European Union at kampanya vs droga ng rehimeng Duterte
Kapag natuloy itong sinasabi ng European Union Parliament na tatanggalan ng trade preference benefits ang Pilipinas ay tiyak na may masamang epekto ito sa ekonomiya ng ating bansa.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas at ang mga bansa sa ilalim ng European Union ay may isang trade agreement kung saan ang mga panindang galing sa Pilipinas ay malayang makakapasok sa European Union na hindi na sisingilin ng taripa o export dues.
Ang tawag sa programang ito ay Generalized Scheme of Preferences Plus (GSP+).
Sinimulan ang programang ito noong Disyembre 2014 pa, at hindi maitatwa na malaki ang tulong na naidudulot sa ekonomiya ng ating bansa.
Sa ilalim ng programang ito, 6,200 na produkto na galing sa ating bansa katulad ng prutas, animal fats, textile, footwear, at mga metal ang nakakapasok sa European Union na hindi na kailangan magbayad ng taripa
Tinatantiyang umaabot sa US $2.3 Bilyon ang Philippine exports na pumapasok sa European Union na hindi na sinisingil ng taripa o buwis sa ilalim ng programang ito.
Ang European Union ay pang-apat sa pinakamaking trading partners ng Pilipinas kasama na ang Estados Unidos, Japan, at Tsina.
Mukhang maganda naman ang ating samahan sa mga bansang ito sa Europa at umaasa tayo na magpapatuloy ito sa hinaharap.
Ngunit nitong nakaraang linggo, naglabas ng panawagan ang parliamentaryo ng European Union na tapusin na ang preferential treatment na binibigay sa Pilipinas hangga’t hindi naipapangako ng ating bansa ang pagtigil sa malawakang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan kaugnay sa programang war on drugs ng administrasyong Duterte.
Maaalala na ang laban kontra-droga ay matagal nang programa ni Pang. Duterte simula pa nang maging mayor siya ng Davao City.
Isa ito sa kanyang plataporma noong halalan sa pagka-pangulo noong 2016 at pinagpatuloy lamang niya sa national level ang implementasyon ng nasabing patakaran na sinimulan niya noong siya ay mayor pa.
Ayon sa pamahalaan, tinatayang hindi bababa sa 8,600 ang namatay sa anti-drugs operation ng gobyerno mula nang maging presidente si Pangulong Duterte.
Sinasabi ng mga pulis na ang mga nasawi daw ay gumagamit o nagtitinda ng droga na nanlaban sa ginawang raid ng kapulisan.
Subalit ayon sa ibang human rights groups kasama na ang Commisson on Human Rights, hindi bababa sa 27,000 na ang nasawi kaugnay ng nasabing war on drugs ng kasalukuyang administrasyon.
Karamihan sa mga nasawi rito ay biktima ng extra-judicial executions.
Pinagbintangan sila nang walang kaukulang imbestigasyon, pinaslang nang walang awa, at tinaniman ng gawa-gawang ebidensya.
Syempre, ang akusasyong ito ay mahigpit na tinatatwa ng kapulisan.
Ngunit hindi maitatwa na sa ating kasaysayan ay wala pang naupong presidente na makapantay sa naging record na ito ni Pang. Duterte pagdating sa patayan at hulihan ng mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.
Dahil dito, noong Pebrero 2018 ay inanunsyo ng International Criminal Court (ICC), ayon sa Rome statute, ang pagsasagawa ng preliminary examination tungkol sa mga patayan sa Pilipinas sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte.
Ang reaksiyon ng administrasyong Duterte dito’y ang pag-alis sa Pilipinas sa Rome statute ng ICC para mawalan ng karapatan ang ICC sa bagay na ito.
Ang United Nations (UN) Human Rights Council naman ay naglabas ng Resolution noong Nobyembre 2019 na nananawagang imbestigahan ang kontrobersyal na war on drugs na ito ng kasalukuyang administrasyon.
Ngunit nanatiling bingi ang Pangulong Duterte.
Hindi naman nagpabaya si UN High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet at laging pinapaalala sa administrasyong Duterte na lahat ng mamamayan ay may karapatang pantao, drug user man ito o hindi, at dapat igalang ng Pilipinas ang karapatang ito.
Hindi pa rin natinag si Pang. Duterte.
Dahil siguro sa alam niyang walang kakayahan ang UN sa ilalim ng international law para ipatupad ang mga pahayag nito.
Ngunit iba ito ngayon ngayon sa nangyari sa European Union.
Kapag natuloy itong sinasabi ng European Union Parliament na tatanggalan ng trade preference benefits ang Pilipinas ay tiyak na may masamang epekto ito sa ekonomiya ng ating bansa.
Dahil sa kung ngayon ay malayang nakakapasok ang ating mga produkto sa 28 na bansa na kasapi ng European Union na walang binabayad na taripa, sa darating na araw ay pagbabayarin na tayo ng taripa at hindi na ito magiging duty free.
Sa isang bansang nasa Third World, lalo na sa gitna ng pandemya, hindi ito biro para sa atin.
Ang hinihingi lamang ng European Union sa ating gobyerno ay ang pagtigil sa malawakang paglabag sa karapatang pantao na nararanasan ngayon sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Mahirap ba itong gawin mga kasama?
Sa mga human rights violator, tiyak na mahirap.