Kapirasong Kritika

Halalang 2022 Makasaysayan


Inihanda ng rehimeng Duterte ang makasaysayang panalo ng tambalang Marcos-Duterte sa halalang 2022. Ipinapakita ng resulta ng eleksyon at ng kampanyang Kakampink ang pangangailangang abutin ang masang maralita kontra sa pagbakod at pagbukod na ginagawa ng rehimen.

Sa ngayon, alam na ng buong bansa ang resulta ng eleksiyon ng Mayo a-nuwebe, na dahilan ng kalungkutan, pagkabalisa at galit ng marami. Si Bongbong Marcos, dating senador at anak ng diktador na si Ferdinand, ang lumilitaw na panalong pangulo. Tambak ang lamang sa pinakamalapit na kalabang si Leni Robredo, kasalukuyang bise-presidente. Lamang na lamang din sa karera sa pagkabise-presidente si Sara Duterte, mayor ng Davao City at anak ng kasalukuyang pangulo, kay Senador Kiko Pangilinan.

Makasaysayan ang panalo ni Bongbong. Unang beses ito simula 1986 na ang nanalong pangulo ng Pilipinas ay hindi sa pamamagitan ng pluralidad lang ng boto, kundi nakakuha ng mahigit 50 porsyento — isang presidenteng mayorya. Kahit si Rodrigo Duterte, na sinasabing napakapopular noong 2016, ay nakakuha lang ng 39 porsyento ng boto.

Pero syempre, makasaysayan ito sa isa pang dahilan: makakabalik na ang mga Marcos sa Malakanyang. Mahigit 36 taon pagkatapos ng pag-aalsang Edsa People Power noong 1986, at bago ang 50 taon ng deklarasyon ng Batas Militar — mga susing pangyayari sa kasaysayan ng bansa, lalo na pagkatapos ng World War II — isa na namang Marcos ang presidente ng bansa.

Tiyak na sasamantalahin ito ni Bongbong, at pamilya Marcos, para linisin at pagarbuhin ang kanilang pangalan, baligtarin ang hatol ng sambayanang Pilipino sa kanila, at isulat muli ang kasaysayan. Simula’t sapul, iginigiit nilang panalo si Ferdinand sa halalang snap noong 1986, at pinatalsik lang ito ng sabwatan ng mga dilawang oligarko at pulahang rebolusyunaryo. Hindi malayong palabasin nilang sa buong panahon, nasa kanila talaga ang suporta ng sambayanang Pilipino, hindi lang mailantad dahil sa maingay na iilan.

Maralitang dumalo sa pagtitipong pasasalamat ni Robredo sa Ateneo noong Mayo 13. | Neil Ambion

Marami nang tagamasid pampulitika ang tumutukoy kay Gloria Macapagal-Arroyo, dating pangulo at kongresista ngayon, na siyang nagbuo ng alyansa ng mga paksyon ng naghaharing uri na naghatid ngayon kay Bongbong sa Malakanyang. Mainam magbalik-tanaw sa pagbubuo niya ng ganyang mga alyansa — na maaaring palabasing hidwaan lang ng mga naghaharing elite, pero repleksyon din talaga ng tinakbo ng pakikibaka ng sambayanan sa katiwalian at mga anti-mamamayang patakaran.

Naluklok sa pamamagitan ng Edsa 2, alyado ni Arroyo ang pamilya Aquino laban kay Joseph Estrada, dating pangulo na alyado ng mga Marcos. Napanatili ang mga alyansa hanggang eleksiyong 2004 at nabago na lang dahil sa eskandalong “Hello Garci” noong Hunyo 2005. Nagpalitan: kumalas ang mga Aquino kay Arroyo at, sa kabila ng paglahok sa protestang anti-Gloria noong una, ang mga Marcos ay naging alyado ni Arroyo.

