Lathalain

Lakbayani: Patotoo ng kahirapan at dahas sa kanayunan

Sa daan patungong Mendiola, ng mga magsasaka mula sa Mindanao, Visayas, Bikol, at Timog Katagalugan. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Sa daan patungong Mendiola, ng mga magsasaka mula sa Mindanao, Visayas, Bikol, at Timog Katagalugan. (Ilang-Ilang Quijano)

Para sa kalakhan ng mga magsasakang naglakbay pa mula sa Visayas at Mindanao, sa Enero 22 ang unang beses na masisilayan nila ang Mendiola Bridge sa Maynila. Ito ang lugar na pinangyarihan ng masaker ng 13 magsasaka, 23 taon na ang nakakaraan. Dito rin magtatapos ang kasalukyang ‘Pambansang Lakbayan para sa Lupa at Katarungan,’ kung saan nagmartsa, tumawid ng isla, at nagkaraban sa loob ng sampung araw ang libu-libong magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Balita ko binabatuta raw ng mga pulis doon ang mga raliyista,” sabi ni Carlos Anacleto, isang magsasaka mula sa Arakan Valley, North Cotabato. “Doon kasi sa amin, kapag nagrali, walang sumasalubong na batuta…”

“Bala lang,” pabiro namang hirit ng kanyang katabi, habang nagmamartsa sa Muntinlupa noong gabi ng ika-walong araw ng Lakbayan. Halakhakan din ang iba pang magsasaka.

Pero maaaninag sa kanilang mukha, at maririnig sa kanilang isinisigaw na mga islogan at binibigkas na mga talumpati, ang kaseryosohan ng kanilang pakay. Naglakbay sila para igiit ang tunay na reporma sa lupa, na anila’y matagal nang ipinagkakait ng gobyerno, gayundin para tutulan ang militarisasyon at ekstra-hudisyal na pamamaslang ng mga magsasaka.

Ang bawat magsasakang naroroon, may lupang inagaw o pilit inaagaw mula sa kanila. Ang bawat isa’y may kasamahan na pinaslang ng militar o bayarang goons ng mga panginoong maylupa. Ang bawat isa’y hirap na iahon ang pangaraw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Pero ang bawat magsasakang naroroon, lumalaban sa gitna ng ganitong kahirapan at dahas.

Pinapalayas, napalayas

Carlos Anacleto: Binigo ang pagpapalayas sa lupaing limang dekada nang tinatamnan sa Arakan Valley, North Cotabato. (Ilang-Ilang Quijano)

Carlos Anacleto: Binigo ang pagpapalayas sa lupaing limang dekada nang tinatamnan sa Arakan Valley, North Cotabato. (Ilang-Ilang Quijano)

Limang dekada nang nagtatanim ng palay at mais si Anacleto, 55, sa loob ng reserbang lupain ng University of Southern Mindanao (USM), na sumasaklaw sa limang barangay ng Arakan Valley. Pero nanganganib silang mapalayas dito, dahil balak ng manedsment ng USM na gawin itong plantasyon ng goma. Iluluwas ang goma sa ibang bansa, para kumita ang unibersidad na kamakailan lamang ay kinaltasan ng badyet ng gobyerno.

Kabilang ang USM sa marami pang lupain na itinakas mula sa saklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP)—kesyo maaari daw itong paunlarin ng unibersidad. Pero ayon sa mga magsasaka, sila lamang ang nagtiyagang magbungkal ng lupa roon sa mahabang panahon. At kung mayroon mang hustisya sa ilalim ng CARP, dapat noon pa ito napasakamay nila.

Pero hindi iyon ang nangyari. Simula noong 2007, sunud-sunod na ang pagbabanta sa kanila ng USM: umano’y huwag na silang magtanim, at huwag na ring magtayo ng bahay na konkreto. Bilang tugon, inorganisa ng mga magsasaka ang kanilang mga sarili. Nang bakuran ang kanilang lupain at maghukay para sa diumano’y ipapatayong gusali roon, inalis ng mga magsasaka ang mga bakod at tinabunan muli ang mga hukay.

