploy para sa seguridad ni Clinton. (Ilang-Ilang Quijano)
Hinarang sa Kalaw Ave. ang mga raliyista na papunta sana sa US embassy. May 5,000 pulis ang dineploy para sa seguridad ni Clinton. (Ilang-Ilang Quijano)

Ayon sa ulat na pinamatagang US Alliances and Emerging Partnerships in Southeast Asia: Out of the Shadows, bibigyan ng administrasyon ni Presidente Barack Obama ng ibayong atensiyon ang Timog Silangang Asya bilang rehiyon na “kritikal” umano sa pagmamantine ng kapangyarihan ng US. Pinapatunayan umano ito ng bisita ni Clinton sa Indonesia noong Pebrero.

Ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, pinapatunayan din ito ng sunud-sunod na pagbisita sa Pilipinas ng matataas na opisyal ng US. Bago si Clinton, dumating din ngayong taon sina US Defense Secretary Robert Gates at Leon Panetta, direktor ng Central Intelligence Agency.

Nirekomenda ng CSIS, isa sa mga premyadong think tank sa mundo na ibinuo noong kasagsagan ng Cold War, ang pagpapatibay ng US sa relasyon nito sa mga alyadong bansa na Thailand at Pilipinas.

“Kung gayon, ang dalawang-araw na bisita ni Clinton ay nasa linya ng pagpapatibay ng relasyong RP-US, para isulong ang interes ng US sa rehiyon. Sinasaklaw nito ang mga interes pang-militar, diplomatiko, at pang-ekonomiya. Ibigsabihin din nito, maaaring naghahanap ang US bagong mga paraan ng interbensiyon sa Pilipinas at sa rehiyon sa kabuuan,” sabi ni Reyes.

Kinilala rin sa ulat ng CSIS na magandang tuntungan para palawakin ang pakikipagtulungan sa usaping pandepensa ng dalawang bansa ang “humanitarian assistance” at “disaster relief exercises.”

Sa press conference kasama ni Clinton, pinapurihan ni Romulo ang 2,600 tropang Kano at mga kagamitan ng militar ng US na idineploy para saklolohan ang mga biktima ng bagyong Ondoy.

Iginiit ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement at iba pang kasunduan na umano'y nagtatali sa Pilipinas sa interes ng US. (Angelica Carballo)
Iginiit ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement at iba pang kasunduan na umano'y nagtatali sa Pilipinas sa interes ng US. (Angelica Carballo)

Ikinatuwa ito ni Clinton, na nagsabing, “Our service members, as we have seen in the last natural disasters, are ready to provide assistance where it is asked for, and to work side by side with the military of the Philippines.”

Pero ayon kay Reyes, matagal nang ginagamit ng US ang Civil Military Operations para pagtakpan ang mas malalim na interbensiyon sa internal na usaping pandepensa. Ito umano ang pinatunayan sa testimonya noon ni Navy Lt. Nancy Gadian na sumasama ang mga tropang Kano sa Armed Forces of the Philippines sa pakikipagdigma.

Samantala, kinuwestiyon naman ng Suara Bangsamoro, isang grupong naka-base sa Mindanao, ang timing ng pagpapalaya kay Father Michael Sinnot ngayong araw, matapos ang isang buwang pagkakabihag sa Sulu.

Masaya ang grupo na ligtas si Sinnot at hindi natulad kay Gabriel Canizares, na pinatay ng mga bandido kamakailan dahil sa kabiguan ng kanyang pamilya na magbayad ng ransom. Pero ayon kay Amirah Ali Lidasan, tagapangulo ng Suara Bangsamoro, nakapagtatakang pinalaya si Sinnot bago ang bisita ni Clinton.

Pinalaya rin ang bihag na si Father Eugenio Vagni bago dumating sa bansa si Panetta noong Hulyo.

“Dahil sa pagtaas sa bilang ng kidnapping, napapatibay ang mga hinala na may sabwatan sa pagitan ng Abu Sayyaf Group at Armed Forces of the Philippines,” ani Lidasan.