Editoryal

Bagay na ‘di katawa-tawa


Isang malaking kayabangan at kahunghangan na tawanan ang isang tanong na malaon nang dapat nasagot.

Kumalat sa social media kamakailan ang panayam ni Sarah Ferguson ng ABC News Australia kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan tinawanan ng huli ang tanong tungkol sa pagsasauli ng nakaw na yaman ng pamilyang Marcos.

Nagtungo sa Melbourne si Marcos Jr. nitong nakaraan para sa Asean-Australia Special Summit. Nagtungo rin siya sa kabisera na Canberra para magbigay ng talumpati sa Australian Parliament.

Habang nagtatalumpati sa mga mambabatas ng Australia, nagprotesta si Victoria Sen. Janet Rice sa mga paglabag sa mga karapatang pantao sa Pilipinas na ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos Jr.

Pinalabas ang senadora mula sa bulwagan at sumama sa mga migranteng Pilipinong at mga tagasuportang Australian na nagpoprotesta sa labas ng Parliament House.

Aniya, hindi dapat binigyan ng pagkakataon si Marcos Jr. na magsalita sa kanilang parliyamento. Tinuligsa rin niya sina Prime Minister Anthony Albanese at Leader of the Opposition Peter Dutton sa pagpapahintulot kay Marcos Jr.

Matapos ang summit sa Melbourne at talumpati sa Canberra, kinapanayam naman si Marcos Jr. ni Ferguson para sa programang “7.30” kung saan umikot ang usapan sa West Philippine Sea, banta ng China, relasyon ng Pilipinas at China, “war on drugs” ng nakaraang rehimen at diktadura ng kanyang ama.

Sa huling bahagi ng panayam, tinanong ni Ferguson si Marcos Jr. kung bakit hindi pa rin isinasauli ng kanyang pamilya ang nakaw na yaman sa mamamayang Pilipino.

Uutal-utal na tinawanan lang ito ni Marcos Jr. ngunit mabilis na nagtanong si Ferguson kung ano’ng nakakatawa sa kanyang tanong.

Mula 1986 hanggang 2020, aabot sa P174 bilyon ang nabawi ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) sa nakaw na yaman ng mga Marcos, kasama dito ang koleksiyon ng alahas ni Imelda Marcos na nagkakahalaga ng nasa sa P700 milyon.

Tinatayang nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang nakulimbat ng mga Marcos sa mga huling taon nila sa kapangyarihan noong 1980s. Tinataya namang aabot sa $30 bilyon ang kabuuang dinambong ng pamilya mula ng 1950s.

Kung tutuusin, katiting lang ng kabuuang kinurakot ng mga Marcos ang nabawi ng PCGG na ginamit ng mga nagdaang administrasyon sa palpak na reporma sa lupa at pagbibigay ng barya-baryang kompensasyon sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao noong panahon ng diktadurang Marcos Sr.

Sabi pa ni Marcos Jr. sa panayam, tinanggap na raw muli sila ng mamamayang Pilipino at patunay dito ang kanyang pagkapanalo sa halalan. Tinanggap na nga ba sila ulit ng mamamayan o ginoyo nila ang mamamayan sa pamamagitan ng pagbaluktot sa kasaysayan?

Hindi nakakatawa ang mga paglabag sa karapatan. Hindi nakakatawa ang pandarambong at korupsiyon. At mas lalong hindi nakakatawa na nasa poder muli ang mga napatunayang nagnakaw sa kaban ng bayan at bumusabos sa mamamayan.

Isang malaking kayabangan at kahunghangan na tawanan ang isang tanong na malaon nang dapat nasagot. Kailangang patuloy na kumilos at igiit ng mga biktima ng Batas Militar at ng mamamayan na singilin at panagutin ang pamilya ng diktador sa mga krimeng hindi pa nila kailanman pinagbabayaran.

Nagkakaisa ang sigaw ng mamamayang Pilipino: Isauli n’yo ang ninakaw n’yo!