Pinoy Weekly

Nominado ng Kabataan, inatake ng pulis na tagasuporta ng ANAD

Kinondena ngayong araw ni Kabataan Rep. Raymond Palatino ang pambubugbog ng anak ng tumatakbong bise-alkalde sa Cebu City sa ika-apat na nominado ng Kabataan Party-list na si Renil Oliva at isa nitong kasamahan.

Ayon sa ulat ng lokal na tsapter ng party-list, binabantayan nina Oliva at Bryan Laguna, isang boluntir ng Kabataan, ang kanilang mga materyales para sa kampanya sa harap ng Cebu Country Club sa Banilad, Cebu City noong Abril 10, nang lapitan ni Police Supt. Ariel Palcuto.

Inakusahan ni Palcuto ang dalawang kabataan na tinanggal ang mga campaign poster ng kanyang ama na si Rico Palcuto.

Itinanggi ito ni Oliva. Pinatotohanan din umano ng isang saksi na hindi tinanggal ni Oliva o ni Laguna ang mga poster.

Nang tinanong ni Oliva si Paculto kung bakit ito nakadamit-sibilyan, sabi umano ng pulis sa kanyang kasamahan, “Ang galing  mong magsalita ‘ah… Tawagin mo ‘yung mga tauhan natin para madisiplina  sila.”

Makaraan ang ilang minuto, anim na kalalakihan ang lumabas mula sa headquarters ng kandidatong Palcuto, 100 metro lamang ang layo. Sumakay sila sa kotse at bumaba sa kinaroroonan nina Oliva at Laguna.

Saka sila sinimulang sampalin at suntukin. Tinangkang tumakas ni Oliva, ngunit natigilan nang bunutan ng baril ni Palcuto.

Nagtamo ng mga sugat sina Oliva at Laguna nang dahil sa pag-atake.

“Hindi namin matatanggap [ang barbarismong ito]. Gusto naming maparusahan ang mga nanakit sa aming nominado at boluntir…Para silang binugbog ng mga sinapian ng demonyo,” sabi ni Palatino.

Sinabi ng kongresista na ang insidente sa Cebu ang pinakamalalang kaso ng panghaharas ng kanilang mga miyembro.

Kilala umano ang mga Palcuto na tagasuporta ng Anad (Alliance for Nationalism and Democracy) Party-list, na kilala naman sa pagiging anti-komunista.

Noong Marso, isang miyembro rin ng Kabataan ang sinampal ng isang major ng Philippine Army sa isang campaign sortie sa Sorsogon.

“Ito ay resulta ng tuluy-tuloy na pagbabansag at panghaharas sa progresibong mga party-list. Naglalakas-loob ang mga opisyal ng militar at pulisya na labagin ang karapatang pantao ng aming mga boluntir at miyembro,” dagdag ni Palatino.

Sasama si Palatino sa paghain ng reklamo laban sa mga Palcuto sa tanggapan ng Commission on Human Rights. “Hindi ito dapat palampasin,” aniya.

Opisyal nang inreklamo nina Oliva at Laguna sa Mabolo Police Station ang mga suspek.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6966

Posted by on Apr 12 2010. Filed under Uncategorized. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes