Ibon: Paglago sa ekonomiya, di lumilikha ng trabaho


Hindi maituturing na “good news” ang naitalang mataas na paglago ng ekonomiya sa unang kuwarto ng taon dahil hindi naman ito nakapagliha ng trabaho o nakapag-angat ng mga Pilipino mula sa kahirapan, ayon sa indipendiyenteng think-tank na Ibon Foundation. Lumago ng 7.3 porsiyento ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, ang pinakamataas sa loob ng […]

Hindi maituturing na “good news” ang naitalang mataas na paglago ng ekonomiya sa unang kuwarto ng taon dahil hindi naman ito nakapagliha ng trabaho o nakapag-angat ng mga Pilipino mula sa kahirapan, ayon sa indipendiyenteng think-tank na Ibon Foundation.

Lumago ng 7.3 porsiyento ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, ang pinakamataas sa loob ng tatlong dekada, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Sinabi pa ng NEDA na lumikha ang paglago sa ekonomiya ng 1,730,000 trabaho, partikular sa sektor ng serbisyo. Nakatulong din ang remitans ng mga Overseas Filipino Worker sa pagtaas ng antas ng consumption, ayon sa ahensiya.

Pero ayon sa Ibon Foundation, nananatiling pinakamataas ang antas ng unemployment o kawalang-trabaho sa ilalim ni Arroyo.

Umaabot ang unemployment sa 11.2 porsiyento mula 2001 hanggang 2009 sa administrasyong Arroyo, kumpara sa 10.4 porsiyento sa administrasyong Estrada, 9.3 porsiyento sa administrasyong Ramos, at 10.1 porsiyento sa administrasyong Aquino.

Nakasaad din umano sa labor force survey ng National Statistics Office (NSO) noong unang kuwarto ng 2009 na may mahigit apat na milyong Pilipino ang walang trabaho, ayon sa lumang depinisyon ng unemployment. Wala pa rito ang 28.5 milyon na walang kaseguruhan sa trabaho, sumasahod nang napakaliit, o nagtatrabaho nang hindi sinasahuran. Kabilang sa huli ang 3.82 milyong unpaid family workers at 12.09 milyong own account workers, ayon sa ulat ng NSO.

Sa sarili namang pag-aaral ng Ibon, lumalabas na may 12.59 milyong manggagawa ang walang nakasulat na kontrata sa kanilang mga employer.

“This distorted kind of economic growth that creates wealth for a few without trickling down in terms of work and higher incomes for the majority of Filipinos has apparently continued in the first quarter of 2010,” pahayag ng Ibon Foundation.

Paliwanag nito, hindi lumilikha ng trabaho ang paglago sa ekonomiya dahil kalakhan ng mga industriya ay export-oriented at hindi nakapaloob sa lokal na industriya.

Ayon sa Ibon Foundation, isa sa mga nagtala ng paglago ang sektor ng pagmamanupaktura ng mga produktong petrolyo, electrical machinery, at mga kemikal na dominado ng mga dayuhang kompanya. Samantalang patuloy na bumabagsak ang pagmamanupaktura ng textile at footwear, na umano’y mas nasa posisyon sana na lumikha ng trabaho para sa Pilipino.

Sinabi pa nito na minamana ng bagong administrasyong Aquino ang isang “distorted” na ekonomiyang hindi nakapaghahatid ng pag-unlad sa kalakhan ng mga mamamayan.

Inirerekomenda ng Ibon kay Aquino ang pagkakaroon ng isang “nasyunalistang adyenda” sa pag-unlad ng ekonomiya na layong palakasin ang lokal na industriya at agrikultura.