Marcos Jr. sa Time Magazine
Sa panahon ng umiigting na alitan sa pagitan ng US at mga alyado nito sa isang banda at ng Tsina at Rusya sa kabilang banda, lalong nalalantad ang Time na boses ng US—nagkakampeon ng mga lider na nakahanay sa US.
Matagal nang tinitingnan ng mga mahihilig sa politika sa Pilipinas ang Time Magazine na boses ng gobyerno ng United States (US). Tanggapin man o hindi ang pagtawag na imperyalismo sa US, hindi maikakailang malalim ang impluwensiya, kundi man kontrol, nito sa bansa.
Ngayong taon, isinama ng naturang magasin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa listahan nito ng “100 Pinakaimpluwensiyal na Tao ng 2024.” Kung ang profile ng mang-aawit na si Dua Lipa ay isinulat ng kapropesyong si Patti Smith, at ang profile ng aktibistang pangkomunidad sa US na si Sharon Lavigne ay isinulat ng progresibong pastor na si William Barber II, ang profile ni Marcos Jr. ay isinulat ng isang Charlie Campbell, correspondent ng Time.
Kinilala ni Campbell ang “pagrebisa”—hindi maiintindihan ang salin na “muling pagsulat”—ni Marcos Jr. sa kasaysayan ng bansa at ang pagdambong sa bilyon-bilyong dolyar ni Marcos Sr. Pero “inakusahan” lang para sa kanya ang dating diktador pagdating sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Sigurado si Campbell sa paliwanag sa pagkapanalo ni Marcos Sr sa eleksyong 2022—“clever manipulation” ng social media. Bukod sa umiiwas ang paliwanag sa mga sistemikong dahilan—alyansa ng mga oligarko, pagdurog ng pinalitan at alyado ni Marcos Jr. na si Rodrigo Duterte sa oposisyon—bukas pa ito sa pakahulugang puwedeng hangaan ang ginawa ni Marcos Jr.
Hungkag ang litanya ni Campbell ng mga umano’y positibong nagawa ni Marcos Jr.: ibinalik ang mga teknokrata sa gobyerno (ginawa ni Marcos Sr. pero ginawa rin ni Noynoy Aquino, at hindi nagdulot ng kaunlaran), pinatatag ang ekonomiya pagkatapos ng pandemya (gayong patuloy na malaganap ang kawalang trabaho at mababang klaseng trabaho, ayon sa Ibon Foundation), at “itinaas ang Pilipinas sa entablado ng mundo” (walang kawawaang papuri, pero bilang bansa na kumain ng isinuka na nito, hindi nagparusa sa kriminal at mamamatay-taong si Duterte at iba pa).
Ang totoo, kung pupurihin man si Marcos Jr. ng mga kritikal sa kanya, iyan ay dahil naiba siya sa napakasahol niyang pinalitan. Ayon sa beteranong mamamahayag na si Marites Dañguilan-Vitug, halimbawa, ibinalik ni Marcos Jr. ang “normalidad” sa demokrasya sa bansa, taliwas kay Duterte na “nagpalaganap ng karahasan at sumakal sa ating mga kalayaan”—kahit pa ang umano’y normal na demokrasya sa bansa ay malayo pa rin sa tunay na demokrasya.
Sa wakas, dumulo rin si Campbell sa butil ng katotohanan sa pagpuri niya kay Marcos Jr: “Tumindig nang matatag si Bongbong laban sa agresyong Tsino sa pinagtatalunang South China Sea at pinalakas ang alyansa sa US ng kanyang bansa sa harap ng ‘tumitinding mga tensyon sa ating rehiyon at sa mundo,’ gaya ng sabi niya noong Mayo.”
Diyan naman talaga masaya ang US kay Marcos Jr. Natuwa rin ang US noon kay Noynoy, na lumaban sa pangangamkam ng China sa West Philippine Sea. Sa ganitong kalagayan sinungkit, at lumalabas na nakuha, ni Duterte ang suporta ng China. Ngayon, sa ilalim ni Marcos Jr., pumaling muli ang Pilipinas sa pagpabor sa US.
At sino-sino ang mga kahanay ni Marcos Jr.? Sa mga pinuri ng Time ngayong 2024, nangunguna sina Yulia Navalnaya, asawa ng namatay na lider-oposisyon sa Rusya na si Alexei Navalny; Donald Tusk, prime minister ng Poland na kampeon ng Ukraine laban sa Rusya; at si William Lai, bagong halal na presidente ng Taiwan na gumapi sa kandidatong maka-China na kalaban sa eleksyon.
Sa panahon ng umiigting na alitan sa pagitan ng US at mga alyado nito sa isang banda at ng Tsina at Rusya sa kabilang banda, lalong nalalantad ang Time na boses ng US—nagkakampeon ng mga lider na nakahanay sa US. Sintomas ang isang nakasama sa listahan: si Giorgia Meloni, maka-Kanang prime minister ng Italya. Ang batayan ng Time: popular siya sa bansa niya at nakasuporta sa Ukraine laban sa Rusya—kahit pa kinikilala rin nitong mahigpit siya sa mga migrante at LGBTQ+. Tahimik ang magasin, siyempre pa, sa pagpuri ni Meloni sa pasismo sa Italya, pagkontra niya sa mga bakuna, at pagiging anti-Muslim niya.
Kaugnay nito, sa dulo, kinilala ni Campbell na, sa ilalim ni Marcos Jr., “Maraming problemang nagpapatuloy, kasama na ang mga ekstrahudisyal na pagpaslang at palagiang pag-atake sa mga mamamahayag.” Ayan na nga: kung paanong sinuportahan ng US si Marcos Sr. sa kabila ng diktadura niya, sinusuportahan ng US si Marcos Jr. sa kabila ng mga atake niya sa karapatang pantao at sa gayon ay demokrasya. Suportado ng US si Marcos Sr. noong Cold War, at suportado ng US si Marcos Jr. ngayong may mga nagsasabing may bagong Cold War.
Taliwas sa ilusyon at retorika ng US, hindi pagsusulong ng demokrasya ang pakay nito sa mundo; handa itong sumuporta sa mga diktador at mala-diktador basta’t kahanay nito o nagpapakatuta rito. Lantad ito ngayon sa henosidyo ng Israel sa mga mamamayang Palestino: sukdulang anti-demokratiko at pagsawata sa kapangyarihan ng mga mamamayang Palestino ang kolonyalismo at apartheid na ilang dekada nang ginagawa ng Israel sa tulong at pag-aarmas ng US.
Pagtatapos ni Campbell, “Sa pagsisikap na kumpunihin ang pangalan ng pamilya niya, posible ring baguhin ni Bongbong ang bansa niya.” Sa pagpuri ng US sa pamamagitan ng Time, nakakamit na ni Marcos Jr. ang layuning i-rebrand ang pangalan ng pamilya niya. Maaaring naiiba siya kay Duterte, pero sa tinatakbo ng rehimen ni Marcos Jr., malabo ring pabor sa mga mamamayan ang anumang pagbabagong posible niyang gawin sa Pilipinas.