Husgahan Natin

Administrasyong Marcos Jr. sa pagtatapos ng 2023

Sa katapusan ng taong ito, magiging isang taon na at kalahati ang panunungkulan ni Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo ng ating bansa. Naririnig natin sa kanya at mga tagasuporta niya na sa loob ng panahong ito ay napabuti ng administrasyong Marcos Jr. ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa.

Sa katapusan ng taong ito, magiging isang taon na at kalahati ang panunungkulan ni Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo ng ating bansa. Naririnig natin sa kanya at mga tagasuporta niya na sa loob ng panahong ito ay napabuti ng administrasyong Marcos Jr. ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa.

Maaalala na noong pangalawang State of the Nation Address (SONA), pinagyabang ni Marcos Jr. ang matatag na paglago ng ekonomiya sa ilalim ng kanyang patnubay.

Sinabi niya na sa kauna-unahang pagkakataon, nakapagtala ang Pilipinas noong 2022 ng paglaki ng kanyang gross domestic product (GDP) sa ilalim ng kanyang administrasyon na mas malaki kung ihahambing sa GDP noong nakaraang mga administrasyon.

Ang ating GDP ay lumago ng 7.6 % at ito ang pinakamataas na GDP ng ating bansa sa loob ng nakaraang 46 na taon.

Ang katatagan ng ating ekonomiya, ayon kay Marcos Jr., sa kabila ng dinanas nating Covid-19 at iba pang mga krisis, ang naging dahilan upang maging kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamabilis na paglago hindi lamang sa Asia kundi pati na sa buong mundo.

Noong Setyembre 2023, lumaki ang ating GDP ng 5.9%. Dahil ito sa paglaki ng ating GDP sa agrikultura ng 0.9%, sa industriya ng 5.5% at sa serbisyo ng 6.8%. Ayon naman sa World Bank, inaasahan nilang lumaki ang ating ekonomiya ng mga 6% sa taong 2023. 

Ang inflation naman o ang pagtaas ng presyo ay nagpapakita ng patuloy na pagbaba sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Naging 5.4% ito nitong Hunyo 2023 mula sa 8.7% nang magsimula ang taon. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, inaasahan nilang bumaba pa ito sa 2.9% sa 2024.

Sa mga naging SONA ni Marcos Jr., nilinaw n’ya na ang economic agenda ng kanyang administrasyon ay pagpapadali ng pagnenegosyo dito sa ating bansa, pagbabago ng sistema sa edukasyon upang maging angkop ito sa ating pangangailangan, pagpababa sa halaga ng kuryente at enerhiya, pagpapalaki sa produkto sa agrikultura, at pagpapahusay sa mga programang pangkalusugan at programang panlipunan.

Ngunit sa bahagi ng mga manggagawa, mayroon bang mga pagbabago sa kanilang kalagayan sa loob ng isa’t kalahating taong panunungkulan ni Marcos Jr.? 

Isipin natin na ang pangunahing problema ng mga manggagawa: nakabubuhay na sahod at kaseguruhan sa trabaho. Kabilang din dito ang kalidad ng trabaho na kanilang makukuha.

Ang mga batayang suliranin na ito ng mga manggagawa ay nagpapatuloy pa rin at wala man lang ginawa ang administrasyong Marcos Jr. upang mabawasan man lamang ang mga ito.

Sa usapin ng minimum wage, halimbawa, paiba-iba ito depende sa rehiyon kung saan nagtratrabaho ang manggagawa.

Sa ilalim kasi ng Wage Rationalization Act o Republic Act (RA) 6727, ang minimum wage para sa mga manggagawa ay itinatakda ng mga Regional Wages and Productivity Board sa kanilang rehiyon. Kaya kung magkano ang minimum wage na tatanggapin ng isang manggagawa, depende sa rehiyon kung saan siya nagtatrabaho.

Tulad, halimbawa, sa Metro Manila. Ang minimum wage bawat araw rito ay P573 para sa mga nagtatrabaho sa agrikultura at P610 naman para sa hindi, maliban lamang sa mga domestic workers.

Pagdating naman sa Central Luzon, P500 sa non-agricultural workers at P470 para sa plantation workers. Sa Mimaropa naman, P395 bawat araw ang minimum wage kapag ang pagawaan ay may 10 o higit pang manggagawa at P369 naman kapag hindi aabot sa 10 ang bilang ng mga manggagawa. Sa Bicol, ang mimimum wage para sa lahat ng uri ng manggagawa ay itinakda sa P365 araw-araw at P4,000 tuwing buwan sa mga domestic workers. 

Ang paiba-ibang halaga ng minimum wage bawat rehiyon ay naging humpulan ng puna simula noong maging batas ang RA 6732 noong 1989. Malaki ang kaibahan ng mga minimum wage ng bawat rehiyon samantalang kakaunti lang ang kaibahan sa cost of living. Kaya kailangan ang isang national minimum wage para sa buong bansa, sabi ng mga manggagawa.

Makakabawas ito sa populasyon sa Metro Manila kung saan nagsisiksikan ang mga manggagawa dahil dito ang may pinakamataas na sa sahod.

Isa pa, nakikita ng maraming manggagawa na ang ibinigay na minimum wage rates ng kanilang Regional Wage Board ay hindi sapat at kulang na kulang para matugunan ang cost of living requirement na sinasabi ng batas.