“Hindi namin ibibigay ang lupa, sa marahas man o hindi,” sabi ni Anacleto.

Samantala, isa namang retiradong mataas na opisyal ng hudikatura ang nang-aagaw ng lupain ng 144 magsasaka sa 429 ektarya sa hangganan ng Tacloban City at Leyte sa Silangang Bisaya.

Rommel Noynay: Isa sa mga binawian ng Certificate of Land Ownership Award sa Leyte, hindi na siya naniniwala sa Comprehensive Agrarian Reform Program. (Ilang-Ilang Quijano)

Rommel Noynay: Isa sa mga binawian ng Certificate of Land Ownership Award sa Leyte, hindi na siya naniniwala sa Comprehensive Agrarian Reform Program. (Ilang-Ilang Quijano)

Simula 1970 pa nagsasaka roon ang pamilya ni Rommel Noynay, 39. Noong panahon ni dating pangulong Corazon Aquino, isinailalim ito sa CARP, at binigyan ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang mga magsasaka. Pero noong 2002, binawi ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board ang CLOA ng mga magsasaka, dahil sa paggiit ng pagmamay-ari sa lupa ni Court of Appeals Associate Justice Vicente Veloso. Dahil sa umano’y pagmamaniobra ni Veloso, binago ng Department of Environment and Natural Resources ang klasipikasyon ng lupain (mula pang-agrikultura patungong pangtroso), at inalis sa saklaw ng CARP.

Pinaigting din ang militarisasyon sa lugar. Noong Setyembre 2008, isang magsasaka, si Purong Raynera, ang binaril ng pinaghihinalaang goons ni Veloso sa loob ng kanyang bahay habang naghahapunan. Sapilitan ding binuldoser ang kabahayan ng mga magsasaka.

Napalayas sila nang dahil dito. Napilitang maghanap ng trabaho sa lungsod ang iba, habang ang mga kagaya ni Noynay, naninirahan na lamang sa paligid ng lupa at pinauupahan ang kanyang lakas-paggawa sa mga katabing taniman. Kumikita lamang siya ng P80 kada araw bilang manggagawang-bukid, at kadalasa’y sa loob lamang ng dalawang buwan sa isang taon nagkakapagtrabaho.

“Sumama ako sa Lakbayan para ipanawagan sa gobyerno na ibalik sa amin ang lupa, kasi sa nakikita namin, parang ang gobyerno pa nga ang nagiging kasangkapan ng pangangamkam,” sabi ni Noynay, suot ang dilaw na t-shirt ng kanyang organisasyon, may pulang laso na nakatali sa kanyang braso.

Tagumpay ng bungkalan

Rodolfo Amion: Isa sa mga manggagawang-bukid sa Negros Occidental na binungkal na ang mga lupaing ipinagkait sa kanila ng gobyerno. (Ilang-Ilang Quijano)

Rodolfo Amion: Isa sa mga manggagawang-bukid sa Negros Occidental na binungkal na ang mga lupaing ipinagkait sa kanila ng gobyerno. (Ilang-Ilang Quijano)

Samantala, matagal tiniis ni Rodolfo Amion, 46, ng Escalante, Negros Occidental ang mababang pasahod at kawalan ng benepisyo ng pagiging manggagawang-bukid sa isa sa 40 asyenda ng tubo sa probinsya.

Noong 2008, dahil sa pandaigdigang krisis sa agrikultura, naging tatlong araw kada linggo na lang ang kanilang trabaho. Umasa sila sa sistemang pakyawan, kung saan napipilitan silang pagtrabahuin ang kanilang mga anak, sa napakaliit na kita na P24 kada araw.

Natulak silang umaksiyon para mabuhay. Sa 1,400 ektarya sa iba’t ibang asyenda sa probinsya, pinangunahan ng iba’t ibang organisasyon sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang tinatawag na “bungkalan.” Ang mga tubuhan, tinamnan ng mga palay at mais. “Masaya kami sa produkto ng bungkalan. Kahit baon pa rin kami sa utang, kahit papaano’y nakakakain na,” sabi ni Amion.