Paningit: sa kasagsagan ng “Hello Garci,” nanatiling malapit si Rodrigo Duterte, mayor noon ng Davao, kay Arroyo — nasa Malakanyang daw noong panahon ng mga protesta, kasama sa nagpaplano ng taktika. Si Arroyo rin ang pangulong tampok na nagsimulang makipag-ugnayan sa papalakas noong dayuhang kapangyarihan, ang Tsina, at panandang-bato rito ang eskandalo ng NBN-ZTE sa katiwalian.

Taong 2010, nanalo si Noynoy Aquino sa pagkapangulo, sumakay sa pagkamatay ng nanay niyang popular at sa galit kay Arroyo. Natalo si Gibo Teodoro, dating kongresista, na opisyal na manok ni Arroyo. Natalo rin si Manny Villar, na hindi bumanat kay Arroyo dahil hinihingi ang suporta nito, at katiket ni Bongbong na tumakbong senador.

Nang maging pangulo si Noynoy, naobliga siyang tuparin ang isang pangako sa kampanya — ang papanagutin si Arroyo, na ipinakulong noong 2013. Sa buong panahon, marahil, nag-iisip na si Arroyo ng bala sa 2016 — dahil kung hindi, tuluy-tuloy siyang papanagutin ng mga susunod na pangulo, lalo na kung nasa molde ng mga Aquino na nagpapanggap na liberal-demokratiko. Kung papahintulutang maging dramatiko, sa ngitngit sa kulungan siguro lalong tumibay ang kagustuhan at plano niyang magbuo ng alyansa ng mga dinastiyang pampulitika para makapagluklok ng alyado sa Malakanyang.

Taliwas sa sinasabi ng iba ngayon, nanatiling popular si Noynoy hanggang dulo ng kanyang termino. Pinaka-lumakas na ang panawagang palitan siya matapos ang pagdanak sa dugo sa Mamasapano noong Enero 2015, pero kahit ito ay hindi naging malapad at malakas. Masasabing sorpresang atake ang paglakas ni Duterte — at ang biglang paghiwalay sa mga “dilawan” — noong kampanya para sa eleksiyong 2016.

Pang. Noynoy Aquino at dating pangulong Gloria Arroyo, noong inagurasyon sa pagkapangulo ng nauna. Hinamon ng mga grupong pangkarapatang pantao si Aquino na parusahan si Arroyo, hindi lamang dahil sa diumano'y pangungurakot, kundi pati sa mga paglabag nito sa karapatang pantao. (Boy Bagwis/PW File Photo)
Pang. Noynoy Aquino at dating pangulong Gloria Arroyo, noong inagurasyon sa pagkapangulo ng nauna. Hinamon ng mga grupong pangkarapatang pantao si Aquino na parusahan si Arroyo, hindi lamang dahil sa diumano’y pangungurakot, kundi pati sa mga paglabag nito sa karapatang pantao. (Boy Bagwis/PW File Photo)

Bilang pangulo, ipinagtanggol ni Duterte ang sistemang naglilingkod sa mga naghahari sa bansa — ang US at malalaking kapitalistang komprador at panginoong maylupa. Pero ibayo rin niyang pinalakas sa bansa ang Tsina, mga Arroyo, at mga Marcos — mga entidad na di-popular, kung hindi man kinamumuhian ng maraming Pilipino. Pinahigpit niya ang kapit sa kapangyarihan, at pinaboran ang kanyang mga kroni sa ekonomiya at alyado sa pulitika.

Para sa mga layuning ito, lalabas na kritikal ang kanyang “war on drugs” o “gera kontra-droga,” isang historikal na kampanyang pumaslang ng sampu-sampung libong Pilipino. Lilitaw na hindi lang ito personal na krusada ni Duterte, kundi mekanismo para makapaghari: konsolidahin ang suporta ng pulisya at militar, bantaan at atakehin ang lahat ng aktuwal at posibleng kalaban sa pulitika — mula oposisyong elite hanggang Simbahan, midya hanggang mga unibersidad — at sabayan ng pagpapaigting ng programang kontra-insurhensya laban sa underground at hayag na Kaliwa.

