Kamara, Korte Suprema, hahadlang kaya sa batas militar ni Gloria?
(Note: Inilathala ang artikulong ito bago tinapos ni Pang. Arroyo ang batas militar sa Maguindanao noong Sabado, Disyembre 12, 2009. – Ed.)
Matapos ang deklarasyon ng batas militar sa Maguindanao noong Biyernes, hindi na napakalayong senaryo ang pagdeklara ng batas militar sa buong bansa.
Kaya’t kung hindi mahahadlangan ng Kamara o Korte Suprema ang Proclamation 1959 ng Palasyo, handa ang militanteng mga grupo na manawagan sa mga mamamayan na tumungo sa lansangan at patalsikin na puwesto si Gloria Macapagal-Arroyo.
“We will have no choice but to appeal to the people to go to the streets not only to call for the revocation of martial law but to push for the immediate ouster of Gloria Macapagal Arroyo,’’ pahayag ng progresibong mga mambabatas na sina Reps. Satur Ocampo, Liza Maza, Rafael Mariano, Teodoro Casino, Luzviminda Ilagan, Neri Colmenares, Joel Maglunsod at Raymond Palatino, sa isang press conference noong Linggo.
Samantala, hihikayatin nila ang kapwa mga mambabatas na tutulan ang deklarasyon.
May malakas na mga batayan ang militanteng oposisyon para manawagang iurong ang Proclamation 1959. Katunayan, Mula Korte Suprema hanggang mga senador hanggang mga mamamahayag, nagkakaisa sa pagtinging hindi kailangan ng isang batas militar para malutas ang kasong pamamaslang sa mahigit 60 sibilyan noong Nob. 23 sa Maguindanao.
Pero ang tila iiral sa Kamara, puwersa pa rin at impluwensiya, sa halip na katwiran. Inihayag na ni House Speaker Prospero Nograles Jr. na pabor ang mayorya sa Kamara sa batas militar sa Maguindanao. Layunin lamang umano ng deklarasyon ay sugpuin ang “rebelyon” ng mga Ampatuan, ang pulitikal na angkan na alyado ni Pang. Arroyo na salarin sa masaker.
Nakatadhana sa Saligang Batas na kailangang mag-ulat ang pangulo sa Kongreso 48 oras matapos ang deklarasyon ng batas militar. Tinatayang magtitipon ang Kamara at Senado sa Martes para pag-usapan ang naturang deklarasyon ng Malakanyang.
Walang kabata-batayan
Para sa mga militante, lubhang kaduda-duda ang Proclamation 1959. Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), may tatlong bagay na maling mali sa naturang proklamasyon: Una, wala itong factual basis; pangalawa, lantarang ilegal ito; at pangatlo, garapalang pag-abuso ito ng kapangyarihan ng pangulo.
Sa una, malinaw umano sa Artikulo VII Seksiyon 18 ng 1987 Saligang Batas na tuwing panahon lamang ng aktuwal na rebelyon o pananakop, at para masiguro ang kaligtasan ng pulbiko, maaaring makapagdeklara ng batas militar ang gobyerno. Napakalayo sa “aktuwal na rebelyon” ang aksiyon ng mga Ampatuan. Katunayan, mismong mga pulis at paramilitar – mga tauhan at armadong puwersa mismo ng Estado – ang itinuturong salarin sa masaker.
Misteryosong sinasabi rin umano ng deklarasyon na nasa posisyon ang armadong mga grupo – patukoy marahil sa armadong mga tauhan ng mga Ampatuan – para labanan ang mga tropa ng gobyerno. Pero, tanong ng NUPL, nasaan ang mga ito at ano ang layunin ng mga ito? “How could we ascertain if the president is indeed telling us the truth?” tanong ng NUPL.
Hindi rin umano ibig sabihin may presensiya ng armadong mga tropa ay may rebelyon na, sabi pa ng naturang grupo ng mga abogado.
Sabi naman ni Atty. Marvic Leonen, dekano ng College of Law sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), malinaw na hindi naman nakadirekta laban sa pambansang pamahalaan ang pag-aarmas ng mga Ampatuan, kung kaya hindi rebelyon ang isinagawa ng mga ito. “Rebellion requires that there is at least a taking up of arms publicly directed against an existing government. Martial law cannot be declared because the state has failed to prevent massive human rights violations by leaders that the national government itself has nurtured,” pahayag niya.
Dahil sa kawalan ng legal na batayan at kawalan ng factual basis, lantarang ilegal ang proklamasyong ito, ayon sa NUPL. At dahil sa kabila ng pagiging ilegal nito, idineklara pa rin ni Arroyo ang Proclamation 1959, masasabing lumampas na naman si Arroyo sa paggamit ng kapangyarihan niya bilang pangulo.
Sa deklarasyon ng batas militar sa Maguindanao, Sultan Kudarat at Cotabato City, nangangamba ang mga militante na lulubha ang paglabag sa karapatang pantao ng militar na siyang lalong maghahari-harian ngayon sa naturang mga lugar. Sa ilalim ng gobyernong Arroyo, matatandaang matindi ang rekord ng militar ng paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang pamamaslang, pagdukot , pananakot at pagkulong sa militanteng oposisyon.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5353














