Morong 43 tinortyur sa kamay ng AFP


Tinortyur ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang health personnel na ilegal na inaresto noong nakaraang Sabado, kabilang ang pangunguryente sa isang 60-anyos na doktor. “Batay sa kuwento ng mga detenido, isinailalim sila sa iba’t ibang porma ng tortyur at sexual harassment,” ayon kay Dr. Geneve E. Rivera, pangkalahatang kalihim ng […]

Tinortyur ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang health personnel na ilegal na inaresto noong nakaraang Sabado, kabilang ang pangunguryente sa isang 60-anyos na doktor.

“Batay sa kuwento ng mga detenido, isinailalim sila sa iba’t ibang porma ng tortyur at sexual harassment,” ayon kay Dr. Geneve E. Rivera, pangkalahatang kalihim ng Health Alliance for Democracy (HEAD). Kabilang si Dr. Rivera sa mga sumama kay Leila de Lima, tagapangulo ng Commission on Human Rights, na bumisita sa mga detenido kahapon, Pebrero 8.

Mahigit 36 oras na piniringan at pinosasan ang health personnel matapos puwersahang dalhin sa Camp Capinpin, himpilan ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army. Hindi rin sila pinakain o pinayagang makapunta sa banyo sa panahong ito, ayon sa Head.

Inirereklamo ng ilang babaing detenido na ang kanilang mga custodian pa ang nagtatanggal sa kanilang mga underwear tuwing pumupunta sa banyo. “Inirereklamo ng isang babaing health worker na ang isang babaing custodian pa ang naghugas sa pribadong parte ng kanyang katawan,” sabi ni Dr. Rivera.

May 26 sa 43 detenido ang babae, kabilang ang ilang buntis.

Pinayagan na ring makabisita ang mga kaanak ng mga detenido, matapos ang mahigit dalawang araw ng pagiging incommunicado ng huli. Naging madamdamin ang kanilang tagpo.

Pero ayon sa grupo, kinutya pa ni Col. Aurelio Balabad, hepe ng 202nd IB, ang mga kaanak, na tinawag niya umanong mga “binayarang aktor” at hindi totoong mga kaanak.

Batay pa sa kuwento ng mga kaanak, ilang oras na isinailalim sa interogasyon ang mga detenido nang wala sa presensiya ng kanilang abogado. Pinupuwersa silang aminin sa mga miyembro sila ng New People’s Army.

Nakakulong sa madidilim na selda, pinuwersa rin silang makinig sa mga putok ng baril. Hindi sila pinakakausap sa isa’t isa, at makailang beses na sinampal. Kinuhanan din sila ng mga litrato.

Kinuryente at paulit-ulit na sinuntok sa dibdib ang 60-anyos na si Dr. Alex Montes habang iniinteroga ng mga sundalo. Si Dr. Montes ay isang surgeon na kasapi ng Community Medicine Development Foundation. Dati rin siyang coordinator para sa health services ng United Churches of Christ of the Philippines.

“Hindi makatao at kriminal ang pisikal at sikolohikal na pagtortyur ng AFP. Na ginawa nila ito laban sa mga tao na kumakalinga sa ating mga buhay at kapakanan ay nagpapakita ng kung anong klase ang mga sundalo at opisyal ng militar,” sabi ni Dr. Rivera.

Iginiit ni Dr. Rivera na bahagi ang pag-aresto sa Morong 43 ng Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo na tumatarget sa mga sibilyan.

Aniya, “mas malala pa kaysa noong batas militar” ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng gobyernong Arroyo.