Kaakibat ng kampanyang ito ang pag-atake sa lahat ng tinig na independyente at kritikal, kasama na ang pinakamalalaking midyang kapitalista. Nagbuo at nagpalakas ito ng sariling midya, kung saan susi ang isang buong makinarya para sa social media. Dito dumaloy ang propaganda para sa “war on drugs,” redtagging, at galit sa mga Dilawan. Simula Disyembre 2018, inilagay sa pamunuan ng buong kampanya ng panunupil at panlilinlang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-Elcac.

Gamit ang banta ng panunupil at aktwal na panunuhol, tinipon ni Duterte sa kanyang hanay ang buong burukrasya ng pamahalaan at mga pulitiko hanggang sa antas-barangay. Maging ang pandemyang Covid-19, ginamit para paigtingin ang panunupil sa mga itinuturing na kalaban at konsolidahin ang mga itinuturing na kakampi. Ang isang mayor na epekto ng lahat ng hakbanging ito: ang pagkopo ng rehimen sa kamalayan ng nakakaraming maralitang Pilipino.

Protesta noong Nobyembre 30, 2021. | Neil Ambion

Ang lahat ng ito — natipong yaman at kapangyarihan; nabuong hanay ng mga alyado; kontroladong pulisya, militar at burukrasya; naitayo at napalakas na sistema ng midya; napadulas na mga kalakaran — ay buung-buong ginamit para ipanalo ang kandidatura ni Bongbong. Todong sinamantala ng pangkating Arroyo-Duterte-Marcos ang bentaheng posisyon ng paghawak sa gobyerno para tiyakin ang pagbabalik ng mga Marcos sa Malakanyang ngayong 2022.

Ang panunupil at panlilinlang ng rehimeng Duterte, hindi lang ginamit para panatilihin ang sarili sa kapangyarihan — kundi para tiyaking kakampi nito ang papalit. Itong rehimeng mamamatay-tao, bentador ng soberanya ng bansa, korap, palpak sa harap ng pandemya, sumalaula sa mga institusyon ng gobyerno, nanlason sa isipan ng maraming Pilipino, pahirap sa nakakarami habang nagpayaman ng iilan at kakampi — inangkin pa ang kapangyarihang itakda kung sino ang magiging susunod na lider ng bansa.

Sa sobrang lakas ni Bongbong pagpasok ng kampanya, naremedyuhan ang mga kahinaan at nabaligtad pa nga. Isa sa mga pangunahin: walang kakayahang magsalita at walang track record at plataporma? Kumuha ng tagapagsalita. Umiwas sa mga tanong ng midya, magpaawa, palabasing binibiktima nito. Ulit-ulitin ang tema ng pagkakaisa. Gagalaw naman ang buong makinaryang pampropaganda: Leni lugaw, Leni lutang, Leni Dilaw, Leni NPA, at kung anu-ano pa.

Sa dulo, sa harap ng paglakas ng kampanya ng oposisyon, kinailangan ng kampanyang Marcos-Duterte na tiyakin ang tagumpay — at malaking tagumpay, iyung hindi makukwestyon, hindi tulad ng panalo umano noong 1986. Sa ganito na mailulugar ang malawakang pagbili ng boto, disenfranchisement sa mga botante, mabilisang pagbibilang nang walang bantay sa sistemang automated na matagal nang batbat ng problema, at iba pa. Tiniyak nilang walang kawala ang panalong ito, sukdulang punuin ang Comelec ng mga tapat na appointees.

