Balitang Global

Department of Migrant Workers: negosyo sa sapilitang migrasyon


Ibinida ni Marcos ang DMW bilang kanlungan daw ng mga migranteng manggagawang Pilipino habang nasa ibayong dagat sila. Pero pamamaraan lang ito para lalong gawing negosyo ng gobyerno ang sapilitang migrasyon

Mahabang listahan ng mga pangako ang inihain ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA). Kabilang na rito ang pagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng mga OFW — pagtatayo ng Department of Migrant Workers (DMW), pagpapadali ng pagkuha ng Overseas Employment Certificate (OEC), at ang pagkakaroon ng One Repatriation Command Center (ORCC).

Ngunit kapansin-pansin ang kakulangan ng malinaw na plano kung paano magiging reyalidad ang mga pangakong ito. Ayon kay Joanna Concepcion, tagapangulo ng Migrante International, “Walang binanggit na dadagdagan ang badyet para sa serbisyo at programa para mabigyan ng sapat, agaran, at komprehensibong serbisyo’t proteksyon ang mga OFWs sa loob at labas ng bansa.” Ang mga magandang programa, katulad ng ORCC na naglalayong mapauwi agad ang mga nanganganib na OFW, ay hindi magkakatotoo kung hindi paglalaanan ng pondo.

Ibinida ni Marcos ang DMW bilang tahanan at kanlungan ng mga migranteng manggagawang Pilipino habang sila ay nasa ibayong dagat. Ipinagmalaki niya ang pagpapadali’t pagpapaiksi ng proseso sa pangingibang-bansa, pagbubukas ng deployment sa Saudi Arabia, at ang “top priority” niya na automated na pagkuha ng OEC. Subalit ang mga planong ito ay taliwas sa umiiral na panawagan ng mga migranteng manggagawa.

Ayon kay Concepcion, ang pagtatayo ng DMW ay isang pamamaraan upang lalong gawing negosyo ng gobyerno ang sapilitang migrasyon. Sa katunayan, walang plano ang administrasyong Marcos at ang DMW na itigil ang pangongotong sa mga OFW sa pamamagitan ng mga bayarin at gastusin tulad ng OEC, sapilitang paniningil ng PhilHealth, SSS, at PAG-IBIG, at iba pa.

Wala ring sagot ang administrasyong Marcos kung paano maibibigay sa libu-libong OFW ang sahod at benepisyong ipinagkakait sa kanila ng mga employer sa Saudi Arabia. Hindi rin niya binanggit kung papaano bibigyan ng hustisya ang mga OFW na naging biktima ng labor contract violations, iba’t ibang porma ng abuso, human trafficking, at iba pa. Kaakibat nito, wala ring plano ang administrasyon na panagutin ang mga recruitment agencies at tiwaling opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga kaso ng pang-aabuso.

Dagdag pa ni Concepcion, “Ang hangad ng maraming OFWs ay makauwi sa Pilipinas at magkaroon ng disenteng trabaho. Ngunit walang banggit si Marcos Jr. kung ano ang plano niya para sa reintegrasyon ng ating mga balik-manggagawa para hindi na sila sapilitang mangibang-bansa. Malinaw na hindi priyoridad ng administrasyon ni Marcos Jr. na lutasin ang mga ugat ng kahirapan na dahilan kung bakit napipilitang mangibang bansa ang milyung-milyon natin kababayan kada taon.”

Ang direksyon ni Marcos ay ang pagpapatuloy ng programang labor export na sinimulan ng kanyang ama. “Hindi lapat sa lupa si Marcos Jr. sa tunay na kalagayan ng ating mga OFW. Hindi digital empowerment o pagpapaiksi ng OFW handbook ang ating panawagan, kundi tunay na pagsusulong at pagtataguyod ng karapatan ng ating mga kababayan sa ibayong dagat,” pagtatapos ni Concepcion.