Masama ang loob ni Amion sa gobyerno, dahil binigyan sila ng DAR ng CLOA noong 2004, pero hanggang ngayo’y hindi pa rin ito ipinatutupad. Kinakailangang depensahan ng mga magsasaka ang tagumpay ng kanilang bungkalan, sa sitwasyong wala pa rin sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa, at sa harap ng pandarahas.

Ayon sa KMP-Negros Occidental, limang magsasaka na sa probinsya ang ekstra-hudisyal na pinaslang simula 2001. Pinakahuli rito si Armando Bucaling noong Oktubre 2009. Mahigit 100 magsasakang nagbubugkalan sa bayan ng Calatrava ang umano’y pinaputukan ng mga sundalong militar, Setyembre noong nakaraang taon din.

Iisang mithiin

Bukang-liwayway sa Tunasan, Muntinlupa, kung saan humimpil ang mga magsasaka sa ika-8 na gabi ng Pambansang Lakbayan. (Ilang-Ilang Quijano)

Bukang-liwayway sa Tunasan, Muntinlupa, kung saan humimpil ang mga magsasaka sa ika-8 na gabi ng Pambansang Lakbayan. (Ilang-Ilang Quijano)

Para kina Anacleto, Noynay, at Amion, pagkakataon ang Lakbayan para maiparating sa gobyerno ang kanilang mithiin, na siya ring mithiin ng mga magsasakang nagpunta at nabuwal sa Mendiola, 23 taon na ang nakakaraan: ang tunay na reporma sa lupa.

Marami silang natuklasan sa paglalakbay—gaya ng pakiramdam ng pagtawid sa maalon na dagat sakay ng barko, at ang init ng aspalto kapag ilang oras na itong nilalakaran. Pero pinakamahalagang natuklasan nila ay ang isa’t isa.

“Halos pare-pareho lang pala ang problema naming mga magsasaka, lalo na yung mga nakilala ko at napakinggan. Dumadami ang mga kulang sa lupa at walang lupa, nang dahil sa pangangamkam,” ani Noynay.

“Nakikita namin na pinagsisilbihan lang ng gobyerno ang mga panginoong maylupa at dayuhang korporasyon, hindi ang mga magsasaka,” ayon naman kay Anacleto.

“Kahit mahirap, tuloy ang laban,” sabi ni Amion, habang taimtim na inaayos ang kanyang mga kagamitan, noong umaga ng Enero 20, ika-siyam na araw ng Pambansang Lakbayan. Maya-maya pa, nagtawag na ang kanyang mga kasamahan, na tinataguriang ‘Lakbayani.’ Magsisimula nang muli ang martsa, ang makasaysayang martsa patungo sa Mendiola.

  • Share/Bookmark

Related posts:

  1. Balita: Magsasakang nasalanta, nanawagan ng solusyon sa krisis sa kanayunan
  2. Mga larawan: Pagdating sa Visayas ng mga ‘Lakbayani’
  3. Makasaysayang 10-araw na pambansang karaban ng magsasaka, ikinasa
  4. Ekstensiyon ng CARP, ‘hindi regalo kay Cory’
  5. Kailan pa hindi sa kanila ang Malapad na Parang?

Discussion

No comments for “Lakbayani: Patotoo ng kahirapan at dahas sa kanayunan”

Post a comment

Opinyon

Neoliberalism Reloaded

(1) Sa hanay ng mga kapanalig ni Presidente Noynoy Aquino, may isang paraan para mapag-iba ang mga sagad-sagarin sa mga kahit paano’y kritikal kung magsuri, iyung may katapatan pangunahin sa pangulo at iyung pangunahin sa bayan: Paano nila hinuhusgahan ang unang State of the Nation Address ni Noynoy? Kung puro papuri, nakahanay sila sa nauna; kung kahit paano’y may papitik-pitik na pagpuna, sa ikalawa.

Read on