Dispersal sa Hacienda Yulo: 10 magsasaka, kabilang ang menor-de-edad, nakapiit pa rin


Nananatiling nakapiit ang 10 magsasakang ilegal na aresto sa dispersal kahapon sa Hacienda Yulo, na kinondena ng militanteng mga grupo bilang “pinakamarahas” na land dispute matapos ang halalan at isang hamon kay presidential frontrunner Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na seryosong tugunan ang mga problema ng magsasaka sa lupa kapag naupo sa puwesto. Mahigit 50 […]

caption
Mahigit 50 pinagsanib na puwersa ng probinsiyal at rehiyunal na pulisya, SWAT, at pribadong guwardiya ang lumusob sa kampo ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo noong Mayo 21. (Axel Pinpin)

Nananatiling nakapiit ang 10 magsasakang ilegal na aresto sa dispersal kahapon sa Hacienda Yulo, na kinondena ng militanteng mga grupo bilang “pinakamarahas” na land dispute matapos ang halalan at isang hamon kay presidential frontrunner Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na seryosong tugunan ang mga problema ng magsasaka sa lupa kapag naupo sa puwesto.

Mahigit 50 pinagsanib na puwersa ng probinsiyal at rehiyunal na pulisya, SWAT, at pribadong guwardiya ang lumusob sa kampo ng mga magsasaka sa Sitio Buntog, Brgy. Canlubang, Calamba City para sapilitang paalisin mula sa 7,100 ektaryang lupain ni Jose Miguel Yulo. Inalis ng Department of Agrarian Reform (DAR) mula sa saklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang lupain, na nais gawing subdibisyon at golf course ng pamilya Yulo.

May nakahaing petisyon ang mga magsasaka ng DAR, pero hindi ito kinilala ni Dan Calvo, land surveyor at arkitekto ng Laguna Estate Development Corp. at San Cristobal Realty Corp. na pagmamay-ari ng mga Yulo, nang dumating kasama ng dispersal team.

“Pinunit (ni Calvo) ang aming mga dokumento at nagmura nang sinubukan naming makipagnegosasyon,” sabi ni Eric Laurel, pangkalahatang kalihim ng Samahan ng mga Mamamayang Nagkakaisa sa Buntog (SAMANA-Buntog).

caption
Si Riki Tejada ng Nnara-Youth, isa sa mga pinosasan noong dispersal. (Axel Pinpin)

Hanggang sa kasalukuyan, 10 magsasaka ang ilegal na nakadetine sa lokal na estasyon ng pulisya, kabilang ang apat na kababaihan at tatlong menor-de-edad.

Ito ay sina Maria Garcia, 39; Dorotea Mangubat, 46; Annabel Natanauan, 28; Francisca Mangubat, 71; Mario Mangubat, 36; Gilbert Caraan, 25; Lamberto Caraan, 40; Roger Nedia, 16; Jhefe De Leon, 15; at Melvin Natanauan, 16.

Pinakawalan naman bandang 8:00 kagabi ang 12-anyos na si Jorge Mangubat.

Kinasuhan sila ng direct assault, alarm and scandal, serious resistance and disobedience, at grave coercion, mga kasong “malinaw na gawa-gawa,” ayon kay Laurel.

Nakatipon ang mga tagasuporta ng mga magsasaka sa harap ng munisipyo ng Calamba City para ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya sa 10.

Isa sa pinakamarahas na land dispute matapos ang eleksiyon ang dispersal sa Hacienda Yulo, ayon sa militanteng mga grupo. (Axel Pinpin)
Isa sa pinakamarahas na land dispute matapos ang eleksiyon ang dispersal sa Hacienda Yulo, ayon sa militanteng mga grupo. (Axel Pinpin)

Ayon kay Guillermo Bautista, tagapangulo ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), malaking hamon ang usapin ng tunay na reporma sa lupa kay Aquino na nasa sentro rin ng isang kontrobersiyal na land dispute sa Hacienda Luisita.

“Ngayon pa lamang at katatapos ng eleksiyon, dahas at panunupil muli ang salubong ng estado sa mga magsasakang ipinaglalaban ang kanilang lehitimong karapatan,” sabi ni Bautista.

Babala ng grupo kay Aquino, mas marami pang mga insidente ng karahasan laban sa mga magsasaka ang posibleng maganap kapag hindi nito seryosong tinugunan ang panawagan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Tutol ang mga magsasakang nakakampo sa CARP Extension with Reforms, at pabor sa Genuine Agrarian Reform Bill na inihain sa Kongreso ng progresibong mga party-list.