Marcos Jr.’s path to power. SALUNGGUHIT ni Max Santiago | Bulatlat

Sa puntong ito mainam ilugar ang isang lumulutang na paliwanag sa panalo nina Marcos-Duterte na nakapakete sa isang salitang bagong uso, at dapat lang mauso: disimpormasyon. Isa sa pinaka-nakakabahala at nakakagalit na aspeto ng eleksiyong ito ang paghila at pagkulong sa maraming Pilipino sa mga kahon ng social media na punung-puno ng pagrebisa sa kasaysayan, fake news, pakikinig at paghanga sa mga buktot na personalidad, at paghahasik ng galit sa mga kalaban ng rehimen at ng mga Marcos. Sa aktibong pagkilos ng makinarya ng disimpormasyon, tinatangay ang mga karaniwang tao.

Sa konteksto, lalo na ng paghaharing Duterte, mahalagang kilalanin na hindi sa isang malayang pamilihan ng mga ideya umiiral ang disimpormasyon. Mabisa ito, hindi lang dahil sa nilalaman — na pinaghusayang maging patok ng mga nasa likod nito — kundi dahil sa sitwasyong pang-impormasyon na kinalalagyan nito. Una, maraming taon itong inihahanda, kung hindi man dekada ayon sa mga ulat. Pangalawa, ginagastahan ito nang napakalaki — hindi lang sa nilalaman kundi sa tuluy-tuloy na buhos. At pangatlo, namamayagpag ito sa kalagayang binubusalan ang mga independyente at kritikal na tinig. Kopong-kopo ng rehimen ang nakakaraming masang maralita.

May magandang tweet ang kolumnista at antropologo na si Gideon Lasco: “Ang boto ko ay para sa isang bansa kung saan malayang makakapag-aral si Kian delos Santos, at malayang makakapagturo si Chad Booc.” Nababanaag dito kung paanong pinagkaitan ng rehimeng Duterte ang nakakaraming maralitang mamamayan ng mahalagang kaalaman at karunungan. Sa isang banda, mga gambala sa pag-aaral, at anong klaseng edukasyon? Sa kabilang banda, mga nagboboluntaryong guro na nga ang pumupunta at lumulubog — tulad ng maraming ng aktibista — sa masa, pinapaslang pa.

Hustisya para kay Chad Booc, ipinanawagan ng mga kabataan sa pagtitipon ng pasasalamat ni Robredo sa Ateneo noong Mayo 13. | Neil Ambion

Usap-usapan din ang pagsuporta ng masa, ng nakakaraming mahihirap na Pilipino, kina Marcos-Duterte. May buu-buong pagkondena: “bobotante” o mga katulad, sa panig ng ilang elitista o di-pa-gaanong-mulat na Kakampink. May buu-buong pagkilala at pagpuri: “boses ng demokrasya,” ayon sa makinarya ng mga Marcos-Duterte sa panlilinlang; “botong protesta,” ayon sa maliit na seksyon ng Kaliwa, laban umano sa “sistemang Edsa.”

Mahalagang kilalanin ang maraming botong nakuha ng tambalang Marcos-Duterte mula sa masa. Pero para maiwasan ang mapanlahat na pagtingin sa masa, at ang kaakibat nitong elitismo o ideyalismo, at bilang gabay sa pagkilos sa hanay nila, mahalagang balikan ang mga kategorya ng rebolusyunaryong Komunistang si Mao Zedong, na mababanaag din sa mga sulatin ni Vladimir Lenin: abante, panggitna at nahuhuli — na nakabatay sa pangkalahatan sa kanilang pag-alam sa mga usaping panlipunan at pagkilos sa komunidad.

Sa tagal at tindi ng pagsisikap ng rehimeng Duterte na tiyakin ang panalo nina Marcos-Duterte sa halalan, tiyak na maraming abanteng masa ang kanilang nahamig. Pero batay sa katangian ng kanilang kampanya — nakatuntong sa kawalan ng nagawa at plataporma; kasinungalingan; mga pahayag na hindi magkakatugma kung hindi man magkakataliwas; feel-good na kulturang celebrity; pagiging tagahanga tulad sa sports; atas ng awtoridad; at sukdulang kabastusan, seksismo at pagiging anti-kababaihan — mas mga nahuhuling masa ang kanilang puntirya at nakabig. Sa mas maraming panahon sa lipunan, pinakamarami ang nahuhuling masa. Sabihin pa, hindi sila ang dapat sisihin kundi ang kalagayang kinasasadlakan nila.

