FEATURED

Duterte, siningil ng OFWs, kaanak sa ‘bigong’ pangako


Sinisingil ngayon ng mga OFW si Pangulong Duterte sa mga pangako nito sa kanila.

Patuloy pa rin ang kalbaryo ng overseas Filipino workers (OFW), pati ng kalakhan ng manggagawang Pilipino, kahit pa maraming naipangakong pagbabago si Pangulong Duterte.

Ginunita ng Migrante International nitong Marso 17 ang ika-22 taon ng pagkamatay ni Flor Contemplacion. Tinungo nila ang taarngkhan ng Malakanyang sa Mendiola, bitbit ang iba’t ibang isyu ng mga OFW. Kaakibat nito ang kanilang mariin na pagtuligsa sa patuloy na pagpapatupad ng Labor Export Policy o polisiyang pag-angkat sa lakas-paggawa ng mga Pilipinong manggagawa.

Dalawampu’t dalawang taon na ang nakalipas mula nang hatulan ng kamatayan si Contemplacion sa Singapore, marami pang nakahanay sa hatol ng kamatayan na Pilipino. Sa ngayon, naghihintay ng hatol ng United Arab Emirates si Jennifer Dalquez

Nakapatay ng isang Arabo si Dalquez nang tangka nitong halayin siya noong 2015.

Maaalalang nangako si Duterte na sa kanyang pamunuan ang “huling henerasyon ng mga OFW.”

“Kahit pa maraming pangako si Duterte, hindi pa rin niya napapatunayan na iba siya sa nauna sa kanyang mga pangulo sa usapin ng pagpapada ng mga PIlipino sa ibang bansa,” ani Mic Catuira, pangkalahatang kalihim ng Migrante International.

Paliwanag ng grupo na patuoy na lalabas ng bansa ang mga Pilipino upang maghanap ng trabaho dahil sa kakulangan ng nakabubuhay na trabaho sa Pilipinas. Binanggit nila ang kawalan ng lupa, abot-kayang mga batayang serbisyo, maging ang kawalan ng trabaho at kontraktuwalisasyon, ang ilan sa mga mga ugat ng migrasyon.

Ngayon, naipasa na ang DOLE Department Order 174-2017, ang diumanong soluyon ng gobyerno sa mga problema ng kontraktuwalisasyon. Tingin ng Migrante na ilelegalisa lang nito ang kontraktuwalisasyon.

“Paiigtingin nito lalo ang problema ng labor flexibilization, mababang sahod, at siyempre makalihang disempleyo. Sa ganon, lalabas talaga ng bansa ang mga Pilipino upang maghanap ng trabaho sa ibang bansa dahil sa desperasyon at pangangailangang mauhay,” ani Catuira.

Dugtong pa niya na problema pa rin sa loob ng bansa ang kakaharapin ng mga Pilipinong dapat ay pabalik ng bansa mula sa mga bansang nasa krisis, lalo na sa Gitnang Silangan.

Kasalukuyang mayroong mass deportation ng di-dokumentadong mga OFW hindi lamang sa Saudi Arabia kundi sa Estados Unidos, maging sa Malaysia.

“Uuwi ng bansa ang ating mga kababayan, ngunit lalabas pa rin sila upang maghanap ng trabaho kahit maraming panganib sa ibang bansa,” dagdag ni Catuira.

Kasama ng Migrante sa kanilang kilos-protesta ang mga organisasyon ng iba’t ibang sektor sa bansa.

Kasama rin sa pagkilos ang mga magulang ni Jennifer Dalquez, gayundin ang mga pamilya ng mga OFW na nasa death row sa Dubai, mga umuwing OFW mula Saudi Arabia at kalakhan ng mga pamilya ng OFW na biktima ng kawalang aksiyon ng gobyerno.