Sentenaryo ng Marso 8, ipagdiriwang sa protesta kontra Arroyo
Ipagdiriwang bukas ng Gabriela, pambansang alyansa ng mga grupong pangkababaihan, ang sentenaryo ng Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, sa isang kilos-protesta at martsa patungong Mendiola na inaasahang dadaluhan ng 10,000 katao.
Ayon sa Gabriela, “makasaysayan” ang paggunita sa araw na idineklara 100 taon na ang nakakaraan ng 1910 First Socialist International Conference sa Copenhagen, Denmark.
“Dahil ang 2010 ay taon ng eleksiyon, lalong importante na ipagdiwang ang papel ng kababaihan sa pagtaguyod ng militanteng diwa ng Marso 8. Gusto naming siguruhin ang pagwawakas ng siyam na taon ni Gloria Macapagal Arroyo, at panagutin siya sa mahabang pagdurusa ng mga Pilipinong lalaki, babae, at bata sa ilalim ng kanyang panunungkulan,” sabi ni Gabriela Rep. Luz Ilagan.
“Women Unite, Struggle Against Crisis and Political Repression” ang tema ng kilos-protesta bukas, na idineklara rin ng grupo bilang National Day of Protest for Filipino Women. Dadaluhan ito ng kababaihan mula sa mga komunidad, iba’t ibang personalidad, at mga kasapi ng iba’t ibang progresibong organisasyon.
Makikiisa ang kababaihang mambabatas na si Gabriela Rep. Liza Maza, tumatakbong senador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan at Nacionalista Party (NP), at sina Senador Loren Legarda at Pia Cayetano, kapwa mga kandidato rin ng NP.
Madaling araw bukas, magpipinta ng mural sa harap ng Sto. Domingo Church sa España Ave. sa Maynila ang mga kababaihang artista. Magtitipon naman ang mga demonstrador sa iba’t ibang lugar sa España Ave., Araneta Ave. corner E. Rodriguez Ave., at Quezon Ave. sa Quezon City, at magmamartsa patungo sa Welcome Rotonda.
Magkakaroon ng programa sa Welcome Rotonda bandang alas-nuwebe ng umaga, bago tumulak patungong Mendiola.
Kasalukuyang abala ang kanilang mga miyembro sa paggawa ng mga effigy at plakard, pag-eensayo sa mga pangkulturang pagtatanghal, at pag-iikot sa mga komunidad, ayon sa Gabriela.
Samantala, magkakaroon din ng mga kilos-protesta sa Davao City, Cebu City, Baguio City, Bacolod City, at iba’t ibang mga lugar sa Timog Katagalugan at Bikol.
Sa labas naman ng bansa, maglulunsad ng kasabay na mga aktibidad ang kababaihang migrante sa Hong Kong at Estados Unidos bukas.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6506