Masasabi sigurong ang usapin ng nahuhuling masa ay hamon, kung hindi man problema, sa demokrasya sa pangkalahatan. Mahalaga ang eleksiyon, ang pagbobotohan, sa alinmang demokrasya at ang nakakaraming nahuhuling masa ay laging may isang boto — katumbas ng isang boto ng mga abante at panggitnang masa, na madalas ay mas kaunti.

Hindi ito mapagpasyang hinaharap ng demokrasyang elite o burgis, sa partikular. Sa lumang liberalismo, sinasabing mahalaga ang edukasyon para sa pagiging mamamayan o citizen ng isang demokratikong lipunan — pero sa aktwal, ang namamayani ay ang dikta ng merkado, ng pamilihan ng lakas-paggawa, sa sistemang pang-edukasyon. Hinubad ng neoliberalismo ang pagpapanggap, at tahasang pangangailangan sa trabaho ang namayani. Tampok na halimbawa ang pagtanggal ng mga aralin sa kasaysayan, kahit paimbabaw, pabor sa agham at teknolohiya, sa makitid na pag-unawa rito. Idagdag pa ang midya na lumilikha at nagpapalabas sang-ayon sa ano ang magpapalaki ng tubo.

Sa panig ng Kaliwa, ng mga sosyalista, nasa gitna ang usapin ng masa — hindi lang sa paghawak sa mga pwersa ng produksyon, kundi sa demokratikong pamumuno ng lipunan. Maganda ang sinabi ni Lenin: bagamat hindi agad-agad kakayanin ng karaniwang manggagawa o kusinero na patakbuhin ang estado, mas mali ang isiping “tanging ang mayayaman, o mga opisyal na pinili sa mayayamang pamilya, ang kayang mangasiwa sa estado.” Aniya, kailangan ng kagyat na pagsasanay sa naturang gawain ng mga mulat-sa-uring manggagawa, at pagkatapos ay lahat ng masang anakpawis at mahihirap.

Panawagan ng mga kabataan sa pagtitipon ng pasasalamat ni Robredo sa Ateneo noong Mayo 13. | Neil Ambion

Mas malala, syempre pa, ang “demokrasya” sa Pilipinas — demokrasyang pinapamunuan ng neokolonyal na elite. Kapalit ng rehimen ni Noynoy Aquino na nagpapanggap na liberal na demokrasya, nahalal ang rehimeng Duterte na dinala ang bansa sa lantad na awtoritaryanismo — at ngayon, sa paghaharing awtoritaryan ng anak ng yumaong diktador. Ang sistemang pang-edukasyon na naglilingkod na nga sa iilan at dayuhan ay mahal pa rin para sa marami, at bulok. Iba’t ibang atake at pandarahas ang ipinapalasap sa lahat ng gustong magbigay ng independyente at kritikal na pananaw sa masa.

Kapag sinasabi ng mga makabayang propesor na sina Lakan Umali at Laurence Marvin Castillo halimbawa na “hindi demokratiko” ang pagkahalal kina Marcos-Duterte dahil nakasandig sa disimpormasyon, pag-iwas sa pagtalakay sa mga ideya, pagbaluktot ng kasaysayan at patronage, sinusukat nila ang sistemang pampulitika sa Pilipinas sa orihinal na pakahulugan at pamantayan ng demokrasya — ang “paghahari ng mga mamamayan.” Sa ganito, pinag-iiba nila ang tunay na demokrasya sa “demokrasyang” umiiral sa bansa. Hindi demokrasya ang pagkapanalo nina Marcos-Duterte, kundi demokrasya ng neokolonyal na elite, na hindi tunay na demokrasya.