Halimbawa, sa Metro Manila, bale P 13,420 bawat buwan ang kikitain ng mga non-agricultural workers ayon sa bagong wage rate. Ngunit ayon sa mga dalubhasa, mahigit P 25,000 buwan-buwan ang kakailanganin ng isang pamilya sa Metro Manila para sa kanilang gastos sa pamumuhay.

Kaya kulang talaga ang binibigay na dagdag na sahod sa mga manggagawa sa kasalukuyan. Gayunpaman, tulad pa rin ng dati at walang ginawang hakbang ang administrasyong Marcos Jr. para mabigyan ng solusyon ang problemang ito.

Isa pang problema ng mga manggagawa ang kontraktuwalisasyon.

Ang pagtanggap sa mga manggagawa bilang kontraktuwal at hindi bilang isang regular na manggagawa ay isang paraan ng mga kompanya para maiwasan ang kanyang obligasyon para bigyan sila ng kaseguruhan sa trabaho.

Tinatayang may 20 milyon na manggagawa sa ating bansa ang kontraktuwal. Sa ating Labor Code, pagkalipas ng anim na buwan, dapat sila ay ituring ng regular ng kanilang kompanya.

Ngunit ang ginagawa ng ibang kompanya ay binigyan sila ng kontratang hindi umaabot sa anim na buwan. Pagkatapos ng kanilang mga kontrata, muli silang papipirmahin sa bagong kontrata upang maging kontraktuwal na muli sa kompanya. Sa ganitong paraan, mananatili siyang kontraktuwal at hindi kailan man magiging regular.

Ginagawa ito ng maraming kompanya, hindi lamang sa mga pribado sektor kundi pati sa mga publikong sektor. Sa gobyerno, tinatantyang mahigit sa 500,000 na empleyado ang kontraktuwal noong 2022.

Ayon naman sa Philippine Statistics Authority, tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa at umabot na ito sa 2.3 milyong Pilipino ngayong Hunyo. Ang mga underemployed naman ay nanatili sa bilang nilang 5.87 milyon.

Sa mahigit 49 milyong namang Pilipino na may trabaho noong Disyembre 2022, mahigit 21.2 milyon sa mga ito ang self-employed o gumagawa lamang ng mga informal work, 5.5. milyon ang nasa family farms at 2.1 milyon naman ang mga domestic helpers.

Sabi naman ng Social Weather Station nasa 19 milyon hanggang 20 milyong pamilya ang tumuturing sa kanilang sarili na mahirap noong Disyembre 2022 sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Sa kabila ng suliraning ito ng mga manggagawa, nanatiling walang kibo rito ang administrasyon. Ginutom ng pamahalaan ang taumbayan habang ang mga kroni at oligarkong ay nakinabang at pinagkitaan ang mayamang rekurso ng bansa.

Sa kabila ng pag-upo ni Marcos Jr. bilang kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, nanatiling walang seguridad sa pagkain at ginhawa sa kabuhayan ang mga magsasaka.

Hindi rin prayoridad ni Marcos Jr. ang agrikultura at manupaktura. Sa halip, mas sumandal ang pamahalaan sa importasyon ng mga batayang produkto at pag-akit ng dayuhang mamumuhunan.

Ang neo-liberal na patakarang ito ay lalong nagpalala sa kalagayan ng lokal na mga industriya sa bansa. Ang nangyari tuloy ay ang Pilipinas ang may pinakamataas na implasyon sa Southeast Asia. Wala ring ginawa ang administrasyong Marcos Jr. para pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Naghintay lamang ito sa pagbagal ng implasyon na hindi naman nangangahulugan ng pagbaba ng presyo. Tuloy-tuloy pa ring tumataas ang presyo ng pagkain, gastos sa bahay, kuryente at tubig, kasama ang gastusin sa edukasyon, kalusugan, komunikasyon at transportasyon.

Ang patakaran lang ng pag-aangkat ang naging bukambibig ng administrasyon, na naging paborable lamang sa mga malalaking negosyante at mangangalakal.

Naging manhid ang gobyernong Marcos Jr. sa pangangailangan ng mamamayan, maski sa panandaliang ayuda man lang. Nangako ito ng ayuda na P500 na ibibigay sa loob ng dalawang buwan sa 9.3 milyong pinakamahihirap na pamilya. Pero maski ang kakarampot na halagang ito, pangakong ibinaon sa limot.

Noong Abril 2023, nagsabi ang Department of Social Welfare and Development na wala pa ring ibinibigay ang pamahalaan na badyet para sa ipinangakong ayuda.

Ngunit nitong Setyembre 2023, nilagdaan ni Marcos Jr. ang Trabaho Para Sa Bayan Act na naglalayong magbigay ng plano upang masolusyunan ang kawalan ng trabaho sa bansa.

Ayon sa batas na ito, ang pamahalaan ay magtatatag ng isang national employment generation at recovery master plan sa loob ng tatlo, anim at sampung taon, kabilang na ang pagbibigay suporta sa mga maliliit negosyo, pagpapahusay ng mga kakayahan ng mga manggagawa.

Kasama rin ang pagbibigay ng insentibo sa mga negosyante, pagkakaroon ng trabaho sa mga kabataan at reintegration ng overseas Filipino workers (OFWs).

Mukhang kailangan ng kumilos ni Marcos Jr. para maging matagumpay ang pagpapatupad sa batas na ito. Bilang pangulo, kailangang gawin niya ito. Magagawa kaya niya?