Kapatid ng isa sa Morong 43, pinaslang


Pinaslang sa loob ng kanyang tahanan si Guillermo Castillo, 46-anyos matapos pagbabarilin siya sa harapan ng kanyang asawa noong Disyembre 13 ng gabi, sa Sitio Tuguilan, Barangay Tayamaan, Occidental Mindoro.

Si Eulogio "Ely" Castillo, isa sa Morong 43 at kapatid ni Guillermo Castillo na pinaslang kamakailan sa Mindoro. (Mario Ignacio / VERA Files)
Si Eulogio "Ely" Castillo, isa sa Morong 43 at kapatid ni Guillermo Castillo na pinaslang kamakailan sa Mindoro. (Mario Ignacio /  VERA Files)
Si Eulogio "Ely" Castillo, isa sa Morong 43 at kapatid ni Guillermo Castillo na pinaslang kamakailan sa Occidental Mindoro. (Mario Ignacio / VERA Files)

Pinaslang sa loob ng kanyang tahanan si Guillermo Castillo, 46-anyos matapos pagbabarilin siya sa harapan ng kanyang asawa noong Disyembre 13 ng gabi, sa Sitio Tuguilan, Barangay Tayamaan, Occidental Mindoro.

Si Guillermo ay kapatid ni Eulogio Castillo na kabilang sa grupong Morong 43, mga manggagawang pangkalusugan na dinukot at ikinulong noong Pebrero 2010.

Habang karamihan sa Morong 43 ay pinalaya na, isa si Castillo sa iilang di pinalaya noong Disyembre 2010 dahil sa lima umanong kaso na ibinibintang sa kanya. Ikinulong siya sa Camp Bagong Diwa, Taguig ngunit kalauna’y inilipat sa piitan sa Mindoro Occidental.

Ayon sa Karapatan, grupong pangkarapatang pantao, nakasuot ng bonnet ang mga bumaril at pinaghihinalaan nilang mga elemento ng 80th Infantry Batallion ng Philippine Army.

Aktibong miyembro si Guillermo ng isang organisasyon ng mga magsasaka sa Mamburao, Occidental Mindoro at nakaranas ng surveillance mula sa mga pinaghihinalaang mga militar bago siya paslangin.

“Nakakalungkot na katatapos pa lamang gunitain ang 63rd International Human Rights Day ay nadagdagan na naman ang kaso ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng administrasyon ni Aquino,” pahayag ni Glendyhl Malabanan, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Tagalog.

Idinagdag pa ni Malabanan na sa ilalim umano ng pamumuno ni Aquino, 65 na ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang.

“Kasabay nito’y nagpapatuloy ang mga sapilitang pagkawala , ilegal na pang-aaresto, tortyur at mga demolisyon. Idagdag pa rito ang 356 na mga detenidong pulitikal kabilang ang kapatid ni Guillermo na si Ely Castillo na hindi isinama sa mga pinalayang Morong 43 at hanggang ngayon ay nakakulong,” ani Malabanan.

Isinisi naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)- Southern Tagalog ang pagpaslang kay Guillermo sa kontra-insurhensiyang Oplan Bayanihan na programa ng gobyernong Aquino, na anila’y pagpapatuloy lamang ng pampulitikang pamamaslang ng administrasyong Gloria Macapagal Arroyo.

“Ang Oplan Bayanihan ni Aquino ay mapanlinlang dahil sa karahasang hatid nito sa mga mamamayan. Taliwas sa diumano’y pagsusulong nito ng kapayapaan, walang pinag-iba sa Oplan Bantay Laya ni Arroyo ang Oplan Bayanihan. Ang magkapatid na Castillo ay biktima ng pulitikal na panunupil,”  pahayag ni XL Fuentes, tagapagsalita ng Bayan-ST.

Sinabi pa ni Fuentes na sa kabila ng matinding kahirapan na nararanasan ng mga mamamayan, panunupil umano ang isinasagot ng kasalukuyang administrasyon.

Iginiit ng grupo na kagyat na mabigyan ng hustisya ang pagpaslang kay Guillermo at sa lahat ng biktima ng pampulitkang pandarahas.

Noong Hulyo 2011, mabilisang nakapanayam ng Pinoy Weekly si Castillo habang siya noo’y nakapiit sa Camp Bagong Diwa. Ikinuwento ni Castillo ang mahirap na kondisyon sa piitan at ang pagpupunyagi ng mga detinidong pulitikal na mapabuti ang kondisyon sa loob ng bilangguan.

Ikinuwento rin ni Castillo ang “walang tigil na panghaharas” umano sa kanya at mga kaanak niya ng mga pinaghihinalaang militar sa labas ng bilangguan.

(May ulat ni KR Guda)