Mahalaga ang pagsusuri ni Wendy Brown, teoristang pampulitika: “Kapag ang edukasyon ay hindi na tungkol sa pagpanday ng isang edukadong demokrasya, kundi sa indibidwal na pamumuhunan sa kita at hinaharap, nawawalan ng kakayahang bigyang-edukasyon ang mga mamamayan sa pagkamamamayan. Sa halip, pinapanday ang kakayahan ng kapangyarihan… na magmanipula, mangasiwa at mag-organisa sa mga tinitingnan na walang kakayahang maging mamamayan. Kumikilos tayo na parang ang pagboto… ang siyang pagkamamamayan. Nagiging makabuluhan ang pagkamamamayan sa isang demokratikong lipunan sa pagiging mapag-isip, mapagtalakay, at nakapag-aral nang sapat para magpasya kasama ang kapwa kung ano dapat tayo at ano ang dapat nating gawin.”

Hindi kataka-taka, isa sa unang anunsyo ng bagong-panalong presidente ang gawing kalihim ng Departamento ng Edukasyon ang kanyang bise-presidente. Maaalala, sa klasikong The Miseducation of the Filipino (1966) ni Renato Constantino, historyador at intelektwal, ang pagpapahalaga sa naturang departamento ng mga mananakop na Amerikano sa harap ng patuloy na pag-aapoy ng rebolusyong 1896. Bagamat sinasanay umano ang mga Pilipino sa paggogobyerno sa ilalim ng Commonwealth, tiniyak na Amerikano lamang ang mamumuno sa departamento, simula 1916 hanggang 1935.

Sa gitna ng ganitong papahigpit na pagkontrol ng naghaharing rehimen sa edukasyon at midya, lumilinaw na nagiging limitado ang espasyo sa mga ito para magkintal ng kamalayang demokratiko sa nakakaraming mamamayang maralita. Walang mababalingan ang sambayanan kundi ang aspeto ng demokrasya na kinikilala ng mga naghaharing elite sa salita, pero sinusupil nila sa gawa — ang nagsasariling pagkilos ng mga mamamayan, ang tinatawag nilang “civil society,” at iba pang porma ng organisadong pagkilos. Sa mga ito, nagsasanib, nag-aaralan, at nagkakaisa ang mga maralita, panggitnang uri at iba pang uri sa lipunan para kumilos. Napakahalaga ng larangang ito sa kasaysayan ng bansa.

Sa harap ng matagalan at sistematikong pagbukod at pagbakod sa masa ng rehimeng Duterte at mga naunang rehimen mula sa makabuluhang impormasyon at kaalaman, mapapahalagahan ang naging hakbangin ng kampanyang Kakampink para kina Robredo-Pangilinan: ang direktang mangampanya sa mga tinatawag nilang nasa laylayan.

Dinagsa ng mahigit 800 libong Kakampinks ang Miting de Avance ng tambalang Robredo-Pangilinan sa Ayala, Makati noong Mayo 7. | Neil Ambion

Makasaysayan ang kampanyang Kakampink sa dami ng natipon sa lansangan sa pamantayan ng mga elektoral na campaign rally at maging protest rally, at sa sigla ng kampanya sa komunidad. Sinong mag-aakala, lalo na sa gitna ng panunupil at pandemya, na ganito ang magiging masiglang porma ng pagkilos ng mga tutol at laban kina Marcos-Duterte?

Sa pagsisikap na maging “kampanyang bayan,” pinalabas ng kampanya ang inisyatiba, enerhiya at pagkamalikhain ng mga tagasuporta. Sa mga campaign rally, ang iba’t ibang paraan ng pagpunta, pasiklab sa entablado, at bihis at islogan sa hanay. Sa mga komunidad, nabuo ang pagkakaisa at koordinasyon sa iba’t ibang lokalidad para lumarga.

