Pinoy Weekly

23 araw bago magpasko, 89 OFW sa Riyadh hindi pa rin makauwi

Walumpu’t siyam na overseas Filipino workers sa  Riyadh, Saudi Arabia ang naghihintay pa rin mapauwi sa Pilipinas, 23 araw bago magpasko.

Ayon sa Migrante-Middle East, sa kabila ng pahayag na inilabas ng Department of Foreign Affairs noong Nob. 3, 2009 na nakikipag-usap na ang Philippine Overseas Labor Office sa Annasban Co. tungkol sa pagpapauwi sa 89 na OFW, wala pa ring katiyakan hanggang sa sandaling ito kung kailan sila makakauwi sa bansa.

Ang 89 na OFW ay kabilang sa tatlong grupo ng mga Pinoy na nagpasyang huminto sa pagtatrabaho sa Annasban Co. noong Okt. 12, 2009 dahil sa umano’y pang-aabuso sa kanila, kabilang na ang hindi pagbabayad ng sahod at hindi pagbibigay ng medical insurance tulad ng nakasaad sa kanilang kontrata.

Ayon sa mga OFW, pinapirma silang muli ng kanilang employer sa bagong kontrata pagdating nila sa trabaho. Ang ilan umano sa kondisyon sa bagong kontrata ay iba na sa orihinal nilang pinirmahan, tulad na lamang ng sahod na kanilang tatanggapin.

Pinipilit ng employer ng mga OFW na dapat silang magbayad nang mula 4,000 to 8,000 saudi riyal para lamang makauwi, na hindi umano makatwiran, ayon kay John Leonard Monterona ng Migrante-ME.

“Sa madaling sabi, yung employer ang sumira sa kontrata na nagtulak sa mga OFW na huminto sa kanilang trabaho at magdesisyon na umuwi,” aniya pa.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan pa rin ang OFW sa kanilang mga recruitment agency sa Pilipinas na sagutin ang tiket sa eroplano, habang nakikipag-ugnayan naman ang Migrante International sa Maynila sa Overseas Workers Welfare Administration para sa tiket ng iba pa.

Gayunman, sinabi ni Monterona, na kailangan pa rin maglabas ng exit visa ang employer para makauwi ang mga OFW.

Samantala, patuloy umanong nananawagan ang mga OFW sa mga opisyal ng Migrante sa Saudi Arabia na agad silang mapauwi bago sumapit ang Pasko.

Nagrereklamo na rin umano ang mga naturang OFW na hindi sila binibigyan ng sapat na pagkain, tubig at iba pang pangangailangan.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5278

Posted by on Dec 2 2009. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes