Istorya ng Linggo

Takot, kutsabahan, at imbestigasyong palpak sa Ampatuan


Lumabas sa Fact-Finding Mission ng mga mamamahayag ang ilang mahahalagang detalye na nagdidiin sa papel ng militar at pulisya sa masaker, gayundin ang mga kamalian sa imbestigasyon at nakakatakot na implikasyon ng state of emergency sa Maguindanao.

Dahil sa pagmamadaling bunsod ng takot, ginamit ng retrieval team ang backhoe sa paghukay ng mga bangkay, kahit pa nakasisira ito sa ebidensiya kailangan para maparusahan ang mga suspek sa masaker sa Ampatuan, Maguindanao (Nonoy Espina)

Sa karaniwang araw, matao ang burol na nakatanaw sa Brgy. Salman, Ampatuan, eksaktong lugar na pinagyarihan ng malagim na masaker sa Maguindanao. Pero nang bisitahin ng Fact-Finding Mission (FFM) ng mga mamamahayag noong Nob. 25, dalawang araw matapos ang krimen, walang tao sa mga kabahayan.

Lumisan ang halos lahat nang dahil sa takot, na hanggang ngayo’y bumabalot pa rin sa bayan na nagmarka sa Pilipinas bilang pinaka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag.

Gayunpaman, kinumpirma ng ilang magsasaka na 50 armadong kalalakihan ang nakita nilang naglalakad paalis sa lugar ng masaker noong Nob. 23. Sila ang hinihinalang mga miyembro ng Civilian Volunteer Organizations (CVOs) at pribadong hukbo ni Mayor Andal Ampatuan Jr.

Nasampahan na ng kasong kriminal si Andal, at iba pang mga miyembro ng pamilya Ampatuan, habang tinutugis naman ang iba pang mga suspek. Pero nababahala ang mga mamamahayag sa posibilidad na maging mailap na hustisya para sa mga biktima, dahil sa ilang bagay na noobserbahan sa kanilang anim na araw na pagsisiyasat.

Maling pagkalap ng ebidensiya

Sa isang press conference noong Dis. 3, inihayag ng Freedom Fund for Filipino Journalists, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), MindaNews, at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang mga resulta ng FFM. Indipendiyente ang FFM, at may nakababahalang obserbasyon sa imbestigasyong isinasagawa ng mga awtoridad.

Inihayag ng Freedom Fund for Filipino Journalists, National Union of Journalists of the Philippines, Philippine Center for Investigative Journalism, at Mindanews ang nakakabahalang resulta ng kanilang Fact-Finding Mission sa Maguindanao. Nagsasalita si Nonoy Espina, bise-presidente ng NUJP. (Lito Ocampo)

Pinuna ng FFM, halimbawa, ang “maling paghawak ng ebidensiya at kontaminasyon sa eksena ng krimen.” Naabutan ng mga miyembro ng misyon na inirerekober ang mga bangkay gamit ang isang backhoe. (Isang hiwalay na backhoe ang ginamit ng mga suspek para maghukay ng mga libingan) Umano’y dahil sa pagmamadali, pinili ng retrieval team na gamitin na lamang ang backhoe, na nakasira lalo sa mga bangkay, ayon sa kasamang forensic expert ng Commission on Human Rights na si Dr. Raquel Fortun. Ayon sa FFM, nagmadali ang mga awtoridad “dahil sa takot na posibleng gantihan sila ng mga suspek.

Kapansin-pansin din na nagkalat ang basura sa eksena ng krimen. Kabilang dito ang mga dyaryo na pinagsusulatan ng ilan sa mga mamamahayag na pinaslang at mga lalagyan ng SIM card. Hindi malinaw, ayon sa FFM, kung ikinalat ang mga basura noong panahon ng krimen o pagkatapos nito.

Pabago-bago rin umano ang body count o bilang ng mga bangkay na itinala ng mga awtoridad. May kabuuang 57 bangkay ang naitala noong Nov. 26, pero naglabas pa ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng ulat na may 64 bangkay na narekober. (Hindi na kinumpirma ng CIDG ang ulat na ito at nananatiling nasa 57 ang opisyal na bilang ng mga biktima ng masaker)

Ayon pa sa FFM, mas kumiling ang mga awtoridad sa ebidensiyang testimonyal (testimonial evidence) kaysa ebidensiyang pisikal (physical evidence). Umano’y wala nakitang indikasyon ang mga miyembro ng misyon na isinailalim sa fingerprint dusting ang backhoe na pagmamay-ari ng kapitolyo sa ilalim ng pamumuno ni Gob. Zaldy Ampatuan.

We see all kind of litigation dangers ahead,” sabi ni Melinda Quintos-de Jesus, executive director ng Center for Media Freedom and Responsibility.

Napuna rin nilang hanggang ngayon, hindi pa rin isinasapubliko ng Department of Justice ang mahahalagang dokumento kaugnay ng kaso, gaya ng police case referral report, ulat na naglalaman ng mga ebidensiyang nakalap ng mga imbestigador at magiging batayan ng proseksuyon.