Nabigyang-sigla ang iba’t ibang porma ng protesta na sa mahabang panahon ay sinustine ng Kaliwa: parada sa katubigan, pagpapalipad ng saranggola, paggawa ng mga kanta, pagpinta ng mga mural, martsa ng sulo sa gabi, maging ang mga dulang panlasangan, at marami pang iba.

Hindi karaniwan ang kampanyang Kakampink sa kasaysayang elektoral ng bansa. Sa dami ng gustong matawag na kampanyang bayan, isa na ito sa pinakamatagumpay. Nang maramdamang walang talab sa masa ang anumang suporta mula sa mga paksyon ng mga elite at ng middle class, pinawalan ng kampanyang Kakampink ang mga masugid na tagasuporta sa lansangan at mga komunidad. Mismong social media influencers at TV personalities, kinailangang magbahay-bahay.

Sa pagdama nito sa sariling problema at pagsisikap lutasin ito, ginawa nito ang katulad para sa bayan. Pinatalas ng kampanya ang pag-unawa sa problemang hindi lubusang namamalayan ng malawak na hanay ng mga nagsusulong ng demokrasya sa bansa: ang pangangailangang abutin ang malawak na masa. Sa ganito, naghain ito ng solusyon: ang aktwal na pag-abot, sa iba’t ibang paraan, sa kanila.

Maaaring totoong malaking bahagi ng aktibong tagasuporta nito ay nasa panggitnang uri, pero ganoon talaga ang anumang kampanya: sasandig sa pinakamaaasahang pwersa. Ang mahalaga, malinaw ang direksyon: abutin ang masa. Sa ganyan, niyakap muli ng marami sa mga nasa panggitnang uri ang makabuluhang papel nila sa kasaysayan ng pagbabago sa bansa.

Dahil dito, ginising ng kampanya ang isang bagong henerasyon ng mga Pilipinong nagmamahal sa bayan, tutol sa diktadura at posibleng magsulong ng demokrasya. Binigyan nito ng praktika at karanasan ang naturang henerasyon sa pakikibaka — sa isang limitadong larangang elektoral, oo, pero isa sa pinakamahalaga sa kasaysayan, at posibleng sa higit pa kontra sa diktadura at para sa demokrasya. “Ang namulat, hindi na muling mapipikit.”

Makabagong “plakard” ng mga kabataang Kakampinks. | Neil Ambion

Nasa tamang direksyon ang Kakampink sa kampanya. Katunayan, nakuha nito ang momentum ilang panahon bago ang eleksiyon. Kinapos ang oras nito para manalo sa halalan, pero nagpanday ito ng bagong henerasyon ng mga Pilipino na saktong dumating sa panahong lalong kailangang manindigan at lumaban.

Marami nang nagsabi ng mga dapat gawin ng mga Kakampink at kakampi matapos ang halalan: patuloy na magkaisa, palawakin ang pagkakaisa, labanan ang diktadura, isulong ang demokrasya, ipaglaban ang tama at totoo — at, mahalagang idagdag, lagi’t laging abutin ang pinakamalawak na masa.

“Democracy is a movement, not a moment,” nasabi ni Sonny Africa ng Ibon Foundation ngayong eleksiyon — isang kilusan, hindi isang kilos lang. Mula kampanyang elektoral, nawa’y maging tunay na kilusan ang Kakampink.

Aktibong abutin ang nakakaraming masang maralita — magsasaka, manggagawa, pambansang minorya, maralitang lungsod at iba pa — at labanan ang lahat ng paghadlang ng rehimeng Marcos-Duterte sa pagsisikap na ito. Mata sa masa; higit-higit pa sa eleksiyon, nasa laban tayo para sa puso at diwa ng bansa.

14 Mayo 2022